Kahit ano sa ilalim ng araw
Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.
Tuesday, March 15, 2011
Saan ba ligtas? (4th draft)
S A A N B A L I G T A S ?
(Ikaapat na burador)
DAVID, ARIANE GALE DELFIN
Mga Tauhan:
LUCILLE LAZARO : 26, social worker, gradweyt ng BA Psych, maganda, kahit papaano’y kagalang-galang ang pananamit, average lang ang perfomances sa center, hirap mag-analisa ng kaso, pressured sa trabaho pero kayang pakalmahin ang sarili sa gitna ng problema, nais magtagal sa trabaho upang matulungan pa ang mga biktima, sobrang concerned sa kaso ni Misty pero di makapag-focus
MISTY MAKUHA : 15, estudyante, pamangkin at pinag-aaral ni Julietta, naninilbihan kay Julietta pamalit utang-na-loob, pasyente ni Lucille, mula sa mahirap na pamilya, matalino at masipag mag-aral, physically attractive, malakas ang sex appeal, may pagkamaldita at hindi madaling magtiwala sa kapwa, kakaunti lang ang kaibigan, galit sa ina, nais makapagtapos ng pag-aaral.
JULIETTA PADILLA : 41, pormal ang kilos, itsura’t pananalita, nagpapaaral at bumubuhay kay Misty, kapatid ng ama ni Misty, mahal si Misty, kasalukuyang konsehala sa lugar na iyon, maykaya, nais matulungang umayos ang kondisyon ni Misty upang maisabak sa eleksiyon sa SK, may pagka-makasarili.
Iba pang tauhan:
DOKTOR: babae, magbababala kay Lucille na ayusin ang pag-handle sa mga kaso, may-pagkamukhang-pera
JANITOR AT ILANG ATTENDANT SA BELLARDO SOCIAL CENTER
Ang Tanghalan:
Ang tagpo ay sa counselling room sa Manila, Huwebes ng tanghali.
Kapansin-pansin ang magarang interyor na disenyo ng silid. Kulay puti ang upper ¾ ng dingding, samantalang peach naman ang ibabang bahagi. Mayroong tatlong malalaking single sofa sa gitna. Ang dalawang kulay dark brown ay bahagyang magkatapat sa isa’t-isa - ito ang uupuan nina Lucille at Misty. Ang isa nama’y kulay puti na nakalagay sa kanang bahagi – ito ang kay Julietta. May maliit na peach na alpombra sa gitna.
Sa pagitan ng dalawang brown na upuan ay ang babasaging lamesa ni Lucille na naglalaman ng folder ni Misty, tsokolate, ilang papel at lapis, tape recorder, cellphone at telepono na gagamitin sa ilang bahagi ng dula. Nakasabit ang isang lampshade sa kisame na maaaring hilain at pataasin, umaabot ito hanggang sa lamesa ni Lucille. Sa pinakakaliwang bahagi ng entablado ay may isang malaking kahoy na bookshelf. May makikitang dalawang ulo ng manika na nakalaylay dito. Gagamitin ang mga ito sa therapy. Mayroon ding aircon sa tabi nito.
Sa kanang bahagi, sa tabi ng upuan ni Julietta ay may isang maliit na kahoy na lamesa. Ito ang patungan ng isang pitsel ng iced tea at mga baso na magagamit din mamaya sa eksena. Mayroon ditong nakapatong na plorera, at may bulaklak na Tulip.
Sa paligid ay may ilang bilang ng maliliit na puting kandilang nakasindi. Magsisilbi itong pampakalma sa damdamin ng mga tao sa loob.
Ang tanging pasukan at labasan ay ang kanang bahagi ng entablado kung nasaan naroon ang pintuan. Ang silid ay nasa ikatlong palapag ng gusali. Ang ilaw ay nagiging asul kapag malungkot ang eksena. Pero madalas, maliwanag ito.
Kapanahunan:
Kasalukuyan (2011) Tanghali
Maririnig ang labindalawang tunog ng striking clock sa bandang likod ng entablado. Unti-unting magbubukas ang ilaw sa entablado. Malamig sa silid dahil sa aircon.
Makikita ang Doktor at si Lucille na magkatapat sa isa’t-isa. Hawak-hawak ng doktor ang isang folder na may nakasulat na Misty sa labas. Pinagsasabihan ng doktor si Lucille, si Lucille naman ay nakayuko lang.
DOKTOR: Degree holder ka ng BA Psych, di’ba? Sana ginagamit mo yan para ma-improve pa ang mga kaso mo. Lagi na lang ganto ang mga pinapasa mong reports! (ibabagsak ang folder sa mesa) (mataas ang boses) Butas-butas! Ano bang problema? Family background na lang, pabago-bago pa rin ang mga analysis mo. Alam mong crucial ang prosesong ’to. Maliit na pagkakamali lang sa pag-diagnose ng problema, lahat-lahat na, including the goals, methods, and implementations, mali na rin! (bubuntong hininga, maglalakad-lakad) You know very well that our chief concern here is the welfare of our patients. (hihinto, titingin kay Lucille) But it seems hindi yun ang mind set mo. Swerte ka nga, nagtatiyaga pa rin silang umattend ng sessions. Yung mga dati mo ngang pasyente, bigla-bigla na lang naglalaho, then boom! Nasasayang ang tsansa nating matulungan silang bumangon. (buntong-hininga) Di ka ba nanghihinayang?
LUCILLE: (nakayuko) Pasensiya na po.
DOKTOR: You must apologize to your patients, sila ang nakakawawa sa mediocre performances mo. Look, nasa respetadong kumpanya ka, (Ituturo ang signage na Bellardo Social Center sa dingding), wala dapat pumapalya. Mag-timetable ka, gawin mo ang makakaya mo para matapos yang kaso!
Mind you, may nagaganap ngayong staff reduction. (challenging ang tono) Paghusayan mo nang di ka mapatalsik.
Lalabas ang doktor sa kanan. Magiging kulay asul ang ilaw na tututok kay Lucille. Nasa gitna siya ng entablado.
LUCILLE: (nakatingin sa pinto, magtatapang-tapangan, defensive) Sus! Di naman talaga ako ang problema. Lakas niyo kasing humigop ng kwarta! Kung maningil kayo sa mga pasyente ng gamot, bitamina, at unnecesary medical fees, para kayong mga di tao e!
(Malulungkot, nakatingin sa odyens) Tinutulungan ko naman ang mga naabusong biktimang babae. (magpapalakad-lakad) Pinagagaan ko ang damdamin nila, at tinutulungan sila sa proseso. Pero pag ako na ang nalugmok, pag ako na ang namroblema, tulad ngayon, hay, (uupo) sino na ang sumasalo sa’kin? Sino? Itong si Dok, wala nang ginawa kundi pansinin mga pagkakamali ko! At matatanggal pa raw ako sa trabaho? Tindi ng pressure!
May maririnig na katok. Sisilip mula sa pinto sa kanan si Julietta. Naka-puting polo shirt, jeans, at ballerina shoes. Kapansin-pansin ang ganda. Mapapatitig si Lucille sa kanya. Tatayo ito at lalapit kay Julietta.
LUCILLE: Konsehala, kayo pala! Buti nakarating kayo. (ili-lead si Julietta sa sofa)
JULIETTA: (hindi uupo) May exam nga siya ngayon e, umaayaw na kanina. Napakasipag kasing bata, gusto lagi nakakasunod sa requirements. Yun, kinausap ko na lang ang teacher, naexcuse naman.
LUCILLE: Mabuti naman po. Maupo ho kayo.
JULIETTA: (uupo, aayusin ang kasuotan) Let me get this straight. (seseryoso) I am disappointed. Napakabagal ng pag-usad ng therapy. Si Misty, depressed pa rin. Madalas nakatulala. Lagi pa ring natatakot. Sangkatutak ang binabayaran ko rito, tapos ito? Pinagkakaperahan niyo na lang ba kami?
LUCILLE: Naku, hindi! (defensive, humahanap ng excuse) Maam, hindi po lahat ng kaso ay madali at mabilis lutasin. Lalo na ang kay Misty. It takes time. Kaunting pasensiya pa. Ginagawa ko naman ang makakaya ko. Kakaiba lang talaga ‘tong kaso niya.
JULIETTA: (sarkastikong gagayahin ang dalawang huling pangungusap ni Lucille, pero pormal na idedeliver ang mga sumusunod na linya) Parang di ka aware na 3 months from now, filing na ng candidacy sa SK a. Dapat nasa kondisyon si Misty pag tumakbo siyang Chair. Tipong mataas na ang social skills. (tatayo, ipakikita ang kunwang pakikipagkamay sa, pagkaway, at pagtango-tango sa ibang tao) Pero sa past six sessions, little developments lang ang naobserbahan ko. (iiling) Pakiusap naman. Okey lang magbayad nang malaki e, kung mabilis at mahusay ang takbo ng kaso. (iiling) Pag ngayon pinaikot-ikot mo na naman kami at wala kaming nahita rito, diyan, (ingunguso ang isang dingding) sa kabila, lilipat na kami.
LUCILLE: (maiirita pero magpipigil) Ang importante ay may development. Minsan din ho kasi, delayed kayong magbayad.
JULIETTA: (maiinis din) Ilang mga therapy pa lang naman a. Bakit? Pauuwiin niyo ba si Misty at idedemanda niyo kami dahil lang sa delayed payment? Ridiculous.
LUCILLE: (matatagalan sa pagsagot) Sa Bellardo? Hindi po yun imposible. Lalo na ngayon, nangangailangan sila ng supplies ng gamot.
Mangangamba si Julietta sa narinig. May maririnig na katok. Mag-aayos si Julietta at dali-daling uupo. Mabilis na lalapit si Lucille patungo sa kanang bahagi ng entablado. Magkasabay silang maglalakad sa gitna ni Misty. Maganda, maputing babae si Misty. Snobbish ang aura. Sesenyasan ni Lucille si Misty na maupo sa upuan sa tapat niya. Diretso ang tingin ni Misty. Walang kaimik-imik. Badtrip.
LUCILLE: Iha! (mapapansin ang mukha ni Misty) Ganda-ganda mo, ba’t di ka ngumiti diyan?
Hindi tutugon si Misty. Mag-aalalang titingin si Julietta sa kanya.
LUCILLE: (persuasive ang tono) Anong problema? Sabihin mo. Kasi makakaapekto yan sa therapy.
MISTY: (titingin sa tape recorder sa lamesa) Di ko alam.
LUCILLE: (mapapahiya, tatango na lang, nakatingin sa recorder) I assure you, confidential ang lahat. Kahit mga kapwa ko social worker dito, di pedeng marinig yan. (maghihintay ng tugon kay Misty, subalit wala kaya magpapatuloy, ngingiti na lang, at tititig sa mata ni Misty) Basta tandaan mo, kaibigan ako. Mapagkakatiwalaan at willing makinig.
JULIETTA: Typical mood niya yan. Proceed ka na.
LUCILLE: (tatango) (Kay Misty) Good thing bumalik ka, it only shows na isa kang malakas na babae, strong girl. Kasi rinerecognize mo ang need for help mula sa ibang tao. I want to thank you for that. (wala pa ring tugon si Misty) Anyway, Misty, di’ba sabi mo sa’kin, school at bahay ka lang? E ngayon, may iba ka na bang pinagkakaabalahan?
Ngingiti si Lucille. Aabangan ang reaksiyon ni Misty subalit aayos-ayusin lang ni Misty ang kanyang buhok. Nahihirapan na si Lucille. Aayusin niya ang pagkakaupo niya.
LUCILLE: May ilang bagay lang akong ika-clarify o uulitin sa pagtatanong ngayon a. (katahimikan, mapapabuntong-hininga) Alam mo ba, kapag natapos na tayo dito, makakapag-aral ka na para sa exam mo dapat ngayon. (wala pa ring tugon) Heto, (may kukunin sa kahon) tsokolate, bigay ni Dok. Wag ka raw magtitira a.
Katahimikan. Iaabot at ipapatong ni Lucille ang tsokolate sa kamay ni Misty. Titingnan muna ni Misty ang tsokolate. Saka niya kukuyumin. Gagaan ang mukha niya. Mapapansin yun ni Lucille, bahagya siyang matutuwa.
LUCILLE: Masarap yan. Sige, kainin mo, go, stateside yan!
MISTY: (maamo) Talaga? (titignan ang tsokolate) E baka nagugutom ka a. Sa’yo na lang ulit. (i-offer pabalik ang tsokolate)
LUCILLE: Hindi. Kainin mo kung gusto mo habang nag-uusap tayo. (ngingiti) Nga pala, sa bahay ng Tiya mo, kumusta naman ang pakikitungo nila sa’yo?
