Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Saturday, February 26, 2011

Amphitryon ng DUP

David, Ariane Gale D. Prop. Edna Landicho

2009 63737 Pebrero 27, 2011

AMPHITRYON

Reaction Paper

Kapuri-puri ngang talaga ang dulang Amphitryon.

Wow. Ito ang nasambit ko nang nakita ko ang kama sa gitna ng entablado. Simple lang ito, subalit dahil ito ang center piece, nagbigay ito ng konotasyon na may sekswal na lapit ang dula. Mayroon ding elevated na kurbadang daanan sa paligid ng entablado. Kapag dito isinasagawa ang eksena, nabubuo sa pakiramdam ko na fantasy ang pinanunuod ko.

Nariyan din ang mga tuyong dahon na nagsilbing kabuuang disenyo ng entablado. Napakaganda ng naging epekto nito sa huling bahagi nang ito ay mailawan. Nagliwanag ito at nagkaroon ng iba’t-ibang kulay.

Kapansin-pansin ang props na gate at litson. Mahusay ang pagkakagawa ng mga ito, kaya naging makatotohanan ang kanilang itsura. Ang dalawa ay hindi lamang basta ipinakita, kundi nagamit nang maraming beses sa dula. Ang gate ay nagsilbing barikada, at maaaring naging simbolo ng dibisyon sa pagitan ng mga diyos at nilalang.

Sa kabilang banda, simple lang ang kasuotan ng mga tauhan. Sila Sosyas at Mercury ay nakapang-militar. Wala akong nakitang espesyal na pagkakaiba dito sa tunay na itsura ng unipormeng militar. Maliban sa mas pinapusyaw pa ang kulay, maaaring upang makipag-agawan ang kulat nito sa background, props, at iba pang kostyum. Ang damit naman ng bidang babae ay napakasimple lang kung iisiping siya ay isang reyna. Maaaring kaya ganoon ay upang mas mabigyang pansin ang silver na kuwintas.

Kaiba sa dulang Isang Panaginip na Fili ni Floy Quintos, walang koro dito. Hindi rin ganoon karami ang mga kanta, maliban sa mga awiting ginigitara ni Mercury. Ang mga magagaan at masarap pakinggan na kantang ito ay nakapag-establish ng klasikong pakiramdam sa kabuoan ng dula.

Nahusayan ako sa pagkaka-istruktura at sa pagkakadirek nito. Mahilig kasi ako sa maaksiyong mga palabas, at dito hindi lamang nagkaroon ng pantasiya, mayroon ding aksiyon, at sinamahan pa ng komedya. Kumbaga, all-in-one ang dulang ito!

Nagustuhan ko ang pag-alternate ng nakakatawa at seryosong mga eksena. Sa mga nakakatawang eksena, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-isip at makapag-internalize sa mga nangyayari sa kuwento. Subalit, dahil sa labis na epekto ng nakakatawang mga eksena, pakiramdam ko’y sumagadsad ang enerhiya ko sa seryosong mga eksena, at napahikab ako sa ilang bahagi.

Mahuhusay ang mga nagsipagganap. Ramdam ko ang pagsusumikap nilang gawing mas buhay ang dula. Sa pagbibitiw nila ng linya, ramdam ko na damang-dama nila ang kanilang mga role. Maliban sa babaeng bida dahil hindi ako masyadong naapektuhan ng kanyang pag-arte. Sa aking palagay, nasapawan siya ng dalawang diyos, at ng iba pang minoryang tauhan. Nakulangan ako sa bigat ng kanyang emosyon.

Sa kabilang banda, nagtagumpay ang dula sa pag-attempt na gawing mas moderno at mas malapit sa Pilipinas ang kuwento. Gumamit ito ng mga wikang balbal, kanta, pagkain, at tradisyon na nagmula o kilala sa Pilipinas. At ito sa palagay ko ay isa sa mga malalakas na puntos ng dula, dahil nakuha nila ang loob ng manonood sa pamamagitan nun. Lumakas ang reaksiyon, at nagsipalakpakan ang mga tao nang gawin nila iyon.

Nariyan ding binasag nito ang 2 dimensiyonal na panonood. Sila Sosyas at Mercury ay naghabulan sa isang eksena at dumaan sa pagitan ng mga manood. Hindi ko inasahan ang senaryong iyon kaya’t labis akong nagulat at sa parehong pagkakataon ay namangha. Naaalala kong nakahakot ng malalakas at positibong reaksiyon ang bahaging iyon.

Mayroon ding bahaging tinanong ni Amphitryon ang mga manonood kung siya nga ba si Amphithryon. Nakakatawa ang bahaging ito dahil nagkaroon ng iba’t-ibang kuwelang sagot ang mga manonood.

Sa madaling sabi, naging epektibo ang pagtatangkang gawing interaktibo ang dula.

Sa konteksto naman ng dula, ang pinakalumutang na ideya ay ang pagkakaroon ng di-pagkapantay-pantay sa lipunan. Kung higit na makapangyarihan, mas maraming magagawa at mas malaki ang impak sa tao at sa lipunan. Bilang isang diyos, minanipula ni Zeus ang mga nilalang. Nilinlang niya ang mga ito, at nagpanggap na si Amphitryon. Hindi rin siya nalayo sa ginawang pagkokontrol ni Amphitryon kay Sosyas. Nung panahong nagtatapat si Sosyas na mayroong isa pang Sosyas, nagalit si Amphitryon. Pinagalitan, tinutukan, pinalo, at pinarusahan niya si Sosyas.

Ang mga nasabing eksena ay isang manipestasyon ng realidad – ang paggamit ng mga naghaharing-uri sa kapangyarihan upang abusuhin o pagsamantalahan ang mga nasa ibaba.

Sa kabuoang puna, hindi lang ako pinahanga at pinahagikgik ng dulang ito, binigyan pa ako nito ng isang makabuluhang mensahe – na walang perpekto sa mundo. Nasa itaas man o nasa ibaba, mayaman man o mahirap, ang lahat ay nagkakamali; ang lahat ay may kani-kanilang lakas at kahinaan. Samakatuwid, ang lahat ay may pagkakataong magbago.

Thursday, February 24, 2011

Sa Aming Bahay

D U L A N G M A Y I S A N G Y U G T O

S A A M I N G B A H A Y

DAVID, ARIANE GALE DELFIN

Mga Tauhan:

LUCILLE LAZARO : 26, social worker, gradweyt ng BA Psych, maganda, kahit papaano’y kagalang-galang ang pananamit, average lamang ang perfomances sa center, nais magtagal sa trabaho upang masuportahan pa rin ang pagpapagamot sa anak

MISTY MAKUHA : 14, estudyante, pamangkin at naninilbihan bilang katulong kay Julietta, pasyente ni Lucille, mula sa mahirap na pamilya, matalino at masipag mag-aral, physically attractive, malakas ang sex appeal, may pagkamaldita at hindi madaling magtiwala sa kapwa, kakaunti lang ang kaibigan, galit sa ina, nais makapagtapos sa pag-aaral.

