Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Tuesday, August 11, 2009

Tula sa ilalim ng kama

“Inay, tingnan mo oh,

grupo ng mga salitang

may sukat at tugma,

nakita ko sa ilalim ng kama.”


Sambid ng ina,

“Linisan mo anak, at subuking basahin,

at kung maaari, unawain din.

Maaaring may kapulutan kang

iba’t-ibang mga hangarin at damdamin,

mga kapana-panabik na pakikipagsapalaran at…”


“Pero Inay, pahiran ko man

ang alikabok sa papel nito,

hindi mapagkakaila sa mga salita rito,

na ang kabuoang tula’y kinupas na ng panahon.

At ako’y mahihirapan sa pag-intindi nito.”


Marahang paliwanag ng ina,

“Pansinin ang mga salita sa tula.

Sumisigaw at nagngingitngit.

Ngunit anong magagawa? Nasa loob ng piitan.

Nahihiya sa mga daing ng tao.

Naghahangad na may makaunawa.”


“Uunawain ko? Bakit pa?

May mga taong karapat-dapat gumawa niyan.

At hindi ang tulad kong dose anyos lamang.”


“Nagbabaka-sakali lamang ang tula

na mapahalagahan mo ang sining

na sinulat at nilakbay pa ng may-akda

higit sa ilalim ng kama.”

At umalis ang ina.

Nangingilid ang luha.


- Ang tulang ito'y ipinarevise at nailathala sa zine ng aming mga aplikante. Inabot ito ng 2 workshop, at nilait at inalipusta ng labis ng mga miyembro ng UGAT. Hindi lang iyan, hindi ko rin sigurado kung mapapasama ito sa Bagito. Kinakabahan ako. Bahala na.