JULIETTA: (Natatakot mapahiya, kakalabitin si Misty) Hey, speak up.
MISTY: (pipiliting maganahan) Oks (itataas ang dalawang hinlalaki).
LUCILLE: Aba, (matutuwa) magaling ba mag-alaga si Tiya mo?
MISTY: (Iirap) Sustentuhan ka ba naman sa pag-aaral, patirahin ka sa bahay, tapos ipag-therapy ka pa, di ka matutuwa ha? (tititigan ang tsokolate)
LUCILLE: (Maiinis sandali sa paraan ng pagsagot ni Misty, subalit matutuwa dahil nakukuha na ang loob nito) Ba’t hindi na lang doon sa Aklan?
MISTY: E di walang (isesenyas ang tatlong daliri bilang simbolo ng pera)
LUCILLE: Wala kang nakakain?
MISTY: (kakagatin niya ang hintuturo) Meron naman. Pero ganto? (ipapakita ang tsokolate) Di pa’ko nakakalasa nito. Asa pa. (mapapangiti) Asin, tuyo, mga ganun lang. Wala ‘kong problema sa sikmura, kahit anong damo ipakain mo sa’kin, titimoin ko. Basta, gusto ko makapaghayskul.
LUCILLE: (matutuwa pero magpipigil) Kaya ka pumunta kay Tiya Lucille mo para sa pangarap na yan?
MISTY: (Itataas ang kanang kilay, medyo nagdyo-joke) Tapos, nagpapakaatsay din ako! (titingin kay Julietta na umiinom ng iced tea) De, biro lang! (seseryoso) Kaya dapat gumaling na’ko e, medyo pabigat na rin ako. Pag sinukuan ako ni Tiya, lagot na, magiging malaking abala sa pag-aaral ko ang sakit ko.
JULIETTA: (kunot noo)Don’t think about it. Keep going sa pagse-share, okay?
LUCILLE: (ngingiti, tatango) Ano ba’ng trabaho ng magulang mo?
MISTY: (kukunot ang noo, gagamitin ang kamay sa pag-eenumerate) Si nanay, nagtitinda sa palengke, naglalaba, naglalako ng kakanin. Si tatay, kartero, hardinero, basurero, kung ano-ano. Basta di sila napipirmi. Kaya lagi silang nag-aaway e. (malulungkot)
Tatayo si Julietta. Magtutungo sa bookshelf.
LUCILLE: Parehas pala tayo. (ngingiti nang matamlay) Ba’t nag-aaway? Dahil di sapat ang kinikita?
MISTY: (matagal na itataas ang kanang kilay) Tapos minsan uuwi pa ng lasing ang Tatay. Mahuhuling magnanakaw sila Kuya Kaloy. (patlang) Sumusugal lang sila Kuya Teban (ituturo ang isang parte ng silid) sa kanto sa halip na magtrabaho. (patlang, sarkastiko) Nako, ang saya-saya lagi sa bahay! (pipiliting ngumiti) Agawan ng palitaw, o anumang matira sa paglalako ni Nanay. (ngingiti, subalit kabado na). Sarap kasi e!
LUCILLE: Sandali lang ha, pero maaari bang ipakita mo sa’kin kung ano ulit ang ginawa sa’yo ng tatay mo (patlang) nung gabing nalasing siya nun?
MISTY: (maiinis) Na naman? Natutuwa ka ano kapag pinagagawa mo yan?
LUCILLE: (aabutin ang kamay ni Misty, pipisilin ito) Kailangan ‘to.
MISTY: (aalis sa pagkakahawak ni Lucille) Gusto mo na lang akong saktan no?
LUCILLE: Di naman sa ganun. Di ba gusto mong maibalik ang mga kaibigan mo? At di ba gusto mo ring masuportahan ang tiyahin mo sa adhikain niya? (ngingiti) kaya sige na i-share mo na.
Uneasy na kikilos si Misty. Ipapatong niya ang dalawang braso sa sandalan ng upuan. Titingin sa sahig, saka magpapaikot-ikot ang mata, nag-iisip. Pipitik-pitik ang mga daliri niya tila inaantay ang utak na sabihin ang mensahe sa kanya. Tatayo. Titingin si Misty kay Julietta. Nakakunot ang noo. Magtitinginan ang dalawa.
LUCILLE: (pasuyo) Sige lang, malapit naman na tayo matapos. (magpapatuloy kahit makikita ang kabigatan sa itsura ni Misty). Hinawakan ka ba niya? O may pinapanood sa’yo? Wag ka matakot, andito ako para tulungan ka.
JULIETTA: (nanghihikayat) Sige na. Ikuwento mo na.
MISTY: (aayusing muli ang buhok at hihinga nang malalim) Lagi akong hinahawakan nun ni Tatay. (Hahawakan ang mga parteng sasabihin) Sa buhok, sa mukha, braso, likod, binti. Minamasahe pa nga ako. (Iiling, diring-diri ang itsura, maiinis) Basta, yun na yun! Ayoko na! (tutop ang mukha)
Tutungo lamang si Lucille sa kanya, kunot ang noo, papagpagin ang uniporme sa bandang dibdib. Parang natataranta. Di malaman ang gagawin. Hahawakan ni Julietta ang buhok ng pamangkin. Tatayo si Lucille at magtutungo sa bookshelf. Kukunin ang isang lalaki at isang babaeng manikang nakahubad.
JULIETTA: Sige, sundin mo na siya. It might be harsh, pero para sa’yo rin ‘to.
LUCILLE: Alam ko ang pakiramdam mo. Yung tipong pag nagkuwento ka, andun ka ulit sa panahong yun. Kung natatakot ka sa magiging reaksiyon ko, dahil baka pandirihan kita, wag! Sobra-sobrang naiintindihan kita.
Tatayo si Misty. Tatakbo at uupo sa isang sulok. Nakatago ang mukha.
MISTY: Wala kang alam! Wala! Di mo ‘ko, di niyo ko maiintindihan!
LUCILLE: (tatayo, lalapit kay Misty) I do. (hihimas-himasin ang buhok nito)
MISTY: (iaangat ang mukha) Ba’t ba ang kulit mo? (aalisin ang kamay ni Lucille) Wala ka sabing alam! Yung nararanasan ko, pang-abnormal ‘to! (itatagong muli ang mukha)
LUCILLE: Hindi, yang nararanasan mo, normal yan. Alam na alam na alam ko –
MISTY: (iaangat muli ang mukha) Tumahimik ka na nga! (tatambulin si Lucille) Wag kang magmagaling! (paulit-ulit na tatambulin si Lucille sa binti, nagmamaktol na) Lahat ng sinabihan ko nito, inalipusta na ‘ko! Ikaw pa kaya! (patuloy sa pagtatambol) Tiya, ayoko na po!
JULIETTA: (maglalakad papunta kay Misty) Misty, stop it!
LUCILLE: (sesenyasan si Julietta na magback-off na. Pipigilan niya ang kamay ni Misty, tititigan niya ito sa mata) Naiintindihan kita. Wag mo isiping hindi.
MISTY: (tatakpan ang tenga at nang-aasar, nakaupo pa rin sa sahig) Bla bla bla! Bla bla lalala!
LUCILLE: (mapapabuntong-hininga) Alam mo kung bakit? (patlang) Kasi dati rin akong pinagsamantalahan ng tatay ko.
Magugulat si Julietta. Lalapit siya sa mesa at mapapainom ng iced tea. Mawawalan ng emosyon ang mukha ni Misty. Magpapatuloy si Lucille sa pangungumbinse.
LUCILLE: Oo, dati rin akong biktima. Pero tinatawag ko na ang sarili ko ngayong Incest survivor. At napakasarap nun sa pakiramdam.
JULIETTA: (lalapit sa kanilang dalawa) Pano?
LUCILLE: Pinili kong basagin ang shell ko. Pinili kong makawala mula sa pagkakabihag ng nakaraan. Pinili kong makalabas sa madilim na kuweba. (hahawakan si Misty) Kaya ikaw, ilabas mo lang yan. First step yan para makapag-let go ka. Naniniwala naman ako sa’yo e, naiintindihan kita.
MISTY: Umintindi? Walang marunong nun. Ni makinig nga, wala e!
LUCILLE: Alam ko ang pakiramdam na tila wala nang pag-asa, alam ko lahat! (mangungumbinse pa rin) Kaya nga magtiwala ka lang sa’kin, dahil I assure you na naiintindihan kita, kasi nga, napagdaanan ko na yan.
Yayayain ni Lucille si Misty pabalik sa upuan. Badtrip pa rin ang mood ni Misty. Aalalayan ni Lucille sa Misty sa pagtayo. Unti-unti itong tatayo at dahan-dahang maglalakad palapit sa mga manika. Padabog na kukunin ni Misty ang lalaking manika. Galit na nagpipigil ang itsura niya. Sinusubukan niya itong iwasan ng tingin. Pinisil niya ito. Punompuno ng emosyon ang ginawa niyang iyon. Iuusog ni Lucille ang maliit na lamesa sa gitna nila. Ililipat ang iced tea sa sahig, malapit kay Julietta. Ang lamesa ang magsisilbing patungan ni Misty ng mga manika.
JULIETTA: (hahagurin ang likod ni Misty) Malapit na. Kaya mo yan.
Uupo si Misty. Dahan-dahan, kontroladong susunod ni Misty ang pakiusap. Ipapatong niya ang dalawang manika sa lamesa, saka ilalagay ang mukha ng lalaking manika sa leeg ng babae. Bibitiwan niya muli ang mga manika. Mapapatayo si Misty. Mabilis ang paghinga niya. Tititigan nila Lucille at Julietta ang mga manika.
LUCILLE: (kabado sa kalalabasan) Go, iha.
Pauupuing muli ni Lucille si Misty. Dahan-dahan silang babalik sa pagkakaupo. Magtatangka muli si Misty na hawakan ang manika. Titigil sandali. Pipikit ito’t susubukan muli. Mapapatigil na naman at bubuntong-hininga. Maiaangat niya ang lalaking manika. Tititigan niya muna ito nang masama, saka bibilis at bibigat nang kaunti ang paghinga niya. Iiwas-iwasan niya ng tingin ang lalaking manika habang ipinahahalik niya ito sa leeg, paikot sa suso, sa tiyan, sa pusod, hanggang umabot sa puke ng babae. Pagkuwa’y ipahihilata niya ang babaeng manika. Ipapatong niya ang lalaking manika sa itaas ng babae. Saka niya itutulak-tulak na parang nagba-vibrate ang lalaki sa bandang puwitan nito.
Matapos ang mga pitong segundo, titigil si Misty. Hahawakan ni Lucille ang mga braso ni Misty. Yayakapin ni Julietta si Misty. Maya-maya’y ichecheck ni Lucille ang folder sa lamesa. Magbabasa-basa. Mapapakunot ito ng noo. IInom ng tubig. Paulit-ulit niyang babalikan ang mga pahina ng folder at saka magkakamot ng ulo at mapapailing-iling.
Sa pagtayo ni Julietta, matatabig niya ang baso. Magugulat si Misty, mapapatayo, at tatakbo patungo kay Lucille.
JULIETTA: (tatayo) I’m sorry. Tatawag ako ng maglilinis. (mabilis na lalabas)
Kumakapit na si Misty kay Lucille. Nanginginig. Nakatayong yayakap si Misty kay Lucille. Magugulat si Lucille. Mag-aalangan kung yayakapin din si Misty. Unti-unting yayakap si Lucille.
MISTY: (malambing ang pananalita at light ang awra) Ate Lucille, ang sarap mo yakapin. Parang si Nanay. (patlang) Pedeng ganto muna tayo? (hihigpitan pa ang yakap) Yung nanay ko, seksi, mapula ang labi, maganda! Tapos lagi wala sa bahay kasi masipag maglako. Masarap ding magluto, tulad ko nga raw sabi ni Tay. (matatawa)
LUCILLE: Sige lang (ngingiti) parehas pala ng sinabi ang mga ama natin sa’tin. Apir nga tayo diyan, soul mates yata tayo e. (matatawa)
Bibitiw sa pagkakayakap si Misty. Mas masaya ang awra niya ngayon. Hindi rin pasosyal. Kukunin niya ang papel sa lamesa, idrodrowing niya ang pamilya niya. Ngingiti-ngiti mag-isa si Misty. Matutuwa si Lucille sa attitude ni Misty. Muling yayakap si Misty kay Lucille. Aakalain ni Misty na si Lucille ang nanay niya. Muling magugulat si Lucille, subalit yayakap na lang.