JULIETTA PADILLA : 41, pormal ang kilos, itsura’t pananalita, nagpapaaral at bumubuhay kay Misty, kapatid ng ama ni Misty, mahal si Misty, kasalukuyang konsehala sa lugar na iyon, maykaya, nais matulungang umayos ang kondisyon ni Misty upang maisabak sa eleksiyon sa SK, asawa ni Peter Padilla

Iba pang tauhan:

DOKTOR: lalaki, magbababala kay Lucille na ayusin ang pag-handle sa mga kaso

PETER: 46, asawa ni Julietta, isang pastor, mahal si Misty

ILANG ATTENDANT SA CENTER

Ang Tanghalan:

Ang tagpo ay sa counselling room sa Manila, Huwebes ng tanghali.

Kapansin-pansin ang magarang interyor na disenyo ng silid. Kulay puti ang upper ¾ ng dingding, samantalang peach naman ang ibabang bahagi. Mayroong tatlong malalaking single sofa sa gitna,. Ang dalawang kulay dark brown ay bahagyang magkatapat sa isa’t-isa - ito ang uupuan nina Lucille at Misty. Ang isa nama’y kulat puti na nakalagay sa kanang bahagi – ito ang kay Julietta. May maliit na peach na alpombra sa gitna.

Sa pagitan ng dalawang brown na upuan ay ang babasaging lamesa ni Lucille na naglalaman ng folder ni Misty, ilang papel at bolpen, at cellphone na gagamitin sa isang bahagi ng dula. Nakasabit ang isang lampshade sa kisame na maaaring hilain at pataasin, umaabot ito hanggang sa lamesa ni Lucille. Sa pinakakaliwang bahagi ng entablado ay may isang malaking kahoy na bookshelf. May makikitang dalawang ulo ng manika na nakalaylay dito. Gagamitin ang mga ito sa therapy. Mayroon ding aircon.

Sa kanang bahagi, sa tabi ng upuan ni Julietta ay may isang maliit na kahoy na lamesa. Ito ang patungan ng isang pitsel ng iced tea at mga baso na magagamit din mamaya sa eksena. Mayroon ditong nakapatong na plorera, at may bulaklak na Tulip.

Sa paligid ay may maliliit na puting kandilang nakasindi. Magsisilbi itong pampakalma sa damdamin ng mga tao sa loob.

Ang tanging pasukan at labasan ay ang kanang bahagi ng entablado kung nasaan naroon ang pintuan. Ang silid ay nasa ikatlong palapag ng gusali. Ang ilaw ay nagiging asul kapag malungkot ang eksena. Pero madalas, maliwanag ito.

Kapanahunan:

Kasalukuyan (2011) Tanghali

UNTI-UNTING MAGBUBUKAS ANG ILAW SA ENTABLADO. MARIRINIG ANG LABINDALAWANG TUNOG NG STRIKING CLOCK SA BANDANG LIKOD NG ENTABLADO. MALAMIG SA SILID DAHIL SA AIRCON.

MAKIKITA SI LUCILLE NA NAKAUPO SA KALIWANG SOFA, BINABASA ANG PUTING FOLDER NA MAY NAKASULAT NA MISTY. NAGREREVIEW NA LAMANG AT HINIHINTAY ANG PAGDATING NG KANYANG PASYENTE. NORMAL ANG KANYANG MOOD.

LUCILLE: Misty Makuha; under the care of aunt; 2nd year high school; good acad standing; rineport ng tiyahin ang kaso dahil sa biglang pagsagadsad ng social skills sa paaralan; mula sa mahirap na pamilya sa probinsiya. Ay teka. (ililipat ang pahina) Naninilbihan sa Tiyahin dito sa Maynila upang makapag-aral. Kumakayod para sa sarili sa edad na 15? Aba, ayos to a. Pero kamukha pa rin ng mga kaso ko noon.

PAPASOK ANG DOKTOR MULA SA KANANG BAHAGI NG ENTABLADO.

DOKTOR: Lahat yata ng kaso madali para sa’yo.

TATAYO SI LUCILLE. IILING NANG MABILIS.

DOKTOR: Let me get this straight. Sa mga nagdaang kaso mo, hindi ka panakapagbigay ng fully analyzed, fully handled na reports. Butas-butas, ang iba’y hindi mo nareresolba.

Yuyuko lamang si Lucille. Mapapabuntong hininga.

DOKTOR: Alam mong ang decision-making ang pinaka-crucial sa lahat ng prosesong pagdadaanan mo. Isang pagkakamali lang sa pag-diagnose ng problema, lahat-lahat na, including the goals, methods, and implementations ay magkakamali na rin.

LUCILLE: Pero lahat naman tayo nagkakamali.

DOKTOR: At dapat natututo tayo sa pagkakamali dahil kung hindi, aba, mag-isip-isip ka na, Luz. Nagtatrabaho ka sa Bellardo Social Center, isang respetadong ahensiya, wala dapat pumapalya. Mag-timetable ka, gawin mo ang makakaya mo para matapos yan. Hanapin mo ang misteryo ni Misty!

Mapapabuntong-hininga muli si Lucille. Titingin sa folder ni Misty.

DOKTOR: At alalahanin mong may nagaganap ngayon na staff reduction. Baka di mo mamalayan, ikaw na pala ang susunod na sisibakin. Ang rule lang ay wag kang sumuko!

Magiging kulay asul ang ilaw na tututok kay Lucille. Lalabas ang doktor sa kanang bahagi ng entablado. Tutunog ang kanyang cellphone. Kukunin ito sa lamesa.

LUCILLE: Si Junjun! (Babasahin ang mensahe). Ma, uuwi ka na ba? Masasamahan mo ba ako ngayon o si nanay ulit kasama ko? Miss na kita. (sa odyens)

Junjun talaga o, magkasama naman kami kagabi at kaninang umaga, pero miss na ako agad. (Matatawa si Lucille. Tatakpan niya ng kamay ang mukha at hihinga nang malalim. Magre-reply sa mensahe.) Nak, pasensiya, nasa trabaho pa si Ma, alam mo naman hinahanapan pa kita ng pambili ng wheelchair. Magpagaling ha, at sundin mga sinasabi ni dok. Mas miss kita. (patlang) Ayan, sent!

(sa odyens) Hay. Wala pa rin palang kasiguraduhan kahit nasa pribadong sektor ka’t gradweyt ng bachelors degree sa Psych, di ka pa rin talaga hahabulin ng trabaho. Uno nga mga grado mo nung kolehiyo, kung wala ka namang natutunan, gagapang ka pa rin sa trabaho. Diyus me.