MISTY: Nanay, mahal kita. Kaya nga nag-aaral ako mabuti, kasi nararamdaman ko na susukuan na ako ni Tiya. Ewan ko pero parang pagod na siyang alagaan ako, (patlang) at pag-aralin. E hindi pwedeng hindi niya ituloy sessions ko dito, kasi sigurado di na po ako makakapag-aral mabuti. Sigurado lagi na magulo utak ko. Tsaka, gusto ko pa rin magtapos. Gusto ko nga gumaling e para maging proud kayo ni Tatay sa’kin. (titingin kay Lucille) Hay. Namimiss na kita, Nay.
Nanahimik lang si Lucille. Patuloy na nakikinig. Yayakap lang kay Misty. Subalit bigla-bigla na lamang magagalit si Misty kay Lucille. Itutulak niya ito papalayo. Pupunta sa kaliwang bahagi ng entablado si Misty. Nagugulumihan siya.
MISTY: (pasigaw) Ang nanay ko? Hindi! Di ko siya katulad! Mabait ako, masunurin. Siya, masahol pa sa hayop! (tarantang magpapalakad-lakad) Di siya marunong makinig. Sinabi ko ang ginawa ni Itay sa'kin, pero sabi niya tumahimik daw ako, at magdamit na lang nang maayos. Ang landi ko raw kasi! Malandi ba talaga ako? Ha? (hahawakan niya ang dibdib, titignan ang katawan) Akala ko ba pamilya kami, e ba’t mas mahal ni Nanay si Tatay kesa sa'kin? (patlang) Paglaki ko, di ko siya tutularan!
LUCILLE: Maghulos-dili ka, Iha. (tatayo hahabulin si Misty) Walang mangyayari pag nagpadala ka sa emosyon. (yayakapin si Misty)
MISTY: Ano bang ibang magagawa ko, bukod sa magalit? (matatawa) Wala di ba! Wala! (bibitiw mula sa pagkakayakap ni Lucille)
LUCILLE: Wala kang madaling pagdadaan pag nagahasa ka. Lifetime process ang pagpapagaling dito. Ako nga, nagsampa ng kaso laban sa nang-abuso sa’kin. Na-release ang warrant of arrest. Pero walang nangyari.
MISTY: (hindi maririnig ang sinabi ni Lucille) Dapat makaalis ako agad dito. Dun sa malayo. Dun sa ligtas. Pero, san ba may ligtas na lugar? E sa sarili ko ngang bahay naga... (patlang, muling magpapalakad-lakad) Parang lahat, ano, kagubatan. (matatawa, kukunin ang drowing sa lamesa) (seseryoso) Kala mo tahimik, payapa, masarap. (titignan ang drowing, ngingiti) (muling seseryoso, galit ang tono) Pero di pala! Nagkalat ang mababangis na hayop! Kahit umiyak ka’t magmakaawa, paulit-ulit ka pa ring sasaktan at lalapain. (pupunitin ang drowing)
LUCILLE: (magugulat pero susubukang kumalma) Totoo. (lalapit sa direksiyon ni Misty habang nakatingin sa mga piraso ng papel) Pero kung tatakas ka nang ganun-ganun lang, di ka makapaghihiganti sa kanila. Di mo maipaghihiganti ang sarili mo. Kung patuloy kang mananahimik, patuloy kang nagpapagahasa. Patuloy mong pinadadami ang mga hayop na tulad nila!
MISTY: (nakayuko, sisipa-sipain na parang bata ang mga drowing, maamo ang tinig) Ano?
LUCILLE: (mataas ang tono) Ibig kong sabihin, pag hindi ka lumaban, pag hindi ka nagsalita, patuloy silang dadami! (babalik sa normal ang tono, hahagurin ang likuran ni Misty) Tutulungan naman kita e, kahit hanggang sa huli pa. Naniniwala kasi ‘kong kakayanin mo. (ngingiti) Kung ako nga kinaya ko, pano ka pa? E strong girl ka diba!
MISTY: (makakalma nang kaunti) Talaga?
LUCILLE: (tatango) Kung di man tayo manalo, ang importante, lumaban ka. Marami kang masasakit na pagdaraanan bago mo makamit ang hustisyang nais mo. (patlang, mapapareminisce) Pero ang mahirap sa sistema natin, e napakabulok. Biktima ka na nga ng pang-aabuso, lalo ka pang binibiktima ng sarili mong justice system. (tatayo, buntong-hininga, magpapatuloy sa pagreminisce)
Pupunta si Lucille sa gitna ng entablado. Maglalakad-lakad siya habang sinasabi niya ang mga sumusunod na linya tungkol sa alaala. Mahahabag ang kanyang mukha.
LUCILLE: Naalala ko nung nagsampa ako ng kaso, wala akong suporta kay Mama. Masakit kumilos pag lahat ng tao, lalo na ang sarili mong pamilya, kontra sa ginagawa mo. Kaya minsan, nakakawalang-gana talaga. (mapapakibit-balikat) Ang nag-assist sa’kin ay isang social worker lang. (iduduro niya ang kanyang dibdib na sinasabing tulad niya ang tumulong sa kanya) Nagpunta ako sa City Hall (magkukunwang nasa likod ng mahabang pila at init na init), sa legal counsellor (magkukunwang pumipirma ng mga dokumento), attorney’s office (magkukunwang may kinakausap na mas matangkad na tao), kung saan-saan. Tuwang-tuwa ako nun, na-release na ang warrant! Dadakpin na lang ang maysala, (pagdidikitin ang dalawang pulso kunwa’y nakaposas, ngingiti) naiisip kong mabubulok na sa piitan ang hayop na yun!
MISTY: Wow.
LUCILLE: Pero, sumuko ako.
MISTY: O ba’t naman? (matatawa, uupo sa tapat ng mga papel) ‘Ta mo! Wala kang laban sa mga yun (matatawa ulit) Kahit anong tapang-tapangan mo, wala! Kung ako sa’yo, tatakas na lang ako, dun dun sa malayong-malayo, sa lugar na walang mga hayop. (matatawa, itatapon sa hangin ang lang piraso ng papel)
LUCILLE: Putragis na mga pulis. Iimbestigahan pa raw nila ang mga papeles! (titigas ang mukha) Pero ang mahalaga, pinaglaban ko’ng karapatan ko. Sa pagdaan ko sa bawat proseso ng pagsampa, nadungisan ko na rin ang pagkatao ng Papa ko! Sapat ng makita ko siyang hiyang-hiya.
Babalik si Julietta. Hindi siya makikita at maririnig ng dalawa. Babalik sa ulirat si Lucille.
LUCILLE: (mapapatutop sa bibig sa pagkabigla sa mga nasabi) Ay pasensiya ka na! Nadala lang ako ng emosyon.
MISTY: (magbabago ang mood, tatayo) A, basta! Aalis na ‘ko. Pagod na ‘ko sa kaiisip ng mga problema! Ikaw, wala kang kuwenta! A hindi, walang kuwenta ang lahat (exaggerated na gagawa ng malaking bilog gamit ang dalawang braso) ng tao sa mundo! (matatawa)
LUCILLE: (magpipigil) Wag kang umalis! Mas okay ka dito.
MISTY: Wag mo nga ‘kong diktahan! Sino ka ba? Di nga kita kaano-ano e!
LUCILLE: (mapipikon, pero kalmado pa rin) Di kita diniktahan. Sana lang makipagtulungan ka. Pareho naman tayong magbebenefit dito e. Gumagaling ka, may sahod ako. Saka, alam kong gusto mo ring maging malaya mula sa nakalipas.
MISTY: Gusto ko man o hindi, di na mahalaga. Tapos na yun. Hahayaan ko na! (galit) Saka, diba gusto mo ‘kong magtagal dito dahil sa pera? Masahol pa kayo sa mga magulang ko! Biktima na nga ako, binibiktima niyo pa ako! Pare-pareho kayo -
LUCILLE: (pasigaw) Aba! Ano bang gusto mo ha? Kaw na nga ang tinutulungan, ‘kaw pa may ganang mag-inarte! Tinutulungan kita dahil (mapapaisip) dahil kailangan ko rin ng trabaho, at isa pa, hoy, naging biktima rin ako -
JULIETTA: (pupunta sa gitna ng entablado, abrupt ang pagsalita) Wag mo siyang pagtaasan! Empleyado ka lang dito. Galangin mo kami, lalo na si Misty, kami pa rin ang mas mahalaga.
LUCILLE: (magugulat) Madam! Hi-hindi po, kasi kanina po ano e -
JULIETTA: (kay Misty) Ayos ka lang ba? Mukhang stressed out ka na. Gusto mo pa bang ituloy?
Iiling si Misty. Matataranta si Lucille.
JULIETTA: Tara na. Dahan-dahan lang a. (aalalayan si Misty, pinaiiwas sa bubog)
LUCILLE: (nasa likod ng dalawa, mabilis ang pagsasalita) Maam, wait lang po! Pero hindi pa tapos. Nakapag-open up na si Misty ngayon, sayang naman po ang nasimulan nang kaso! Di pa ho natin nagagawa ang actual treatment. (babagal sa pagsasalita, magmamakaawa) Maam, sige na ho, huy Misty. (naglalakad na ang dalawa, hindi siya pinapansin)
JULIETTA: (hihinto malapit sa pinto, plain lang ang pagbigkas sa linya) Baka gusto mo kaming samahan? Dadaan kami sa head office. Ipapahinto ko na ang sessions. Salamat sa tulong mo, at sa pera ng kumpanya niyo.
LUCILLE: (hahabulin ang dalawang naglalakad) Maam, maawa na kayo. Pag umalis kayo, siguradong mawawalan po ako ng trabaho!
Mapapahinto si Julietta sa narinig. Mag-aalala kay Lucille. Lilingon si Julietta kay Lucille. Pero dahil pursigidong makalabas agad si Misty, mabilsi ang paglalakad, sumunod na rin si Julietta. At nawala ang dalawa sa entablado. Maiiwan sa gitna ng entablado si Lucille. Magiging asul ang ilaw.
LUCILLE: (nagtitimpi ang boses) Tang-ina. Ba’t ganun, biktima naman kaming lahat. (kukunin ang folder ni Misty) Pero ba’t parang ako ang pinakakawawa? (habang sinasabi ang susunod na linya, lalamukusin ang folder) Kahit saan na lang ba ako magtungo, masasaktan at masasaktan ako? Wala bang lugar na ligtas ako sa pananakit ng iba?
Magliliwanag ang ilaw. May maririnig na katok mula sa pintuan. Mauunang maglalakad papasok si Misty kay Julietta, friendly na ang awra kasama nito. Magugulat si Lucille.
JULIETTA: Nagpupumilit bumalik. May sasabihin lang daw.
MISTY: (friendly ang tono) Nakalimutan kong mag-thank you. Kasi napalakas mo ang loob ko. (yuyuko na wari’y nahihiya, pero mababakas sa boses na excited at natutuwa sa kinukuwento) Nakalimutan kong i-share sayo na bumalik na ‘ko sa volleyball team. Kahit hindi pa ‘ko pinapansin ng mga teammates, ayos lang, ang importante, nagkalakas-loob na ‘ko. Totoo pala ang sinabi mo nung unang beses kong pumunta dito. (magiging pormal ang tinig; gagayahin si Lucille, magpapalakad-lakad) Isa akong kaibigan. Magtiwala ka sa’kin. Mauunawaan kita. Tutulungan kita. (babalik ang tinig) Alam mo ba pagtapos gawin yun sakin ng tatay, walang gustong kumausap sa’kin. Lahat sila diring-diri sa’kin. Pero ikaw, pinagtiyagaan mo ‘ko, (matatawa) at nagtiwala ka sa’kin. Di’ba?
Hahawakan ni Misty ang palad ni Lucille. Matutuwa si Lucille, subalit nalilito.
LUCILLE: Am? (di malaman ang isasagot) Pinagtiyagaan? Ha? A. (mapipilitan) Oo, a oo naman! Teka, ikaw ba yan, Misty? Ba’t parang may mali. Sandali.
MISTY: Onaman!
Magtutungo si Lucille sa bookshelf. Kukunin ang folder. Magbabasa saglit. Ichecheck ang isang malaking libro na kulay pula sa bookshelf.
LUCILLE: Pabag-bago ang mga detalye ng kuwento. Paminsan-minsan ang postura niya ay pormal, minsan naman ay hindi. Minsan magiliw siyang kausap, malambing, minsan naman mataray, walang modo. Parang may dalawang pagkatao. (Biglang manlalaki ang mata at isasarado nang malakas ang libro) Maam! Si Misty, baka po may Dissociative Personality Disorder siya, o yung Multiple Personality Disorder.
JULIETTA: (taranta) Ano? Hindi baliw ang pamangkin ko!
LUCILLE: Hindi ho! Maaaring epekto ito ng matinding trauma na dinanas niya noong bata siya. Maaaring sobrang lala ng trauma na’to, at paulit-ulit ang naging pisikal, sekswal, at emosyonal na pang-aabuso, kaya si Misty ay nawawalan ng koneksiyon sa pag-iisip, sa alaala, sa emosyon, at ang mismong sense of identity niya, nawawala sa kanya. (patlang, iiling) Kaya pala hindi ko maresolba ang kasong ito.
JULIETTA: (nag-aalala) So what now?
LUCILLE: Dapat mailipat siya agad sa isang Psychiatric Center. Ang isang social worker na tulad ko’y hindi equipped i-handle ang ganyang sakit. (lalapit sa telepono) Paki-assist po si Misty Makuha. Rm 301.
MISTY: Ha? (magtatampo) Pinagtatabuyan mo na ako?
LUCILLE: Hindi. Hangad ko ang kagalingan mo. Dito di ka fully gagaling. Ngayon kailangan mo nang umalis, magiging kumplikado ang mga susunod mong therapy sa ibang center. Kailangan mong magpagaling –
MISTY: (tampo, pataas nang pataas ang tono) Lahat na lang ba kayo? Wala na bang taong matitira para mahalin ako nang totoo? (mapapasandal sa sofa, tila nanghihina) Akala ko ba magkaibigan tayo? Sabi mo, naniniwala ka sa akin, sabi mo, magtutulungan tayo.
LUCILLE: (magugulat) I care for you, Misty. Pero not all the time, nasa tabi mo ang mga taong minamahal mo. Kelangang tulungan mo rin ang sarili mo.
JULIETTA: (magpapalakad-lakad) You mean, mas malala ang kalagayan niya ngayon? Dahil may sayad na? (pasigaw) E ba’t ngayon mo lang ‘to nalaman! Napakalapit na ng filing ng candidacy, pa’no na lang ang kikitain namin sa SK? Malaki-laki rin yun no! You son of a - (matatauhan bigla) uhm, I meant –
Magugulat si Lucille sa narinig. Mapapatitig lang ito kay Julietta. Si Julietta naman ay nabigla rin sa nasabi. Magpapalinga-linga na lang ito’t mag-aayos ng kasuotan. Lalapit si Misty sa lugar kung saan nabasag ang bubog. Dadampot siya ng isang piraso. Mabilis niyang sasaktan ang sarili. Makikita siya ni Lucille at Julietta. Mapapasigaw si Lucille.
LUCILLE: Misty! (tatakbo kay Misty, pero babalik na lang sa bookshelf para kunin ang first aid kit)
JULIETTA: Ba’t mo ginawa yan, pansamantalang pagkamanhid lang yan! Di ka pa rin makakatakas sa problema mo!
MISTY: (habang sumisirit ang dugo, hirap magsalita) Wala kayong pinagkaiba kay Inay at Itay! Pinaasa niyo ‘kong lahat! (patlang, mapapangiwi) A-aray ko. Ikaw Tiya, ang gusto mo lang makuha ang gusto mo. Pakiramdam ko tuloy, ginagamit mo na lang ako! Ay oo nga, ginagamit mo ako! Ikaw Lucille! Sabi mo kaibigan mo ‘ko, pero ipagtatabuyan mo rin pala ako! Lagi na lang ba akong magiging biktima? (mangiyak-ngiyak na, mapapaluhod) Kailan ko matatawag ang sarili ko na survivor? Kahit sang lugar ba ako magpunta lalapain ako ng mga tulad niyong walang puso? Tama na, please lang.
Hawak-hawak lang ni Lucille ang first aid kit. Hindi siya makakakilos. Gulat din si Julietta at Lucille sa narinig. Darating ang ilang attendant at isang janitor.
JULIETTA: Stop talking non-sense!
LUCILLE: Hindi sa ganun! Kaibigan mo akong talaga! (tatakpan ang bibig)
Aalalayan ng mga attendant si Misty. Mabilis siyang maglalakad palabas ng entablado, kahit hirap. Susunod din si Julietta. Kahit anong gawing paghabol ni Lucille, hindi siya makakaalis sa kinatatayuan. Maiiwan siya sa entablado. Nakatulala. Magiging asul ang ilaw.
LUCILLE: (malungkot ang tono, guilty, medyo galit) Atensiyon, pagmamahal, kaibigan? Tangna! Kailan ko ba naibigay sa kanya ang lahat ng ‘yan? E kaso nga lang ang tingin ko sa kanya e! No more than a case! (tarantang magpapalakad-lakad) Atensiyon, pagmamahal, kaibigan? Tangna!
Magliliwanag ang ilaw. Papasok ang doktor. Titingin sa paligid. Makikita niya ang bubog. Iiling-iling, pagkuwa’y ngingisi-ngisi, at ngingiti nang matalim kay Lucille.
DOKTOR: In chaos, huh. (tatawa) Naresolba mo ba siya?
LUCILLE: Naresolba? Di siya simpleng kaso, tao siya! (mapapatulala)
DOKTOR: (di papansinin si Lucille) Buti natukoy mo ang totoong sakit. (kukunin ang folder, babasahin) Congrats! Very impressive! (seseryoso) Pero husay-husayan mo pa sa susunod.
LUCILLE: Dapat! (maglalakad-lakad, nagdadrama) Lalo pang magpopokus at magiging confident (hahawakan ang manikang babae). Kasi ang tulad niya’y napaka-vulnerable. Hindi ko nakita ang maliit na enthusiasm na nadedevelop sa kanya, hindi ko nakita ang koneksiyong hinihingi niya sa’kin - ang sincere na pagkakaibigan! Napakarami ko na palang nasayang na pagkakataon, at nasirang mga pangarap sa pagpapabaya ko sa mga pasyente ko.
DOKTOR: (Hindi narinig ang sinabi ni Lucille) By the way, galit na galit si Konsehala. (binabasa-basa pa rin ang folder) Nagbubunganga paglabas ng elevator. Nakakahiya nga e. Ito pa. Narinig ko tumanggi na rin siya sa pag-sponsor sa future therapies ni Misty. (iiling-iling) Too bad for the kid. Linampaso na nga ng Tiya sa kahihiyan, di pa siya tutulungan sa pagpapagamot. At pinagsasasampal pa siya a! Ouch! (iiling) Bet, ihihinto na rin yun sa pag-aaral. O life.
LUCILLE: (makikita ang pag-aalala sa mukha, ratatatat ang mga tanong, mataas na ang tono) Ano? Mananatili siyang may double personality? Ano ngang mangyayari pag ganun? (natataranta, susubukang mag-isip) Di ba lalala ang kalagayan niya? Diyos me, dapat natin siyang tulungan, Dok! Di’ba marami kang kapit sa mga government agency, baka pwede mo siyang hingan ng donor o kahit anong suporta? At a-ano, sinaktan siya ng tiyahin niya? Masama yun para sa mga traumatic na bata a!
DOKTOR: (parang di narinig ang sinabi ni Lucille, patuloy na babasahin ang folder, may hinahanap) Will check it out later. Umm by the way, nasan na ang breakdown of payments nila Konsehala? (mabilis na iiiscan ang folder) Parang wala rito e.
LUCILLE: (impulsive, magagalit, lalapit pa sa doktor) Punyeta! Yan pa rin ang iniisip mo? Nakakasuka na! Kawawa na ang mga pasyente! Kinakawawa mo pa! (malulungkot) Simula ngayon, sasabihin ko sa kanila ang mga alternatibong paraan sa pagpapagaling at kung san nakabibili ng mga murang medisina! Mga punyeta kayo!
DOKTOR: (galit, nagpipigil pa rin) Minumura mo ako? People’s money is our bloodlife. (ituturo ang folder) Kung di mo matanggap ang kalakaran dito, you’re free to go. (galit na ituturo ang pinto)
LUCILLE: (sandaling mangangamba, magpapalakad-lakad) Mapaalis man ako dito, o hindi, maninilbihan pa rin ako sa mga pasyente ko! Lalo na kay Misty, aalalayan ko pa rin siya. (titigas ang mukha, magbabanta, iduduro ang doktor) Pero itong sinasabi ko sa’yo, malalaman ng DOH ang tungkol sa mga overpriced medicine at fee niyo! Ma-e-expose ang mga nakakahiyang corrupt na tulad niyo! (malalaglag mula sa pagkakahawak niya ang manika)
Matitigil sa posisyon ang doktor at si Lucille. Magiging asul ang ilaw. Magdidilim ang paligid.
#
Monday, March 14, 2011
S A A N B A L I G T A S ? (Ikatlong burador)
S A A N B A L I G T A S ?
(Ikatlong burador)
DAVID, ARIANE GALE DELFIN
Mga Tauhan:
LUCILLE LAZARO : 26, social worker, gradweyt ng BA Psych, maganda, kahit papaano’y kagalang-galang ang pananamit, average lang ang perfomances sa center, hirap mag-analisa ng kaso, pressured sa trabaho pero kayang pakalmahin ang sarili sa gitna ng problema, nais magtagal sa trabaho upang matulungan pa ang mga biktima, sobrang concerned sa kaso ni Misty pero di makapag-focus
MISTY MAKUHA : 15, estudyante, pamangkin at pinag-aaral ni Julietta, naninilbihan kay Julietta pamalit utang-na-loob, pasyente ni Lucille, mula sa mahirap na pamilya, matalino at masipag mag-aral, physically attractive, malakas ang sex appeal, may pagkamaldita at hindi madaling magtiwala sa kapwa, kakaunti lang ang kaibigan, galit sa ina, nais makapagtapos ng pag-aaral.
JULIETTA PADILLA : 41, pormal ang kilos, itsura’t pananalita, nagpapaaral at bumubuhay kay Misty, kapatid ng ama ni Misty, mahal si Misty, kasalukuyang konsehala sa lugar na iyon, maykaya, nais matulungang umayos ang kondisyon ni Misty upang maisabak sa eleksiyon sa SK, may pagka-makasarili.
Iba pang tauhan:
DOKTOR: babae, magbababala kay Lucille na ayusin ang pag-handle sa mga kaso, may-pagkamukhang-pera
JANITOR AT ILANG ATTENDANT SA BELLARDO SOCIAL CENTER
Ang Tanghalan:
Ang tagpo ay sa counselling room sa Manila, Huwebes ng tanghali.
Kapansin-pansin ang magarang interyor na disenyo ng silid. Kulay puti ang upper ¾ ng dingding, samantalang peach naman ang ibabang bahagi. Mayroong tatlong malalaking single sofa sa gitna. Ang dalawang kulay dark brown ay bahagyang magkatapat sa isa’t-isa - ito ang uupuan nina Lucille at Misty. Ang isa nama’y kulay puti na nakalagay sa kanang bahagi – ito ang kay Julietta. May maliit na peach na alpombra sa gitna.
Sa pagitan ng dalawang brown na upuan ay ang babasaging lamesa ni Lucille na naglalaman ng folder ni Misty, tsokolate, ilang papel at lapis, tape recorder, cellphone at telepono na gagamitin sa ilang bahagi ng dula. Nakasabit ang isang lampshade sa kisame na maaaring hilain at pataasin, umaabot ito hanggang sa lamesa ni Lucille. Sa pinakakaliwang bahagi ng entablado ay may isang malaking kahoy na bookshelf. May makikitang dalawang ulo ng manika na nakalaylay dito. Gagamitin ang mga ito sa therapy. Mayroon ding aircon sa tabi nito.
Sa kanang bahagi, sa tabi ng upuan ni Julietta ay may isang maliit na kahoy na lamesa. Ito ang patungan ng isang pitsel ng iced tea at mga baso na magagamit din mamaya sa eksena. Mayroon ditong nakapatong na plorera, at may bulaklak na Tulip.
Sa paligid ay may ilang bilang ng maliliit na puting kandilang nakasindi. Magsisilbi itong pampakalma sa damdamin ng mga tao sa loob.
Ang tanging pasukan at labasan ay ang kanang bahagi ng entablado kung nasaan naroon ang pintuan. Ang silid ay nasa ikatlong palapag ng gusali. Ang ilaw ay nagiging asul kapag malungkot ang eksena. Pero madalas, maliwanag ito.
Kapanahunan:
Kasalukuyan (2011) Tanghali
Maririnig ang labindalawang tunog ng striking clock sa bandang likod ng entablado. Unti-unting magbubukas ang ilaw sa entablado. Malamig sa silid dahil sa aircon.