Tatlong buwan pa lang si Junjun sa therapy, pag natanggal ako rito, tiyak matitigil yun, san ako kukuha ng suporta pag nagkataon? Baka tuluyan na siyang hindi makapaglakad, at hindi gumaling sa Cerebral Palsy. Hindi na niya ma-e-experience ang mag-hula hoop. Pano pag inatake siya? At matuluya – (Mag-iisip)

(Iiling) Luz, ano ba, kaso lang yan! Walang kasong di nalulutas. May mga kaso lang na matagal lutasin. Kaya mag-antay kang kaso ka. Misty, mapapasakin din ang puso mo. Malulutas din kita, alam ko.

May kakatok sa pintuan. Papasok mula sa kanang bahagi ng entablado si Julietta. Naka-puting polo shirt, jeans, at ballerina shoes. Kapansin-pansin ang ganda. Mapapatitig si Lucille sa kanya habang pabalik sa upuan.

LUCILLE: Magandang umaga ho, Konsehala Padilla. (nakatitig pa rin) Maupo kayo.

JULIETTA: Magandang umaga rin, (tutungo) Ms. Lucille? Lucille na lang. Antayin lang natin siya, nag-wash room lang.

LUCILLE: Sige lang po (katahimikan) Buti ho napapayag niyo siya ngayon.

JULIETTA: (tatango) Ang sabi nga kahapon baka may eksam sila ngayon, top ranking kasi yan, napakasipag na bata. Hayun, kinausap ko yung teacher, inexcuse naman siya.

LUCILLE: Naku, mabuti yan.

JULIETTA: Pero sana matulungan mo si Misty. (ngingiti) Patatakbuhin ko kasi yan sa susunod na SK election. Sana mas developed na ang skills niya after three months para makaakit siya ng boto.

LUCILLE: Gusto ho ba talaga ni Misty sumali diyan?

JULIETTA: Aba, (matataranta) oo naman ano! Basta kinakabahan ako para sa kanya ngayon e. Madalas mag-isa at nahulihan kong umiinom ng anti-depressant pills.

May maririnig na katok. Mabilis na lalapit si Lucille patungo sa kanang bahagi ng entablado. Magkasabay silang maglalakad sa gitna ni Misty. Maganda, maputing babae si Misty. Snobbish ang aura. Sesenyasan ni Lucille si Misty na maupo sa upuan sa tapat niya. Ang tingin lamang ni Misty ay diretso. Walang kaimik-imik na uupo.

LUCILLE: Misty? Ako nga pala si Lucille. Isang kaibigan. Ay, teka, ilihis mo muna yan nang kaunti. (gagalawin ni Lucille ang upuan ni Misty ng mga 20 digris mula sa direksiyon niya) Para di ka ma-drain sa direktahang pagtanggap ng negative energy. Matagal-tagal din kasi tayong mag-uusap dito.

MISTY: (maaasar) Ano ba.

LUCILLE: (mapapahiya) Pasensiya na. Nga pala, ayos lang ba na mag-iwan ako ng tape recorder dito? Confidential naman, hindi makakalabas.

Titingin lamang ito sa maliit na lamesa sa gilid ni Lucille, habang inaayos-ayos ang buhok. Tatanguan ni Julietta si Lucille, hudyat para i-on ni Lucille ang recorder.

LUCILLE: Ayan, Misty. Sabihin mo sa’kin kung ba’t ka andito. Wag kang mag-alala, isa akong kaibigan. Mapagkakatiwalaan mo ako.

MISTY: Di ko alam.

LUCILLE: (buntong-hininga) A, ganun –

JULIETTA: (kay Misty, malambing ang tono) Di’ba para i-enhance ang social skills mo, bumaba na raw kasi sabi ng teacher mo. Saka ishe-share mo sa’min kung bakit ka nagkakaganyan, diba?

MISTY: (mapapalunok si Misty) P-pe –

LUCILLE: A, Maam, thank you for that. Pero hayaan na lang po natin siya sumagot. Hindi rin po kasi advisable na magsalita kayo habang nag-uusap kami.

JULIETTA: Sorry. Carry on. (ilalabas na lamang ang cellphone)

LUCILLE: Misty, maliban sa pagpunta sa school, at pag-uwi sa bahay, ano pa ang iba mong ginagawa o pinupuntahan?

Ngingiti si Lucille. Aabangan ang reaksiyon ni Misty subalit walang tugon. Titingin nang matalim si Misty kay Lucille.

LUCILLE: Alam mo ba, kapag natapos na tayo dito, makakapag-aral ka na para sa exam mo dapat ngayon.

Katahimikan.

LUCILLE: Sa bahay ng Tiya mo, kumusta naman ang pakikitungo nila sa’yo?

JULIETTA: (Natatakot mapahiya, kinalabit si Misty) Speak up.

MISTY: (pipiliting maganahan) Siyempre maayos.

LUCILLE: Aba, (Matutuwa) magaling ba mag-alaga si Tiya mo?

MISTY: Oo nga. (Iirap) Sustentuhan ka ba naman sa pag-aaral at patirahin ka sa bahay, di ka matutuwa ha?

LUCILLE: (Maiinis sandali sa paraan ng pagsagot ni Misty, subalit matutuwa dahil nakukuha na ang loob nito) Ba’t hindi na lang doon sa Aklan?

MISTY: E di walang (isesenyas ang tatlogn daliri bilang simbolo ng pera)

LUCILLE: Wala kang nakakain?

MISTY: May natitimo naman. (Hihinga nang malalim) Asin, tuyo, mga ganun. Wala ‘kong problema sa sikmura, kahit anong damo ipakain mo sa’kin, titimoin ko. Ako pa. Basta, gusto ko talaga mag-aral ng hayskul.

LUCILLE: (matutuwa pero magpipigil) Kaya ka pumunta kay Tiya Lucille mo para sa pangarap na yan?

MISTY: (Itataas ang kanang kilay) Tapos, nagpapaka-atsay. (Titingin kay Lucille na umiinom ng iced tea) De, biro lang!

LUCILLE: Ano ba’ng trabaho ng magulang mo?

MISTY: Si nanay, nagtitinda sa palengke, naglalaba, naglalako ng kakanin. Si tatay, kartero, hardinero, basurero, kung ano-ano. Basta di sila napipirmi. Kaya lagi silang nag-aaway e. (malulungkot)

LUCILLE: Dahil di sapat ang kinikita?

MISTY: (matagal na itataas ang kanang kilay) Tapos minsan uuwi pa ng lasing ang Tatay. Mahuhuling magnanakaw sila Kuya Kaloy. (patlang) Sumusugal lang sila Kuya Teban sa kanto sa halip na magtrabaho. (patlang) Nako, ang saya-saya lagi sa bahay. (pipiliting ngumiti) Agawan ng palitaw, o anumang matira sa paglalako ni Nanay. (ngingiti, subalit kabado na). Masarap kasi e!

LUCILLE: Sabi mo ang ama mo hindi stable ang trabaho, kapag wala siyang trabaho, san siya nananatili?

MISTY: Dun din.

LUCILLE: Di ba nalalasing siya, anong ginagawa niyo pag ganun?