Makikita ang Doktor at si Lucille na magkatapat sa isa’t-isa. Hawak-hawak ng doktor ang isang folder na may nakasulat na Misty sa labas. Si Lucille ay tumatango’t umuoo lang sa mga sinasabi ng Doktor.
DOKTOR: Degree holder ka ng BA Psych, right? Sana ginagamit mo yan para ma-improve ang mga kaso mo. Lagi na lang ganto ang mga pinapasa mong reports! (ibabagsak sa mesa ang folder) Butas-butas! Ano bang problema? Family background na lang, pabago-bago pa rin ang mga analysis mo. Alam mong crucial ang prosesong ’to. Maliit na pagkakamali lang sa pag-diagnose ng problema, lahat-lahat na, including the goals, methods, and implementations, mali na rin! (bubuntong hininga, maglalakad-lakad) You know very well that our chief concern here is the welfare of our patients. But it seems hindi yun ang mind set mo. Swerte ka nga, nagtatiyaga pa rin silang umattend ng sessions. Yung mga dati mo ngang pasyente, bigla-bigla na lang naglalaho, then boom! Nasasayang ang tsansa nating matulungan silang bumangon. (buntong-hininga) Di ka ba nanghihinayang?
LUCILLE: (yuyuko) Pasensiya na po.
DOKTOR: You must apologize to your patients, sila ang nakakawawa sa mediocre performances mo. Nasa respetadong kumpanya ka, (Ituturo ang signage na Bellardo Social Center sa dingding), wala dapat pumapalya. Mag-timetable ka, gawin mo ang makakaya mo para matapos yang kaso!
Mind you, may nagaganap ngayong staff reduction. At once na nag-quit o di sumipot yang si Misty dahil sa kapabayaan mo, you’re off to go.
Lalabas ang doktor sa kanan. Magiging kulay asul ang ilaw na tututok kay Lucille.
LUCILLE: (nakatingin sa pinto, magtatapang-tapangan, defensive) Sus! Di naman talaga ako ang problema. Lakas niyo kasing humigop ng kwarta! Kung maningil kayo sa mga pasyente ng gamot, bitamina, at unecesary medical fees, para kayong mga di tao e!
(Malulungkot, nakatingin sa odyens) Tinutulungan ko naman ang mga naabusong biktimang babae. (Uupo) Pinagagaan ko ang damdamin nila, at tinutulungan sila sa proseso. Pero pag ako na ang nalugmok, pag ako na ang namroblema, tulad ngayon, hay, sino na ang sumasalo sa’kin? Sino? Itong si Dok, wala nang ginawa kundi pansinin mga pagkakamali ko! At matatanggal pa raw ako sa trabaho? Tindi ng pressure!
May maririnig na katok. Papasok mula sa kanan si Julietta. Naka-puting polo shirt, jeans, at ballerina shoes. Kapansin-pansin ang ganda. Mapapatitig si Lucille sa kanya.
LUCILLE: Konsehala, kayo pala! Buti nakarating kayo. (ili-lead si Julietta sa sofa)
JULIETTA: (hindi uupo) May exam nga siya ngayon e, umaayaw na kanina. Napakasipag kasing bata, gusto lagi nakakasunod sa requirements. Yun, kinausap ko na lang ang teacher, naexcuse naman.
LUCILLE: Mabuti naman po. Maupo ho kayo.
JULIETTA: (uupo) Let me get this straight. (seseryoso) I am disappointed. Napakabagal ng pag-usad ng therapy. Si Misty, depressed pa rin. Madalas nakatulala. Lagi pa ring natatakot. Sangkatutak ang binabayaran ko rito, tapos ito? Pinagkakaperahan niyo na lang ba kami?
LUCILLE: Naku, hindi! (defensive, humahanap ng excuse) Maam, hindi po lahat ng kaso ay madali at mabilis lutasin. Lalo na ang kay Misty. It takes time. Kaunting pasensiya pa. Ginagawa ko naman ang makakaya ko. Kakaiba lang talaga ‘tong kaso niya.
JULIETTA: (sarkastikong gagayahin ang dalawang huling pangungusap ni Lucille) Parang di ka aware na 3 months from now, filing na ng candidacy sa SK a. Dapat nasa kondisyon si Misty pag tumakbo siyang Chair. Tipong mataas na ang social skills. (tatayo, ipakikita ang kunwang pakikipagkamay sa ibang tao) Pero sa past six sessions, little developments lang ang naobserbahan ko. (iiling) Pakiusap naman. Okey lang magbayad nang malaki e, kung mabilis at mahusay ang takbo ng kaso, kaso wala pa rin e. Pag ngayon pinaikot-ikot mo na naman kami at wala kaming nahita rito, diyan, (ingunguso ang isang dingding) sa kabila, lilipat na kami.
LUCILLE: Ang importante ay may development. Minsan din ho kasi, delayed kayong magbayad.
JULIETTA: Ilang mga therapy pa lang naman a. Bakit? Pauuwiin niyo ba si Misty at idedemanda niyo kami dahil lang sa delayed payment? Ridiculous.
LUCILLE: (matatagalan sa pagsagot) Sa Bellardo? Hindi po yun imposible. Lalo na ngayon, nangangailangan sila ng supplies ng gamot.
Mangangamba si Julietta sa narinig. May maririnig na katok. Mag-aayos si Julietta at dali-daling uupo. Mabilis na lalapit si Lucille patungo sa kanang bahagi ng entablado. Magkasabay silang maglalakad sa gitna ni Misty. Maganda, maputing babae si Misty. Snobbish ang aura. Sesenyasan ni Lucille si Misty na maupo sa upuan sa tapat niya. Diretso ang tingin ni Misty. Walang kaimik-imik. Badtrip.
LUCILLE: Iha! (mapapansin ang mukha ni Misty) Ganda-ganda mo, ba’t di ka ngumiti diyan?
Hindi tutugon si Misty. Mag-aalalang titingin si Julietta sa kanya.
LUCILLE: (persuasive ang tono) Anong problema? Sabihin mo. Kasi makaaapekto yan sa therapy.
MISTY: (titingin sa tape recorder sa lamesa) Di ko alam.
LUCILLE: (mapapahiya, tatango na lang, titingin sa recorder) I assure you, confidential ang lahat. Kahit mga kapwa ko social worker dito, di pedeng marinig yan. (maghihintay ng tugon kay Misty, subalit wala kaya magpapatuloy, ngingiti na lang, at tititig sa mata ni Misty) Basta tandaan mo, kaibigan ako. Mapagkakatiwalaan at willing makinig.
JULIETTA: Typical mood niya yan. Proceed ka na.
LUCILLE: (tatango) (Kay Misty) Good thing bumalik ka, it only shows na isa kang malakas na babae, strong girl. Kasi rinerecognize mo ang need for help mula sa ibang tao. I want to thank you for that. (wala pa ring tugon si Misty) Anyway, Misty, di’ba sabi mo sa’kin, school at bahay ka lang? E ngayon, may iba ka na bang pinagkakaabalahan?
Ngingiti si Lucille. Aabangan ang reaksiyon ni Misty subalit aayos-ayusin lang ni Misty ang kanyang buhok. Nahihirapan na si Lucille. Aayusin niya ang pagkakaupo niya.
LUCILLE: May ilang bagay lang akong ika-clarify o uulitin sa pagtatanong ngayon a. (katahimikan) Alam mo ba, kapag natapos na tayo dito, makakapag-aral ka na para sa exam mo dapat ngayon. (wala pa ring tugon) Heto, (may kukunin sa kahon) tsokolate, bigay ni Dok. Wag ka raw magtitira a.
Katahimikan. Iaabot at ipapatong ni Lucille ang tsokolate sa kamay ni Misty. Kukuyumin ni Misty ang tsokolate, gagaan ang mukha. Mapapansin yun ni Lucille, bahagyang matutuwa.
LUCILLE: Masarap yan. Sige, kainin mo, go, stateside yan!
MISTY: (maamo) Talaga? E baka nagugutom ka a. (titignan ang tsokolate)
LUCILLE: Hindi. Kainin mo kung gusto mo habang nag-uusap tayo. (ngingiti) Nga pala, sa bahay ng Tiya mo, kumusta naman ang pakikitungo nila sa’yo?
JULIETTA: (Natatakot mapahiya, kakalabit si Misty) Hey, speak up.
MISTY: (pipiliting maganahan) Oks (itataas ang dalawang hinlalaki).
LUCILLE: Aba, (matutuwa) magaling ba mag-alaga si Tiya mo?
MISTY: (Iirap) Sustentuhan ka ba naman sa pag-aaral, patirahin ka sa bahay, tapos ipag-therapy ka pa, di ka matutuwa ha? (tititigan ang tsokolate)
LUCILLE: (Maiinis sandali sa paraan ng pagsagot ni Misty, subalit matutuwa dahil nakukuha na ang loob nito) Ba’t hindi na lang doon sa Aklan?
MISTY: E di walang (isesenyas ang tatlong daliri bilang simbolo ng pera)
LUCILLE: Wala kang nakakain?
MISTY: (Hihinga nang matagal at malalim) May natitimo naman. Pero ganto? (ikukumpas ang tsokolate) Asa pa. Asin, tuyo, mga ganun lang. Wala ‘kong problema sa sikmura, kahit anong damo ipakain mo sa’kin, titimoin ko. Basta, gusto ko makapaghayskul.
LUCILLE: (matutuwa pero magpipigil) Kaya ka pumunta kay Tiya Lucille mo para sa pangarap na yan?
MISTY: (Itataas ang kanang kilay, medyo nagdyo-joke) Tapos, nagpapakaatsay din ako! (titingin kay Julietta na umiinom ng iced tea) De, biro lang! (seseryoso) Kaya dapat gumaling na’ko e, medyo pabigat na rin ako. Pag sinukuan ako ni Tiya, lagot na, magiging malaking abala sa pag-aaral ko ang sakit ko.
JULIETTA: Don’t think about it. Keep going sa pagse-share, okay?
LUCILLE: (ngingiti, tatango) Ano ba’ng trabaho ng magulang mo?
MISTY: (kukunot ang noo) Si nanay, nagtitinda sa palengke, naglalaba, naglalako ng kakanin. Si tatay, kartero, hardinero, basurero, kung ano-ano. Basta di sila napipirmi. Kaya lagi silang nag-aaway e. (malulungkot)
LUCILLE: Parehas pala tayo. (ngingiti nang matamlay) Ba’t nag-aaway? Dahil di sapat ang kinikita?
MISTY: (matagal na itataas ang kanang kilay) Tapos minsan uuwi pa ng lasing ang Tatay. Mahuhuling magnanakaw sila Kuya Kaloy. (patlang) Sumusugal lang sila Kuya Teban sa kanto sa halip na magtrabaho. (patlang, sarkastiko) Nako, ang saya-saya lagi sa bahay! (pipiliting ngumiti) Agawan ng palitaw, o anumang matira sa paglalako ni Nanay. (ngingiti, subalit kabado na). Masarap kasi e!
LUCILLE: Sandali lang ha, pero maaari bang ipakita mo sa’kin kung ano ulit ang ginawa sa’yo ng tatay mo (patlang) nung gabing nalasing siya nun?
MISTY: (maiinis) Na naman? Natutuwa ka ba kapag pinagagawa mo yan?
LUCILLE: (aabutin ang kamay ni Misty, pipisilin ito) Kailangan ‘to.
MISTY: Gusto mo na lang akong saktan no?
LUCILLE: Di naman sa ganun. Di ba gusto mong maibalik ang mga kaibigan mo? At di ba gusto mo ring masuportahan ang tiyahin mo sa adhikain niya? (ngingiti) kaya sige na i-share mo na.
Uneasy na kikilos si Misty. Ipapatong niya ang dalawang braso sa sandalan ng upuan. Titingin sa sahig, saka magpapaikot-ikot ang mata, nag-iisip. Pipitik-pitik ang mga daliri niya tila inaantay ang utak na sabihin ang mensahe sa kanya. Tatayo. Titingin si Misty kay Julietta. Nakakunot ang noo.
LUCILLE: (pasuyo) Sige lang, malapit naman na tayo matapos. (magpapatuloy kahit makikita ang kabigatan sa itsura ni Misty). Hinawakan ka ba niya? O may pinapanood sa’yo? Wag ka matakot, andito ako para tulungan ka.