MISTY: (Magkakamot sa ulo. Ninipis ang mga labi) Magtatago? (aaktong nagtatago sa likod ng dingding) Nagwawala kasi e. Nandun ako sa silid nila ni Nay. Pero magpipilit pa rin pumasok. (hihinga nang malalim)

LUCILLE: (Sabik na sa pagtatanong) Kapag nasa kuwarto na kayo, ano ginagawa ninyo? Nag-uusap?

MISTY: Am. (Tutuwid sa pagkakaupo) Oo?

LUCILLE: Anong pinag-uusapan niyo?

MISTY: Kaunti lang e. Pero sinasabi niya ang ganda ko raw. Kasing-ganda ko raw si Nanay. Tapos, magpapaalam ako, kasi nga nakainom siya. Ang sangsang niya. (Mababasag ang boses) Pero hindi niya ako paaalisin.

LUCILLE: Bat naman?

MISTY: Titignan daw niya kung totoong mas maganda at seksi ako kay Nay.

LUCILLE: Paano niya tinignan?

Uneasy na kikilos si Misty. Ipapatong niya ang dalawang braso sa sandalan ng upuan. Titingin sa sahig, saka magpapaikot-ikot ang mata, nag-iisip. Pipitik-pitik ang mga daliri niya tila inaantay ang utak na sabihin ang mensahe sa kanya.

MISTY: Wu, kamon, mahirap yata ‘yan.

LUCILLE: (pasuyo) Gusto mo na matapos ‘to diba? Sige lang, malapit naman na. (magpapatuloy kahit makikita ang kabigatan sa itsura ni Misty). Hinawakan ka ba niya? O may pinapanood sa’yo?

MISTY: (aayusing muli ang buhok at hihinga nang malalim) Lagi akong hinahawakan nun ni Tatay. Sa buhok, sa likod. Minamasahe pa nga ako. (Iiling, diring-diri ang itsura) Basta, yun na yun! Ayoko na!

Tutungo lamang si Lucille sa kanya kahit nangangamba na baka umalis na ito. Hahawakan ni Julietta ang pamangkin sa buhok. Tatayo si Lucille at magtutungo sa bookshelf. Kukunin ang isang lalaking at isang babaeng manikang nakahubad.

LUCILLE: Ito (ilalahad ang palad at iaabot dalawang manika) Para talaga ‘to sa mga bata. Pero dahil parang nahihirapan ka na sa pagkuwento, baka nais mong gamitin ‘to para mapakita ang ginawa ng ama mo.

Iaabot ni Lucille ang mga manika. Makikita ang pagsulyap-sulyap ni Misty sa manika. Kinakabahan at natataranta ang itsura. Gayon din si Julietta, nataranta rin nang makita ang mga manika, subalit nanahimik na lamang.

MISTY: (Nandidiri ang itsura) Hoy! Pang-mangkukulam ka ba?

Ngingiti lang si Lucille habang tumatango.

LUCILLE: (pabulong) Sige lang. Ipakita mo anong ginagawa niyo sa kuwarto.

Pigil na tinanggap ni Misty ang mga manika. Ang lalaking manika ay pinisil niya. Iuusog ni Lucille ang maliit na lamesa sa gitna nila. Ililipat ang iced tea sa sahig, malapit kay Julietta. Ang lamesa ang magsisilbing patungan ni Misty ng mga manika.

Dahan-dahan, kontroladong sinunod ni Misty ang pakiusap. Ipapatong niya ang dalawang manika sa lamesa, saka ilalagay ang mukha ng lalaking manika sa leeg ng babae. Bibitiwan niya ang mga manika. Tititigan iyon nila Lucille at Julietta.

JULIETTA: (nabigla, manginginig nang kaunti, pero susuportahan si Misty) Go, iha.

Magtatangka muli si Misty na hawakan ang manika. Titigil sandali. Pipikit ito’t susubukan muli. Maiaangat niya ang lalaking manika. Tititigan niya muna ito nang masama, saka bibilis ang paghinga niya. Ipahahalik niya ang lalaking manika sa leeg, paikot sa suso, sa tiyan, sa pusod, hanggang umabot sa puke ng babae.

Hihinga nang malalim si Misty. Bibitiwan na ang manika. Nakatingin lamang ang balisang Julietta sa mga manika.

MISTY: Tapos, (kakabahan) pinasok niya ‘to (tinuro ang ari ng lalaki) sa dito (tinuro ang ari ng babae) Basta pinasok niya lang, labas-pasok. Pabilis nang pabilis! Tawag ko pa nga diyan dati, espada e. Ang tigas-tigas kasi. (nagpunas ng pawis)

LUCILLE: Anong ginawa mo habang ginagawa niya yan?

MISTY: Sabi niya mahal niya ako kaya niya ginagawa yun. Totoo naman, lagi siyang anjan pag may problema ako. Saka lagi niya akong pinapatawa. (matamlay na ngingiti) Kaya hindi ko siya pinigilan. Masakit nga e!

Sa mga narinig kay Misty, matatabig ni Julietta ang baso ng iced tea sa sahig at mababasag.

Biglang mapapatili si Misty. Mapapatayo si Misty, manginginig sa tunog ng nabasag na bubog. Mapapalapit siya kay Lucille. Hahawakan siya nito sa kanyang mga bisig. Pakakalmahin siya. Kakapain ni Misty ang kanyang dibdib, pakakalmahin ang sarili. Tatayo si Julietta, magtatangkang kunin ang malalaking piraso ng bubog.

LUCILLE: (pasigaw) Maam, hayaan niyo na!

Mabilis na paghingal lamang ang itutugon ni Misty.

JULIETTA: I'm sorry. Sorry! (balisa) My bad. Tatawag ako ng maglilinis.

LUCILLE: Normal lang ho ang inyong mga reaksiyon. Pag naririnig kasi natin ang madidilim na karanasan ng ating mga mahal sa buhay, (Maglalakad na palabas si Lucille) parang pati tayo nararanasan yun. (kay Misty) Ayos ka lang ba? Aksidente lang.

MISTY: (nakatingin lang sa direksiyon ng bookshelf, medyo nangingig pa rin) Oo, aksidente, di sinasadya, pero minsan malalim ang binabaong sugat ng mga aksidente. Minsa’y nagiging pilat pa.

LUCILLE: Dahil tao lang tayo. Lalo pa't isa kang babae. Vulnerable tayo.

MISTY: (Mahihimasmasan) Yun nga e, tao tayo, ang naturingang pinakamalakas at pinamatalino na nilikha sa mundo, pero ba’t ganun, di natin mapigilan ang mga nananakit sa'tin?

Mag-iisip si Lucille, saka tatayo. Kukunin sa lamesa ang ilang piraso ng papel at panulat.

LUCILLE: Magdrowing ka ng kahit ano.