MISTY: (aayusing muli ang buhok at hihinga nang malalim) Lagi akong hinahawakan nun ni Tatay. (Hahawakan ang mga parteng sasabihin) Sa buhok, sa mukha, braso, likod, binti. Minamasahe pa nga ako. (Iiling, diring-diri ang itsura) Basta, yun na yun! Ayoko na! (tutop ang mukha)
Tutungo lamang si Lucille sa kanya, kunot ang noo, papagpagin ang uniporme sa bandang dibdib. Parang natataranta. Di malaman ang gagawin. Hahawakan ni Julietta ang buhok ng pamangkin. Tatayo si Lucille at magtutungo sa bookshelf. Kukunin ang isang lalaki at isang babaeng manikang nakahubad.
JULIETTA: Sige, sundin mo na siya. It might be harsh, pero para sa’yo rin ‘to.
LUCILLE: Alam ko ang pakiramdam mo. Yung tipong pag nagkuwento ka, andun ka ulit sa panahong yun. Kung natatakot ka sa magiging reaksiyon ko, dahil baka pandirihan kita, namin, wag! Sobra-sobrang naiintindihan kita.
MISTY: Wala kang alam! Wala! Di mo ‘ko, di niyo ko maiintindihan!
LUCILLE: (kalmado) Meron. Madami. (tatayo) Kaya kita tinutulungan ngayon ay dahil dati rin akong biktima ng incest.
Magugulat ang dalawa. Hindi makapaniwala. Mapapainom si Julietta ng iced tea. Aayusin ni Misty ang pagkakaupo. Magpapatuloy si Lucille. Nakatitig siya kay Misty nang may pag-aalala.
LUCILLE: Pero tinatawag ko na ang sarili ko ngayong isang Incest survivor. At napakasarap nun sa pakiramdam.
JULIETTA: Pano nangyari?
LUCILLE: Pinili kong basagin ang shell ko. Pinili kong makawala mula sa pagkakabihag ng nakaraan. Pinili kong makalabas sa madilim na kuweba. (hahawakan ang palad ni Misty) Kaya ikaw, ilabas mo lang yan. First step yan para makapag-let go ka. Naniniwala naman ako sa’yo e, naiintindihan kita.
MISTY: Umintindi? Walang marunong nun. Ni makinig nga, wala e! (padabog na uupo)
Padabog na kukunin ni Misty ang mga manika. Galit na nagpipigil ang itsura niya. Ang lalaking manika ay pinisil niya. Iuusog ni Lucille ang maliit na lamesa sa gitna nila. Ililipat ang iced tea sa sahig, malapit kay Julietta. Ang lamesa ang magsisilbing patungan ni Misty ng mga manika.
Dahan-dahan, kontroladong sinunod ni Misty ang pakiusap. Ipapatong niya ang dalawang manika sa lamesa, saka ilalagay ang mukha ng lalaking manika sa leeg ng babae. Bibitiwan niya ang mga manika. Tititigan iyon nila Lucille at Julietta.
LUCILLE: (kabado sa kalalabasan) Go, iha.
Magtatangka muli si Misty na hawakan ang manika. Titigil sandali. Pipikit ito’t susubukan muli. Maiaangat niya ang lalaking manika. Tititigan niya muna ito nang masama, saka bibilis ang paghinga niya. Ipahahalik niya ang lalaking manika sa leeg, paikot sa suso, sa tiyan, sa pusod, hanggang umabot sa puke ng babae.
Hahawakan ni Lucille ang mga palad ni Misty. Yayakapin ni Julietta si Misty. Maya-maya’y ichecheck niya ang folder sa lamesa. Magbabasa-basa. Mapapakunot ito ng noo. IInom ng tubig. Paulit-ulit niyang babalikan ang mga pahina ng folder at saka magkakamot ng ulo at mapapailing-iling.
Sa pagtayo ni Julietta, matatabig niya ang baso. Magugulat si Misty, mapapatayo, at tatakbo patungo kay Lucille.
JULIETTA: I’m sorry. Tatawag ako ng maglilinis. (lalabas)
Kumakapit na si Misty kay Lucille. Nanginginig. Yayakap si Misty kay Lucille. Magugulat si Lucille. Mag-aalangan kung yayakapin din si Misty. Unti-unting yayakap si Lucille.
MISTY: (malambing) Ate Lucille, ang sarap mo yakapin. Parang si Nanay. Pedeng ganto muna tayo? (hihigpitan pa ang yakap) Yung nanay ko, seksi, mapula ang labi, maganda! Tapos lagi wala sa bahay kasi masipag. Masarap ding magluto, tulad ko raw sabi ni Tay. (matatawa)
LUCILLE: Sige lang (ngingiti) parehas pala ng sinabi ang mga ama natin sa’tin. Apir nga tayo diyan, soul mates yata tayo e. (matatawa)
Bibitiw sa pagkakayakap si Misty. Masaya ang awra niya ngayon. Hindi rin pasosyal. Kukunin niya ang papel sa lamesa, idrodrowing niya ang pamilya niya. Ngingiti-ngiti mag-isa si Misty. Matutuwa si Lucille sa attitude ni Misty. Muling yayakap si Misty kay Lucille. Aakalain niyang si Lucille ang nanay niya. Muling magugulat si Lucille, subalit yayakap na lang.
MISTY: Nanay, mahal kita. Kaya nga nag-aaral ako mabuti, kasi nararamdaman ko na susukuan na ako ni Tiya. Ewan ko pero parang pagod na siyang alagaan ako. E hindi pwedeng hindi niya ituloy sessions ko dito, kasi di na po ako makakapag-aral mabuti. Sigurado lagi na magulo utak ko. Tsaka, gusto ko pa rin magtapos. Gusto ko nga gumaling e para maging proud kayo ni Tatay sa’kin. Hay. Namimiss na kita, Nay.
Nanahimik lang si Lucille. Patuloy na nakikinig. Yayakap lang kay Misty. Subalit bigla-bigla na lamang magagalit si Misty kay Lucille. Itutulak niya ito papalayo.
MISTY: (pasigaw) Hindi! Di ko siya katulad! Mabait ako, masunurin. Siya, masahol pa sa hayop! (tatayo, magpapalakad-lakad) Di siya marunong makinig. Sinabi ko ang ginawa ni Itay sa'kin, pero sabi niya tumahimik daw ako, at magdamit na lang nang maayos. Ang landi ko raw kasi! Malandi ba talaga ako? Ha? Akala ko ba pamilya kami, e ba’t mas mahal ni Nanay si Tatay kesa sa'kin? (patlang) Paglaki ko, di ko siya tutularan!
LUCILLE: Maghulos-dili ka, Iha. (tatayo hahabulin si Misty) Walang mangyayari pag nagpadala ka sa emosyon. (yayakapin si Misty)
MISTY: Ano bang ibang magagawa ko, bukod sa magalit? Wala di ba! Wala!
LUCILLE: Wala kang madaling pagdadaan pag nagahasa ka. Lifetime process ang pagpapagaling dito. Ako nga, nagsampa ng kaso laban sa nang-abuso sa’kin. Na-release ang warrant of arrest. Pero walang nangyari.
MISTY: (hindi maririnig ang sinabi ni Lucille, bibitiw mula sa pagkakayakap ni Lucille) Dapat makaalis ako agad dito. Dun sa malayo. Dun sa ligtas. Pero, san ba may ligtas na lugar? E sa sarili ko ngang bahay naga... (patlang) Parang lahat, ano, kagubatan. (matatawa) (seseryoso) Kala mo tahimik, payapa, masarap. Pero di pala! Nagkalat ang mababangis na hayop! Kahit umiyak ka’t magmakaawa, paulit-ulit ka pa ring sasaktan at lalapain.
LUCILLE: Totoo. (hahaplusin ang buhok ni Misty) Pero kung tatakas ka nang ganun-ganun na lang, di ka makapaghihiganti sa kanila. Di mo maipaghihiganti ang sarili mo. Kung patuloy kang mananahimik, patuloy kang nagpapagahasa. Patuloy mong pinadadami ang mga hayop na tulad nila!
MISTY: (kunot-noo) Ano?
LUCILLE: Ibig kong sabihin, pag hindi ka lumaban, pag hindi ka nagsalita, patuloy silang dadami! (lalapit kay Misty) Tutulungan kita hanggang sa huli. Naniniwala ‘kong kakayanin mo e. (ngingiti) Kung ako nga kinaya ko, pano ka pa? E strong girl ka diba!
MISTY: (makakalma nang kaunti) Talaga?
LUCILLE: (tatango) Kung di man tayo manalo, ang importante, lumaban ka. Marami kang masasakit na pagdaraanan bago mo makamit ang hustisyang nais mo. (patlang, mapapareminisce) Pero ang mahirap sa sistema natin, e napakabulok. Biktima ka na nga ng pang-aabuso, lalo ka pang binibiktima ng sarili mong justice system. (tatayo, buntong-hininga, magpapatuloy sa pagreminisce)
Maalala ni Lucille ang lahat-lahat ng nangyari noong nagsasampa siya ng kaso. Mahahabag ang kanyang mukha. Makakalimutan niyang kausap niya si Misty. Iaakto niya sa entablado ang mga ginawa niya noon. Lalakad, magpupunas ng pawis,nakapila, at iba pa.
LUCILLE: Naalala ko nung nagsampa ako ng kaso nang walang suporta kay Mama. Masakit kumilos pag lahat ng tao, lalo na ang sarili mong pamilya, kontra sa ginagawa mo. Kaya minsan, nakakawalang-gana talaga. (mapapakibit-balikat) Ang nag-assist sa’kin ay isang social worker lang. (iduduro niya ang kanyang dibdib na sinasabing tulad niya ang tumulong sa kanya) Nagpunta ako sa City Hall (magkukunwang nasa likod ng mahabang pila), sa legal counsellor (magkukunwang pumipirma ng mga dokumento), attorney’s office (magkukunwang may kinakausap na mas matangkad na tao), kung saan-saan. Tuwang-tuwa ako nun, na-release na ang warrant! Dadakpin na lang ang maysala, (pagdidikitin ang dalawang pulso kunwa’y nakaposas, ngingiti) naiisip kong mabubulok na sa piitan ang hayop na yun!
MISTY: Wow.
LUCILLE: Pero, sumuko ako.
MISTY: O ba’t naman? (matatawa) ‘Ta mo! Wala kang laban sa mga yun (matatawa ulit) Kahit anong tapang-tapangan mo, wala! Kung ako sa’yo, tatakas na lang ako, dun dun sa malayong-malayo, sa lugar na walang mga hayop. (matatawa)
LUCILLE: Putragis na mga pulis. Iimbestigahan pa raw nila ang mga papeles! (titigas ang mukha) Pero ang mahalaga, pinaglaban ko’ng karapatan ko. Sa pagdaan ko sa bawat proseso ng pagsampa, nadungisan ko na rin ang pagkatao ng Papa ko! Sapat ng makita ko siyang hiyang-hiya.
Babalik si Julietta. Hindi siya makikita at maririnig ng dalawa. Babalik sa ulirat si Lucille.
LUCILLE: (mapapatutop sa bibig sa pagkabigla sa mga nasabi) Ay pasensiya ka na! Nadala lang ako ng emosyon.
MISTY: (magbabago ang mood) A, basta! Aalis na ‘ko. Pagod na ‘ko sa kaiisip ng mga problema! Ikaw, wala kang kuwenta! A hindi, walang kuwenta ang lahat (exaggerated na gagawa ng malaking bilog gamit ang dalawang braso) ng tao sa mundo! (matatawa)
LUCILLE: (magpipigil) Wag kang umalis! Mas okay ka dito.
MISTY: Wag mo nga ‘kong diktahan! Sino ka ba? Di nga kita kaano-ano e!
LUCILLE: (mapipikon, pero kalmado pa rin) Di kita diniktahan. Sana lang makipagtulungan ka. Pareho naman tayong magbebenefit dito e. Gumagaling ka, may sahod ako. Saka, alam kong gusto mo ring maging malaya mula sa nakalipas.
MISTY: Gusto ko man o hindi, di na mahalaga. Tapos na yun. Hahayaan ko na! (galit) Saka, diba gusto mo ‘kong magtagal dito dahil sa pera? Masahol pa kayo sa mga magulang ko! Biktima na nga ako, binibiktima niyo pa ako! Pare-pareho kayo -
LUCILLE: (pasigaw) Aba! Ano bang gusto mo ha? Kaw na nga ang tinutulungan, ‘kaw pa may ganang mag-inarte! Tinutulungan kita dahil (mapapaisip) dahil kailangan ko rin ng trabaho, at isa pa, hoy, naging biktima rin ako -
JULIETTA: Wag mo siyang pagtaasan! Empleyado ka lang dito. Galangin mo kami, lalo na si Misty, kami pa rin ang mas mahalaga.
LUCILLE: (magugulat) Madam! Hi-hindi po, kasi kanina po ano e -
JULIETTA: (kay Misty) Ayos ka lang ba? Mukhang na-sstress ka na rito. Gusto mo pa bang ituloy?