Itatabi ni Lucille ang mga bubog ng pitsel. Si Misty nama’y nakatitig lang sa papel. Ipalalagitik niya ang mga daliri. Saka guguhit ng isang malaking ekis. Sandaling katahimikan. Mapapakunot ang noo si Lucille habang tinitignan ang drowing. Si Misty naman ay biglang manlalata. Mahihilo ito, mapapahawak sa ulo.

LUCILLE: Ayos ka lang? Ayusin mo posisyon mo, sige, sumandal ka diyan. (aalalayan si Misty) Teka, kukuha ako ng gamot (pupunta sa bookshelf)

Samantalang hawak-hawak pa rin ang ulo, guguhit si Misty ng babaeng taong-istik.

MISTY: (Parang mawawala ang mga nararamdamang sakit) A, si Nay, seksi, mapula ang labi, ang ganda-ganda talaga. Tapos lagi wala sa bahay kasi masipag. Masarap ding magluto, tulad ko raw sabi ni Tay. (matatawa)

Magiging kulay asul ang ilaw. Mapapatigil si Misty. Buburahin ang drowing nang napansing

nakatingin sa kanya si Lucille. Pabalik-balik niya itong papatungan ng maraming linya at mga marka hanggang sa mapunit.

MISTY: (kay Lucille) Hindi ko kilala yan. Di ko katulad yang babaeng yan. Mabait ako, masunurin. Siya, masahol pa sa hayop! Di siya marunong makinig. Sinabi ko na nga ang ginawa ni Itay sa'kin, pero sabi niya, tumahimik daw ako, at magdamit na lang nang maayos. Ang landi ko raw kasi! (sa odyens) Malandi ba talaga ako? Ha? Akala ko ba pamilya kami, e bakit mas mahal ni Nanay si Tatay kesa sa'kin?

Hindi magsasalita si Lucille. Aantayin pa ang mga susunod na sasabihin ni Misty. Tatayo si Misty, magpapalakad-lakad sa entablado. Doon sa kanang bahagi kung saan nabasag ang pitsel.

MISTY: San kaya may ligtas na tahanan? Lahat kasi ng matirhan ko, parang kagubatan. Lahat, may mababangis na hayop. Sasaktan ka nila, at kahit umiyak ka’t magmakaawa, walang mangyayari, lalapain ka pa rin nila. Wala akong kawala, san ako tutungo? Tama siguro ang sabi ng guro, mag-aral daw ako mabuti, para makalaya na ako. Kaya dapat akong makapagtapos. Tapos aalis ako sa kagubatang 'to! Ngayon dapat sumunod muna ako sa utos ni Tiya, siya pa ang boss e,

Pero parang hindi ko kaya. Si Tiya Julietta ko? Mahal na mahal ako nun. Lagi nga ako inaabutan ng alawans nun e, lagi rin akong tinutulungan sa mga proyekto. Pag umalis ako sa kanila, malulungkot siya, sigurado ako. Saka baka sabihin nila ni Tiyo Peter, taksil ako, na wala akong utang na loob!

LUCILLE: Basta mag-aral kang mabuti’t magmahal, yun ang mahalaga.

MISTY: (magbabago ang mood) E anong pake mo? Wag mo nga ‘kong diktahan. Di kita kaano-ano.

Magpipigil sa inis si Lucille.

LUCILLE: Hetong gamot, sige, magpahinga ka muna, na-i-stress ka ata.

MISTY: (Tatanggihan ang gamot) Nasan na ba si Tiya?

LUCILLE: Misty, gusto mong makapagtapos di’ba? Para magawa mo yun, pagaling ka muna. (Iaabot muli ang gamot)

MISTY: Sinabing ayoko e! Ikaw, lunokin mo, (Kukunin ang gamot sa kamay ni Lucille at itatapon sa sahig) tutal pare-pareho kayong lahat, ang kukulit niyo! (Mapapahawak muli sa ulo at mahihilo)

LUCILLE: (Matataranta. Hahawakan si Misty at aalalayang umupo) Wag ka munang mag-iisip ng kahit ano, okey? Pabalik na ang Tiya mo.

MISTY: (abrupt na tatayo, kahit masakit pa rin ang ulo) Sinabing ayaw ko e!

LUCILLE: (pasigaw) Ano bang gusto mo ha? Tinutulungan ka na nga, ikaw pa may ganang mag-inarte. Anong klaseng pag-uugali yan?

Magugulat si Misty. Matitigilan.

LUCILLE: (mataas ang tono) Sana kung hindi kayo sigurado sa pagpapa-therapy, sana di na kayo tumuloy, marami kayong nabubulilyasong tao e. Lalo ka na, kanina ang ayos-ayos ng pag-uusap natin, tapos bigla kang magsusungit ng ganyan. Ano ba, kung ayaw mo tulungan sarili mo, pwes ako gusto ko.

Tititigan lang siya ni Misty. Masungit pa rin ang itsura nito. Bababa ang tono ng boses ni Lucille. Matatauhan. Susuyuin si Misty.

LUCILLE: Huling kaso na kita, Misty. Pag hindi kita naresolba, madidispatsa ako rito. Ang anak ko ang pangarap niya lang ay makapag-hula hoop, subalit ni hindi siya makalakad dahil may Cerebral Palsy siya. Buwan-buwan nauubos ang sahod ko sa mga physical therapy niya. Hinihingan pa ako ng doktor ng wheel chair para sa mas mabilis na development, pero wala. Wala pa akong maibigay.

Magliliwanag ang ilaw. Si Misty ay nakatulala sa direksiyon ni Lucille. Hindi gumagalaw. Babalik si Julietta na walang dalang anumang panlinis sa bubog.

JULIETTA: Misty? Peter called. May emergency daw sa barangay. Kailangan daw ako.

Katahimikan. Yuyuko lang si Misty, humihinga nang malalim, at si Lucille naman ay nag-aayos ng damit.

JULIETTA: What happened? (walang sasagot) Shall we go now, Misty?

LUCILLE: Maam, nasa kalagitnaan pa ho kami ng therapy. Kung maaari po sana, mauna na kayo, at maiwan muna si Misty rito. Ako na lang po ang maghahatid sa kanya pauwi.

JULIETTA: Ha? Anong maiwan? Hindi, hindi, hindi na!

LUCILLE: Maam, ang kahit ano pong pagkaantala sa session na ito’y makakaapekto sa development ng therapy. Kaya’t habang willing pa ho magbahagi si Misty, i-take po natin ang opportunity.

JULIETTA: Sa lagay niya ngayon? I doubt. Gusto mo pa bang magpatuloy, iha? (Hindi sasagot si Misty.) See, so, tara!

LUCILLE: (Nagpupunas ng pawis sa noo at kabado) Teka, Maam, pag nagkataon po ba, babalik pa kayo sa mga susunod na session?

Magpapalipat-lipat ng tingin si Misty sa dalawang babae.

MISTY: (kay Julietta) Ano po bang emergency yun? (Titingin sa kabadong Lucille. Magbabago ang tono ng pananalita.) Pwede ho bang, uhm, maiwan na lang ako rito?

JULIETTA: Para saan pa?

MISTY: (mabagal ang pagkakasabi) Di’ba po, uhm, gusto ninyong maging maayos ang kalagayan ko? (patlang) Saka, sa palagay ko po, matutulungan ako ni Ate Lucille na mabuong muli ang sarili ko.

JULIETTA: Nasabi mo na sa’min ang problema, enough na yun! Besides, paano pag nalaman ng mga kamag-anak natin na ang kapatid ko pala ay isang (manginginig) – what would they say?

LUCILLE: Maam, lahat po ng pinag-uusapan natin dito ay confidential. Kahit sa mga kapwa ko social worker ay bawal mapag-usapan ang mga natalakay natin sa silid na ito.

Masuyong nakatigin si Misty kay Julietta. Naghihintay ng kasagutan.

JULIETTA: Hindi! Uuwi na tayo!

LUCILLE: Maam, for the child’s welfare po.

JULIETTA: Hindi, halina, Misty! (hahatakin si Misty)

MISTY: Teka po, Tiya, aray!

LUCILLE: Maam, nasasaktan ang bata!

JULIETTA: (pasigaw) Mas masasaktan siya pag ipinagpatuloy niya ito! Na-experience ko na lahat ng ‘to, at wala! Wala kahit isa ang nagka-sense!

Mapapatigil ang tatlo. Mapapatingin ang dalawang babae kay Julietta.

JULIETTA: (kabado) I meant, uhm, (mapapakagat-labi) come on, Misty.

MISTY: Tiya? Experience?

JULIETTA: (maggagalit-galitan kahit kabang-kaba na) I said, let’s go!

LUCILLE: Maam, huminahon po kayo. Halika po, uminom muna kayo ng tubig.

MISTY: Sino po? Anong nangyari?

Pauupuin ni Lucille si Julietta sa sofa ni Misty. Dilat na susundan ni Misty ng tingin ang tiyahin.

JULIETTA: It’s, it’s a long, complicated story. Mahi-mahirap.

MISTY: Kailan nangyari?

JULIETTA: (Mapapakuwento) Noong dalaga ako. (hihinga nang malalim) 18-20’s. Hindi rin ako makapaniwala. (yuyuko). Napagsamantalahan ang napakalakas na babaeng tulad ko. (patlang) Pero pagkatapos nun, (bibilis ang mga salita) nag-ingay ako. Gumawa ng eskandalo. Nagpatulong sa mga tulad niya (titignan si Lucille). Nagsampa ng kaso. Na-release ang warrant of arrest. (Hahawakan siya ni Misty sa balikat.) Pero sumuko ako.

LUCILLE: Bakit? (uupo)

JULIETTA: Oo, lumaban ako, pero wala akong suporta kay Mama. Dinaanan ko lahat ng proseso, City Hall, sa legal counsellor, attorney’s office, kung saan-saan. Ibinigay ko ang lahat. Tuwang-tuwa ako dahil may warrant na, dadakpin na lang ang maysala, (pagdidikitin ang dalawang pulso kunwa’y nakaposas, ngingiti) e putang-inang mga pulis yan! Iimbestigahan pa raw ng mga putang-ina ang putang-inang papeles! Andun na e, I was left hanging dead on air! False hopes lang pala lahat yun?

LUCILLE: (Mauunawaan) Pero panalo ka na sa pagsampa mo pa lang ng kaso.

JULIETTA: Pero gusto kong magdusa sa piitan yung walang hiyang yon! Atat na akong maigawad ang reclusion perpetua sa kanya, pero wala –

LUCILLE: Pero hindi po ibig sabihin nun susuko na kayo.

JULIETTA: Lucille, masakit maging biktima ng karahasan, pero higit na masakit kapag naging biktima ka rin ng sarili mong sistema. Bulok na sistema.

MISTY: Sino po ba ang gumawa senyo?

JULIETTA: Ang.. ang lolo mo at ang tatay mo, ang mga kuya ko, mga kapatid ko mismo. Pero si Papa lang sinampahan ko. Namundok kasi ang tatay mo nun, yung iba naman nangibang-bansa.

MISTY: (Gulat) Ha-halos buong pamilya niyo po? Pati si Itay?

Magiging kulay asul ang ilaw. Maninigas si Misty. Mapapaluha, subalit agad pupunasan ito. Mababaling ang atensiyon ni Julietta sa dalawang manika. Tila maaalala niya ang nakalipas, kaya muling mag-iinit ang kanyang dugo.

JULIETTA: (pasigaw kay Misty) Ngayon alam mo nang walang patutunguhan ang pagsasalita mo rito. Na bawat sabihin mo sa mga tao ay ilalaban nila sa’yo. Mawawalan ka ng karapatang maging tao. Sa pagko-confess mo pa lang sa nangyari, napakaraming matang na ang humuhusga sa’yo.

Matataranta si Lucille sa pag-iyak ni Misty. Tititig si Misty kay Julietta. Patuloy na hahawakan ni Misty ang balikat ni Julietta. Kakapain naman ni Julietta ang mga palad ni Misty.

JULIETTA: Saka, habang ginagamit mo yang manika kanina, (inginuso) muling nanariwa sa akin ang lahat. (Tatayo) Tama na siguro ‘to, hahanap na ako ng ibang magiging kaalyado ko sa SK sa susunod na eleksiyon. Kakayanin mo, Misty, dahil ako nakayanan ko. (Tatayo si Julietta, hawak-hawak ang kamay ni Misty. Maglalakad sila sa pintuan)

LUCILLE: (sa odyens) Di naresolbang kaso na naman? Sawa na ako!

(Pipigilan ang dalawa) Wag muna kayong umalis! Kung pilit ninyong tatakasan ang sakit ng nakalipas, paano kayo makaaalpas sa kinabukasan? Ikaw, Maam Julietta, konsehala ka pa naman namin, pero hindi ka pala malusog emotionally. Ikaw, Misty, marami ka pang pangarap di’ba? Paano mo aabutin ang mga ‘yun, kung hinihila ka pa rin ng nakaraan mo?

JULIETTA: Wala kang alam. Di mo naiintindihan ang sitwasyon namin! (hawak na ang doorknob)

LUCILLE: (Di malaman ang gagawin) Biktima rin ako!

Tatakbo si Lucille at kukunin ang manikang lalaki at saka tatapakan nang maraming beses.

LUCILLE: Ginalaw din ako (tatapakan muli) ng Tatay ko! (titigil) Pumasok ako dito para matulungang bumangon ang mga nadapang kababaihan tulad ko. Ayokong makarinig na may mga biktimang patuloy na nagpapagahasa dahil sa pananahimik nila. Kapag umalis kayo ngayon, pinalalakas ninyo ang puwersa ng mapang-abusong kalalakihan!