Iiling si Misty. Matataranta si Lucille.
JULIETTA: Tara na. Dahan-dahan lang a. (aalalayan si Misty, pinaiiwas sa bubog)
LUCILLE: (nasa likod ng dalawa, mabilis ang pagsasalita) Maam, wait lang po! Pero hindi pa tapos. Nakapag-open up na si Misty ngayon, sayang naman po ang nasimulan nang kaso! Di pa ho natin nagagawa ang actual treatment. (babalik sa normal ang pananalita) Maam, sige na ho, huy Misty. (naglalakad na ang dalawa, hindi siya pinapansin)
JULIETTA: Baka gusto mo kaming samahan? Dadaan kami sa head office. Ipapahinto ko na ang sessions. Salamat sa tulong mo, at sa pera ng kumpanya niyo.
LUCILLE: Maam, maawa na kayo. Pag umalis kayo, siguradong susunod na ako sa listahan ng mga mapapaalis!
Mapapahinto si Julietta sa narinig. Makikita sa itsurang naapektuhan. Pero dahil pursigidong makalabas si Misty, sumunod na rin siya. At nawala ang dalawa sa entablado.
LUCILLE: (nagtitimpi ang boses) Tang-ina. Bakit ganun biktima naman kaming lahat. Pero ba’t parang ako ang pinakakawawa? Kahit saan na lang ba ako magtungo, masasaktan at masasaktan ako? Wala bang lugar na ligtas ako sa pananakit ng iba?
Maririnig ang tunog ng pintuan. Maglalakad papasok si Misty, friendly na ang awra kasama nito si Julietta. Magugulat si Lucille.
JULIETTA: Nagpupumilit bumalik. May sasabihin lang daw.
MISTY: (friendly ang tono) Nakalimutan kong mag-thank you. Kasi napalakas mo ang loob ko. Nakalimutan kong i-share sayo na bumalik na ‘ko sa volleyball team. Kahit hindi pa ‘ko pinapansin ng mga teammates, ayos lang, ang importante, nagkalakas-loob na ‘ko. Totoo pala ang sinabi mo nung unang beses kong pumunta dito. (magiging pormal ang tinig; gagayahin si Lucille, magpapalakad-lakad) Isa akong kaibigan. Magtiwala ka sa’kin. Mauunawaan kita. Tutulungan kita. (babalik ang tinig) Alam mo ba pagtapos gawin yun sakin ng tatay, walang gustong kumausap sa’kin. Lahat sila diring-diri sa’kin. Pero ikaw, pinagtiyagaan mo ‘ko, (matatawa) at nagtiwala ka. Tama di’ba?
Hahawakan ni Misty ang palad ni Lucille. Matutuwa si Lucille, subalit nalilito.
LUCILLE: (di malaman ang isasagot) Pinagtiyagaan? Ha? A. (mapipilitan) Oo, a oo naman! Teka, ikaw ba yan, Misty? Ba’t parang may mali. Sandali.
MISTY: Onaman!
Magtutungo si Lucille sa bookshelf. Kukunin ang folder. Magbabasa saglit. Ichecheck ang isang malaking libro na kulay pula sa bookshelf.
LUCILLE: Pabag-bago ang mga detalye ng kuwento. Paminsan-minsan ang postura niya ay pormal, minsan naman ay hindi. Minsan magiliw siyang kausap, malambing, minsan naman mataray, walang modo. Parang may dalawang pagkatao. (Biglang manlalaki ang mata at isasarado ang isang libro) Maam! Si Misty, baka may Dissociative Personality Disorder siya, o yung Multiple Personality Disorder.
JULIETTA: (taranta) Ano? Hindi baliw ang pamangkin ko!
LUCILLE: Hindi ho! Maaaring epekto ito ng matinding trauma na dinanas niya noong bata siya. Maaaring sobrang lala ng trauma na’to, at paulit-ulit ang naging pisikal, sekswal, at emosyonal na pang-aabuso, kaya si Misty ay nawawalan ng koneksiyon sa mga pag-iisip, sa alaala, sa emosyon, at ang mismong sense of identity, nawawala sa kanya. (patlang, iiling) Kaya pala hindi ko maresolba ang kasong ito.
JULIETTA: Ano nang mangyayari?
LUCILLE: Dapat mailipat siya agad sa isang Psychiatric Center. Ang isang social worker na tulad ko’y hindi equipped i-handle ang ganyang sakit. (lalapit sa telepono) Paki-assist po si Misty Makuha. Rm 301.
MISTY: Ha? (magtatampo) Pinagtatabuyan mo na ako?
LUCILLE: Hindi. Hangad ko ang kagalingan mo. Dito di ka fully gagaling. Ngayon kailangan mo nang umalis, magiging kumplikado ang mga susunod mong therapy. Kailangan mong magpagaling –
MISTY: (tampo) Lahat na lang ba kayo? Wala na bang taong matitira para mahalin ako nang totoo? Akala ko ba magkaibigan tayo? Sabi mo, naniniwala ka sa akin, sabi mo, magtutulungan tayo. Tayo?!
LUCILLE: (magugulat) I care for you, Misty. Pero not all the time, nasa tabi mo ang mga taong minamahal mo. Kelangang tulungan mo rin ang sarili mo.
JULIETTA: You mean, mas malala ang kalagayan niya ngayon? Dahil may sayad na? E ba’t ngayon mo lang ‘to nalaman! Napakalapit na ng filing ng candidacy, pa’no na lang ang kikitain namin sa SK, you son of a - uhm, I meant –
Lalapit si Misty sa lugar kung saan nabasag ang bubog. Dadampot ng isang piraso. Sasaktan ang sarili. Mapapasigaw si Lucille.
LUCILLE: Misty! (tatakbo sa bookshelf para kunin ang first aid kit)
JULIETTA: Ba’t mo ginawa yan, pansamantalang pagkamanhid lang yan! Di ka pa rin makakatakas sa problema mo!
MISTY: (habang sumisirit ang dugo, hirap magsalita) Wala kayong pinagkaiba kay Inay at Itay! Pinaasa niyo ‘kong lahat! (patlang, mapapangiwi) A-aray ko. Ikaw Tiya, ang gusto mo lang makuha ang gusto mo. Pakiramdam ko tuloy, ginagamit mo na lang ako! Ikaw Lucille! Sabi mo kaibigan mo ‘ko, pero ipagtatabuyan mo rin pala ako! Lagi na lang ba akong magiging biktima? (mangiyak-ngiyak na, mapapaluhod) Kailan ko matatawag ang sarili ko na survivor? Kahit sang lugar ba ako magpunta lalapain ako ng mga tulad niyong walang puso? Tama na, please lang.
Magugulat si Julietta at Lucille sa narinig. Darating ang ilang attendant at isang janitor.
JULIETTA: Stop talking non-sense!
LUCILLE: Hindi sa ganun! Kaibigan mo akong talaga! (tatakpan ang bibig)
Aalalayan ng mga attendant si Misty. Mabilis siyang maglalakad palabas ng entablado, kahit hirap. Susunod din si Julietta. Kahit anong gawing paghabol ni Lucille, hindi siya makakaalis sa kinatatayuan. Maiiwan siya sa entablado. Nakatulala. Magiging asul ang ilaw.
LUCILLE: (malungkot ang tono, guilty, medyo galit) Atensiyon, pagmamahal, kaibigan? Tangna! Kailan ko ba naibigay sa kanya ang lahat ng ‘yan? E kaso nga lang ang tingin ko sa kanya e! No more than a case! (tarantang magpapalakad-lakad) Atensiyon, pagmamahal, kaibigan? Tangna!
Magliliwanag ang ilaw. Papasok ang doktor. Titingin sa paligid. Makikita niya ang bubog. Iiling-iling, pagkuwa’y ngingisi-ngisi, at ngingiti nang matalim kay Lucille.
DOKTOR: In chaos, huh. (tatawa) Naresolba mo ba siya?
LUCILLE: Naresolba? Di siya simpleng kaso, tao siya! (mapapatulala)
DOKTOR: (di papansinin si Lucille) Buti natukoy mo ang totoong sakit. (kukunin ang folder, babasahin) Congrats! Very impressive! (seseryoso) Pero husay-husayan mo pa sa susunod.
LUCILLE: Dapat! (maglalakad-lakad, nagdadrama) Lalo pang magpopokus at magiging confident (hahawakan ang manikang babae). Kasi ang tulad niya’y napaka-vulnerable. Hindi ko nakita ang maliit na enthusiasm na nadedevelop sa kanya, hindi ko nakita ang koneksiyong hinihingi niya sa’kin - ang sincere na pagkakaibigan! Napakarami ko na palang nasayang na pagkakataon, at nasirang mga pangarap sa pagpapabaya ko sa mga pasyente ko.
DOKTOR: By the way, galit na galit si Konsehala. Nagbubunganga paglabas ng elevator. Nakakahiya nga e. Ito pa. Narinig ko tumanggi na rin siya sa pag-sponsor sa future therapies ni Misty. (iiling-iling) Too bad for the kid. Linampaso na nga ng Tiya sa kahihiyan, di pa siya tutulungan sa pagpapagamot. At pinagsasasampal pa siya a! Ouch! (iiling) Bet, ihihinto na rin yun sa pag-aaral. O life.
LUCILLE: (makikita ang pag-aalala sa mukha, ratatatat ang mga tanong, mataas na ang tono) Ano? Mananatili na siyang may double personality? Ano ngang mangyayari pag ganun? (natataranta, susubukang mag-isip) Di ba lalala ang kalagayan niya? Diyos me, dapat natin siyang tulungan, Dok! Di’ba marami kang kapit sa mga government agency, baka pwede mo siyang hingan ng donor o kahit anong suporta? At a-ano, sinaktan siya ng tiyahin niya? Masama yun para sa mga traumatic na bata!
DOKTOR: (parang di narinig ang sinabi ni Lucille, patuloy na babasahin ang folder, may hinahanap) Will check it out later. Umm by the way, nasan na ang breakdown of payments nila Konsehala? (mabilis na iiiscan ang folder) Parang wala rito e.
LUCILLE: (impulsive, magagalit) Punyeta! Yan pa rin ang iniisip mo? Nakakasuka na! Kawawa na ang mga pasyente! Kinakawawa mo pa! (malulungkot) Simula ngayon, sasabihin ko sa kanila ang mga alternatibong paraan sa pagpapagaling at kung san nakabibili ng mga murang medisina! Mga punyeta kayo!
DOKTOR: (galit, nagpipigil pa rin) Fuck, minumura mo ako? People’s money is our bloodlife. Kung di mo matanggap ang kalakaran dito, you’re free to go. (galit na ituturo ang pinto)
LUCILLE: (sandaling mangangamba) Mapaalis man ako dito, o hindi, maninilbihan pa rin ako sa mga pasyente ko! Lalo na kay Misty, aalalayan ko pa rin siya. (titigas ang mukha, magbabanta) Pero itong sinasabi ko sa’yo, malalaman ng DOH ang tungkol sa mga overpriced medicine at fee niyo! Ma-e-expose ang mga nakakahiyang corrupt na tulad niyo. Para sa mga kawawang biktimang patuloy niyong kinakawawa!
Matitigil sa posisyon ang doktor at si Lucille. Magiging asul ang ilaw. Magdidilim ang paligid.
#
Wednesday, March 9, 2011
Incest = Silence
DAVID, ARIANE GALE D. Marso 11, 2011
2009 63737 Prop. Edna Landicho
PAMAGAT: Incest = Silence
TIYAK NA LAYUNIN: Mahikayat ang aking mga kaklase na labanan ang paglaganap ng Incest sa Pilipinas.
PAHAYAG: Ang patuloy na pagtahimik ay patuloy na pagpapagahasa.
PANIMULA
PANTAWAG-PANSIN:
“Linggo-linggo akong ginagahasa ng aking ama. Nung una’y di ko alam pano tatanggi, alam ko kasing mali yun, subalit sa tuwing nakikipagseks sa’kin ang aking ama, sinasabi niyang mahal na mahal niya ako kaya niya yun ginagawa. Hanggang sa makasanayan ko na ang lingguhang demonyohang ito, binalewala ko ito. Natatakot din kasi akong hindi na ako mahalin ng tatay. Alam kong alam ng ina ko, pero pinapaalalahanan pa ako nitong pagandahin pa lalo ang pakiramdam ng tatay para di masyadong maglasing. Isang taong makalipas, ginahasa ng tatay si Sandy, kapatid kong 11 taong gulang. Natuwa ako dahil di na ako muling ginahasa ng ama. Ang hiling ko na lang ay wag magsalita si Sandy dahil pag nagkaganun, iinom na naman si tatay o bumalik sa pakikipag-seks sa akin.”