JULIETTA: Ano bang pinagsasasabi mo diyan? Tatahimik kami para sa sarili namin, hindi para sa kanila. Mga putang-inang lalaki yan! Kahit san ako magpunta, kahit nasa sariling bahay na ako, wala pa rin akong takas sa puwersa nila. Dapat kamatayan ang kaparusahan sa kanila!

LUCILLE: Nagagalit ka ba sa kanila? O sa sarili mo dahil naging mahina ka?

Hindi sasagot si Julietta. Titingin lang din si Misty.

LUCILLE: Karamihan sa mga kalalakihan, ang paningin sa mga babae ay walang kakayahang baguhin ang kanilang kapalaran. Pero ako binago ko. (ngingiti) Muli akong nagmahal. Minahal ko nang buo at buong puso si Junjun. Ang anak ko sa ama ko.

Katahimikan.

LUCILLE: Kadiri, ano? Anak namin ng tatay ko. (pilit na tatawa) Yan naman ang unang sasabihin ng lahat e. Pero ngayon, kasama ko pa rin si Junjun. Hindi man siya malusog, ayos lang, ang importante buong puso ko siyang minamahal. Ito ang naging paraan ko para mag-move on

Hihinga nang malalim si Misty. Balisa, tulala. Mapapaupo siya sa sinabi ni Lucille.

LUCILLE: Paano ako nagmahal? Tinanggap ko lang ang pagmamahal ng Diyos ko, at ng mga taong nakapaligid sa akin. Sa kanila ko kinukuha ang lakas ko.

JULIETTA: Pagkatapos ano? You lived happily ever after? All in your fantasy, Lucille! And you know very well na walang tunay na gumagaling sa rape. Kahit hanggang mamamatay ka na, pakiramdam mo, ginagahasa ka pa rin! Kaya si Misty, alam ko hindi rin lubusang gagaling yan! Wala – walang nakaka-survive sa rape pagkatapos!

Patuloy na magbabangayan ang dalawa. Maririnig ang mga murmur nila, subalit maninigas na sila. Si Misty, na nasa kanang bahagi ng entablado, ay dahan-dahang mapapaupo sa sahig. Malamlam ang ilaw sa lugar niya, kulay asul. Lalakas ang mikropono niya.

MISTY: (sa odyens) Noon, akala ko puno ng pag-ibig ang mundo. Puro santan lang, chocnut, tumbang-preso, mali pala. Delikado pala ang buong mundo. Kahit san ako tumapak, kahit san ako lumingon, kahit san ako huminga, hinahabol ako ng nakatatakot na mga hayop, ng mga halimaw. Saan ako dapat pumunta? Sa bahay ni Inay? Hindi, kagubatan doon. Sa bahay ni Tiya? Hindi, isang karilyo doon.

Magpatawad? (matatawa) Utang na loob, matapos ng lahat ng nangyari, ganun na lang? Yun na lang ang gagawin ko? Hustisya ba’ng matatawag yun?

Makikita ni Misty ang mga bubog na mula sa basong natabig ni Julietta kanina. Gagapang siya papalapit doon. Pupulutin niya ang isang malaking piraso nun, itatapat niya ito sa kanyang mata, at tititigan.

MISTY: (mangha) Ang ganda. Ang linaw. (patuloy na ieeksamin ang bubog) Pero nabasag din. (itatapon ang bubog) Parang ako. (ngingiti)

Hahawakan ni Misty ang ulo niya dahil sumasakit muli ito. Muli siyang dadampot ng isang piraso ng bubog. Hihipoin niya ang tiyan niya, at saka susugatan ang pulso. Mapapangiwi siya.

Unti-unting magliliwanag ang kanang bahagi ng entablado. Ngayon ay gumagalaw na sila Julietta at Lucille, patuloy pa rin ang pagdedebate. Mapapasigaw si Misty.

JULIETTA: Bakit? (makikita ang dugo sa sahig) Anong ginawa mo? Ba’t ka – Wala ka na ba sa sarili mo ha? Pansamantalang pagkamanhid lang ang yan!

Matataranta si Lucille at tatakbo sa kanang bahagi ng entablado upang humingi ng tulong.

LUCILLE: Diyos ko, saklolo!

Mapapalingon siya at makikitang tinatambol na ni Julietta ang bata. Matitigilan siya.

MISTY: Tiya, tama na po! (ipinangsasanggalang ang braso)

JULIETTA: Napaka-wala mong utang na loob, matapos kitang pag-aralin at yapusin, ‘yan ang igaganti mo sa’kin?

MISTY: Tiya, aaa! ‘Wag po! May bata sa sinapupunan ko!

Mapapaluhod si Julietta sa narinig. Matitigilan.

JULIETTA: (Walang malamang gawin) Napaka-walang hiya mong – (sasampalin si Misty) Sino ang ama niyan? (walang sasagot) Ilang linggo na yan?

Hindi makakatangin nang diretso si Misty sa tiyahin. Sandaling katahimikan.

JULIETTA: Hindi ba’t huli kang ginalaw noong 10 taong gulang ka? At simula noon ay sa’amin ka na nanirahan. At di na kita dinala pa sa ama mo. (tataas ang tono ng boses) Kung gayon, sino ang may kagagawan? Hoy! Kapamilya ba?

Mananahimik lamang si Misty. Sapo-sapo pa rin ang tiyan. Mabilis ang paghinga ni Misty.

JULIETTA: Kung magbubunga lang ‘yan ng mantsa sa lahi natin, walang lugar ‘yan sa mundong ito. Get rid of that pest!

Kukunin ni Lucille ang tuwalya sa kanyang likod, at itatali sa pulso ng bata.

MISTY: Tiya, hindi!

JULIETTA: Aba, at hindi mo na ako sinusunod ngayon ha? Sa ayaw at gusto mo, get rid of the kid, or else you’ll lose your scholarship.

MISTY: Tiya, hindi! Huwag po kayong maging malupit.

JULIETTA: Malupit? Iniiisip ko lang ang bata, ikaw, tayo. Wala kang alam. Hindi mo alam ang panganib ng pinapasok mo!

MISTY: Alam ko pong minsan niyo ring pinangarap makaluwal ng anak, kaya sana maintindihan ninyong may buhay ang nasa sinapupunan ko.

JULIETTA: You are going insane, Misty! Kapag iniluwal mo ‘yan, wala nang mangyayari sa buhay mo, lugmok ka na!

MISTY: Baliw na talaga ako, Tiya, kahapon nga nagpunta akong Quiapo,

Aaktong nasa Quiapo si Misty habang nasa sahig. Magpapalinga-linga, hahaba ang leeg, maglalakad-hihinto sa mga madadaanang tindahan.

MISTY: Magkano ho ‘yan? (patlang) Mahal pala.(patlang) Alam niyo po ba kung pano gamitin ‘yan? Pano pag mga tatlong linggo na? (patlang) Naku, talaga, sige ho, pag-iipunan ko muna.

Muling babalik si Misty sa pakikipag-usap sa Tiyahin.

JULIETTA: Ang sabi mo may group project kayo!

MISTY: Pero, Tiya, wala na akong balak ituloy ‘yun. Naniniwala na akong kaya kong magbago. (garalgal na ang boses) At tutulungan niya ako (titingin kay Lucille)

LUCILLE: (yayakapin si Misty) Tama ka. Tama ka. Lahat ay maaaring magkaroon ng redirection. Hindi ka nililigaw ng Diyos, dinadala ka Niya sa mas maayos na daan. (nanghihinang ngingiti si Misty)

JULIETTA: Tang-ina, sige magkampihan kayo. Ikaw bata ka, (hahablutin ang sugatang braso ng bata) sabihin mo sa’kin kung sino ang ama niyan! Hala sige, (pipisilin ang braso) magsalita ka!

MISTY: Tita, aray! A-aaray!

Itutulak ni Lucille si Julietta. Mabibitiwan nito ang braso ni Misty. Tititigan niya nang masama si Lucille, pero magtitimpi’t ibabaling ang atensiyon kay Misty.

JULIETTA: Hindi mo talaga sasabihin? Kalimutan mo nang naging mag-ina tayo.

Lupaypay na tatayo si Julietta mula sa pagkakaluhod. Iiling-iling naman si Misty.

JULIETTA: Lahat na lang ba ililihim mo sa’kin? Wala na ba akong silbi sa’yo? (malungkot na iiling at dahan-dahang maglalakad palayo) Naalala ko ako ang nagbigay ng pag-asa sa buhay mo, tapos ito, lahat ng ito ang igaganti mo?

MISTY: Oonga, pero kayo rin ang nagdala sa’kin dito sa madilim na buhay na ito. (Kakabahan, hahawakan ang tiyan) Si Tiyo Peter! Siya, siya ang ama nito!

Matatahimik si Julietta. Mabibigla ang itsura. Muling mapapaluhod. Mapapatulala sa bookshelf. Tila tumigil ang paghinga.

MISTY: Kapag abala ho kayo sa seminars ninyo o di kaya’y nasa baranggay kayo, at si Tiyo ang sumusundo sa akin, dinadala niya ako sa isang bahay, o kaya sa motel, at nung minsang di na siya nakatiis sa kotse. Kahit dun.

JULIETTA: (mahinang-mahina ang boses, galit, pero wala nang enerhiya) Walang hiya ka.

Manginginig si Misty. Hahawakan siya ni Lucille bilang suporta.

MISTY: Tiya, anong gagawin ko? (mapapasandal sa gilid ng upuan) Kahit saan ako magpunta, may peligro, may bangin, paano makatatakas? Pero kailangan kong tapalan ang aking labi, talian ang mga kamay, takpan ang mga mata! Kailangan kong magtiis! Dahil ang mga taong nanamantala ay yaong mga tao ring bumubuhay sa’kin. May karapatan ba akong magreklamo?

Mananatiling nakaluhod si Julietta. Akmang tatakbo patungo kay Misty.

Makaririnig ng katok. Papasok ang mga attendant mula sa kanang bahagi ng entablado. Dali-dali nilang pupuntahan ang sugatang si Misty.

JULIETTA: Ipalalaglag mo ang bata! (susugurin si Misty at akmang sasaktan ito)

Subalit, mapipigilan siya ni Lucille. Isasanggalang nito ang kanyang mga braso.

MISTY: (mataas ang boses) Hindi! Iluluwal ko siya! Kahit hindi na ako ang magpalaki sa kanya! Tiya, may buhay siya (mapapaluha at sasapoin ang tiyan) Sabi nga ni Ate Lucille, may magbabago pag nagmahal ako, pag minahal ko siya (Babaling kay Lucille) Tama ba ang gagawin ko? Tama diba? Hahayaan ko bang mamulat ang anak ko sa masukal na mundong ito? Tulad ng ginawa mo sa anak mo? Susubukan ko ring magpatawad? Tama diba?

Inaaalalayan na ng mga attendant si Misty sa paglabas sa silid. Susunod si Lucille, inaalalayan din ng mga attendant, hanggang sa dulo ng kanang entablado.

LUCILLE: (Kay Misty) Oo! (mabilis na tatango ng apat na beses) Tanggapin mo siya nang buo dahil karugtong siya ng buhay mo. May pag-asa pa (ngingiti na parang kuntento na sa nangyayari, pagkuwa’y yayakapin si Misty nang mabilis, saka bubulong) Gamutin mo muna ang sarili mo’t tutulungan kita, wag kang mag-alala.

Mawawala sa entablado sina Julietta, Misty, at ang mga attendant. Magiging asul ang ilaw. Matitigil si Lucille, tutop ang mukha. Papasok mula sa kanang bahagi ng entablado ang doktor. Titingin ito kay Lucille.

DOKTOR: Kumusta? (titingin sa kapaligiran. Madidisappoint. Iiling-iling at bubuntong-hininga). Seems like you failed your case once again.

Magliliwanag ang ilaw. Tatapang ang mukha’t tono ng boses ni Lucille.

LUCILLE: Hindi lang basta kaso si Misty! (hahablutin ang braso ng doktor at tititigan ito sa mata) Isa siyang biktima. Biktima nitong malupit na lipunan, (sa odyens) biktima ninyo, at biktimang katulad ninyo.

Aalisin ng doktor ang hawak sa kanya ni Lucille. Mababastusan kay Lucille.

LUCILLE: Sa ganitong trabaho, di dapat iniisip kung nabigo ko kayo. Ang dapat isipin ay kung nabigo ko si Junjun o ang pasyente ko. Pero sa palagay ko’y wala akong mabibigo sa dal’wa kung magpapasa ako bukas ng resignation. At nang makawala na sa pressure ng magarang ahensiyang ito!

DOKTOR: (nabigla) Anong -

LUCILLE: Mag-vo-volunteer ako sa mga government agencies, sa mga social benefit organizations, at dun ay maghahanap ako ng donor para sa therapy ng anak ko at sa wheelchair niya.

DOKTOR: (naguguluhan) Pero, napakarami mo pang unfinished business.

LUCILLE: (ngingiti) Tututukan ko pa rin si Misty, at ang iba pang naging pasyente. (maglalakad patungo sa lamesa) Dahil natutuhan kong kahit san magpunta ang mga babae’y hindi sila ligtas, wala silang kawala sa mga patibong at karahasan ng lipunan. Kaya’t kailangan kong magpundar ng kaunting pang tapang para matulungan sila. Di ko yun magagawa dito dahil sa mga tulad ninyong makakasarili!

Magiging asul ang ilaw. Kukunin niya ang mga gamit niya sa kanyang kahon. Unti-unting magdidilim ito habang sinasabi ni Lucille ang huling dayalogo.

LUCILLE: Pagkat ang mga babae rin ang lakas ng bawat babae.

#