Ito ang kuwento ni Sherri, biktima ng Incest, 14 na taong gulang. Habang sinasabi ko ang kuwento ni Sherri, meron ba sainyong nag-alala? Nangamba? Nagtaka? Nagulat? Natakot? Isipin niyo na lang, kaklase niyo lang ako, pero naapektuhan na kayo, paano pa kaya kung isang malapit na kaibigan, kapamilya, o kayo mismo ang magahasa ng ama?
Ang topic ko ay Incest.
Sa Pilipinas, hindi lang si Sherri ang may ganitong kaso. Noong 1999 sa Pilipinas, ayon sa report ng DSWD, lumobo ang kaso ng sekswal na pang-aabuso sa 5, 269. 5, 269 na mga bata ang nawalan ng pangarap at nasiraan ng buhay.
PAGPAPALIWANAG: Tatalakayin ko kung ano ang incest at kung paano ito malalabanan.
NILALAMAN
I. Ano ang Incest?
A. Ayon sa masteral thesis ni Prescilla Dela Pena-Tulipat, ang Incest daw ay:
“the sexual molestation of a child by an older person perceived as a figure of trust or authority-parents, relatives (whether natural or adoptive), family friends, youth leaders and teachers etc”
B. Ito ang mga elemento upang mas lalo nating maintindihan ang Incest.
1. Edad ng biktima. Mapa-bata, dalaga, o matanda, basta ginahasa ng isang kadugo ay tinuturing ng incest.
2. Relasyon ng biktima sa nang-abuso. Basta mayroong malapit na emosyonal na relasyon ang dalawa’y incest na, kapamilya man o malapit lang na kaibigan.
3. Sekswal na pang-aabuso. Kahit walang penetration, basta inabuso ang mental at emosyonal na aspeto ng bata ay incest na.
C. Ito ang karaniwang mga sanhi o deskripsiyon ng pamilyang may Incest.
1. Patriyarkiya o pagiging dominante ng ama at paggamit ng lakas para makuha ang gusto.
2. Ang ina ay maaaring physically or mentally absent, nasa trabaho o ayaw lamang mag-react sa nangyayari.
3. Ang anak na babae ay kumakatawan sa ina, e.g. naglilinis ng bahay, nag-aalaga sa ama, at iba pa.
4. Ang pamilya ay walang sosyal na suporta, e.g. nakatira sa probinsiya o walang mga kaibigan.
D. Ito ang ilan sa mga epekto ng incest sa batang biktima.
1. Nagkakaroon ng depresyon o matinding kalungkutan kapag nag-iisa o sa araw-araw.
2. Merong mga labis na nag-aalala o nangangamba na maulit ang nangyari.
3. Ang iba ay may tendensiya sa substance abuse o paggamit ng mga droga upang panandaliang makalimot.
4. Hirap silang magtiwala at hirap silang bumuo ng pagtitiwala.
5. Paminsan-minsan, pagkakaroon ng multiple personality disorder o pagkakaroon ng dalawang aktibong katauhan .
6. Nagiging sex maniac sila o nagiging sabik sa pakikipagtalik.
II. Paano mareresolba?
A. Sa parehong gender, maging mas maingat, mapagmatyag, matapang, at magalang sa sarili at sa ibang tao.
B. Paglaban sa mga nang-abuso.
PANGWAKAS
Malala na ang Incest sa Pilipinas. Napatunayan nating nag-uugat ito sa kahirapan ng mga pamilya. Napatunayan din natin na nasisira ang pisikal, mental, emosyonal na aspeto ng buhay ng isang batang naabuso. Walang naidudulot na maganda ang Incest. Sinisira nito ang buhay at pangarap ng mga biktima.
Kaya ang hamon ko sa bawat tao rito, babae man o lalaki, basta’t biktima ka ng Incest, lumaban ka. Paano? Wag kang tumahimik. Magsalita ka sa kahit anong paraan. Sapagkat kapag patuloy kang mananahimik, patuloy ka pa ring nagpapagahasa sa kriminal. Magsumbong ka sa mga pulis, social worker, doktor, kamag-anak, o di kaya’y ibulgar ang pang-aabuso sa pamamagitan ng pagsulat sa diyaryo, pagpost sa Facebook, pagsulat ng blog, at iba pa. Basta, huwag na huwag mong pababayaang dumami ang populasyon ng mga mapang-abusong nilalang. At ang pagsasalita lamang ang paraan upang maparusahan sila at maibalik mo ang dignidad sa sarili. Kaya’t wag kang mananahimik, huwag na huwag kang mananahimik, dahil ibig sabihin nun ay patuloy ka pa ring nagpapagahasa sa mga kriminal. Magsalita ka.
BIBLIYOGRAPIYA
Libro:
Understanding incest in the Philippines. Quezon City: The Bureau, 1998.
Protective Behavior. UNICEF and CPTCSA.
Internet:
“Media, sinisi ng CBCP sa pagtaas ng kaso ng incest rape sa bansa.” RMN News online. 12 November 2010. <http://www.rmnnews.com/beta/index.php/news/national/6046-media-sinisi-ng-cbcp-sa-pagtaas-ng-kaso-ng-incest-rape-sa-bansa>
Palisada, Stanley. “Silence means rape.” ABS-CBNnews.com. 9 March 2010. <http://www.abs-cbnnews.com/views-and-analysis/03/08/10/silence-means-rape-stanley-palisada>.
Incest, Information about Incest http://www.faqs.org/health/topics/68/Incest.html#ixzz1EkTcwM9M
Interview:
Christine Dayawon. Gabriella woman’s office. 11 Pebrero 2011
Tuesday, March 8, 2011
Saan ba ligtas?
D U L A N G M A Y I S A N G Y U G T O
S A A N B A L I G T A S ?
(Ikalawang burador)
DAVID, ARIANE GALE DELFIN
Mga Tauhan:
LUCILLE LAZARO : 26, social worker, gradweyt ng BA Psych, maganda, kahit papaano’y kagalang-galang ang pananamit, average lamang ang perfomances sa center, hirap mag-analisa ng kaso, pressured, nais magtagal sa trabaho upang masuportahan ang pagpapagamot sa anak, walang ibang napagkukunan ng suporta kundi ang trabaho niya, single-mother
MISTY MAKUHA : 15, estudyante, pamangkin at pinag-aaral ni Julietta, naninilbihan kay Julietta pamait utang-na-loob, pasyente ni Lucille, mula sa mahirap na pamilya, matalino at masipag mag-aral, physically attractive, malakas ang sex appeal, may pagkamaldita at hindi madaling magtiwala sa kapwa, kakaunti lang ang kaibigan, galit sa ina, nais makapagtapos sa pag-aaral.
JULIETTA PADILLA : 41, pormal ang kilos, itsura’t pananalita, nagpapaaral at bumubuhay kay Misty, kapatid ng ama ni Misty, mahal si Misty, kasalukuyang konsehala sa lugar na iyon, maykaya, nais matulungang umayos ang kondisyon ni Misty upang maisabak sa eleksiyon sa SK, may pagka-makasarili.
Iba pang tauhan:
DOKTOR: babae, magbababala kay Lucille na ayusin ang pag-handle sa mga kaso, May-pagkamukhang-pera
JUNJUN: 8, anak ni Lucille, di makalakad at may sakit
JANITOR AT ILANG ATTENDANT SA BELLARDO SOCIAL CENTER
Ang Tanghalan:
Ang tagpo ay sa counselling room sa Manila, Huwebes ng tanghali.
Kapansin-pansin ang magarang interyor na disenyo ng silid. Kulay puti ang upper ¾ ng dingding, samantalang peach naman ang ibabang bahagi. Mayroong tatlong malalaking single sofa sa gitna. Ang dalawang kulay dark brown ay bahagyang magkatapat sa isa’t-isa - ito ang uupuan nina Lucille at Misty. Ang isa nama’y kulay puti na nakalagay sa kanang bahagi – ito ang kay Julietta. May maliit na peach na alpombra sa gitna.
Sa pagitan ng dalawang brown na upuan ay ang babasaging lamesa ni Lucille na naglalaman ng folder ni Misty, tsokolate, ilang papel at lapis, tape recorder, cellphone at telepono na gagamitin sa ilang bahagi ng dula. Nakasabit ang isang lampshade sa kisame na maaaring hilain at pataasin, umaabot ito hanggang sa lamesa ni Lucille. Sa pinakakaliwang bahagi ng entablado ay may isang malaking kahoy na bookshelf. May makikitang dalawang ulo ng manika na nakalaylay dito. Gagamitin ang mga ito sa therapy. Mayroon ding aircon sa tabi nito.
Sa kanang bahagi, sa tabi ng upuan ni Julietta ay may isang maliit na kahoy na lamesa. Ito ang patungan ng isang pitsel ng iced tea at mga baso na magagamit din mamaya sa eksena. Mayroon ditong nakapatong na plorera, at may bulaklak na Tulip.
Sa paligid ay may ilang bilang ng maliliit na puting kandilang nakasindi. Magsisilbi itong pampakalma sa damdamin ng mga tao sa loob.
Ang tanging pasukan at labasan ay ang kanang bahagi ng entablado kung nasaan naroon ang pintuan. Ang silid ay nasa ikatlong palapag ng gusali. Ang ilaw ay nagiging asul kapag malungkot ang eksena. Pero madalas, maliwanag ito.
Kapanahunan:
Kasalukuyan (2011) Tanghali
Maririnig ang labindalawang tunog ng striking clock sa bandang likod ng entablado. Unti-unting magbubukas ang ilaw sa entablado. Malamig sa silid dahil sa aircon.
Makikita ang Doktor at si Lucille na magkatapat sa isa’t-isa. Hawak-hawak ng doktor ang isang folder na may nakasulat na Misty sa labas. Si Lucille ay tumatango’t umuoo lang sa mga sinasabi ng Doktor.
DOKTOR: Degree holder ka ng BA Psych, right? Sana ginagamit mo yan para ma-improve ang mga kaso mo. Lagi na lang ganto ang mga pinapasa mong reports! (ibabagsak sa mesa ang folder) Butas-butas! Ano bang problema? Family background na lang, pabago-bago pa rin ang mga analysis mo. Alam mong crucial ang prosesong ’to. Maliit na pagkakamali lang sa pag-diagnose ng problema, lahat-lahat na, including the goals, methods, and implementations, mali na rin! (bubuntong hininga, maglalakad-lakad) You know very well that our chief concern here ay ang welfare ng pasyente natin. But it seems hindi yun ang mind set mo. Swerte ka nga, nagtatiyaga pa rin silang umattend ng sessions. Yung mga dati mo ngang pasyente, bigla-bigla na lang naglalaho, then boom! Nasasayang ang tsansang matulungan silang bumangon. Di ka ba nanghihinayang?
LUCILLE: (yuyuko) Pasensiya na po.
DOKTOR: You must apologize to your patients, sila ang nakakawawa sa mediocre performances mo. Nasa respetadong kumpanya ka, (Ituturo ang signage na Bellardo Social Center sa dingding), wala dapat pumapalya. Mag-timetable ka, gawin mo ang makakaya mo para matapos yang kaso!
Mind you, may nagaganap ngayong staff reduction. At once na nag-quit o di sumipot yang si Misty dahil sa kapabayaan mo, you’re off to go.
Lalabas ang doktor sa kanan. Magiging kulay asul ang ilaw na tututok kay Lucille.
LUCILLE: (nakatingin sa pinto, magtatapang-tapangan, defensive) Sus! Di naman talaga ako ang problema. Lakas niyo kasing humigop ng kwarta! Kung maningil kayo sa mga pasyente ng gamot, bitamina, unecesary medical fees, para kayong mga di tao e!
(Malulungkot, nakatingin sa odyens) Tinutulungan ko naman ang mga naabusong biktimang babae. (Uupo) Pinagagaan ko ang damdamin nila, at tinutulungan sila sa proseso. Pero pag ako na ang nalugmok, pag ako na ang namroblema, tulad ngayon, hay, sino na ang sumasalo sa’kin? Sino? Itong si Dok, wala nang ginawa kundi pansinin mga pagkakamali ko! At matatanggal pa raw ako sa trabaho? Tindi ng pressure!
Maririnig ang tunog ng selpon. Kukunin niya ito at babasahin. Matatawa si Lucille.
Si Junjun! (maeexcite) Masasamahan ko raw ba siya sa therapy niya (malulungkot, iiling) (ipakikita sa odyens ang selpon) A, anak ko. Nag-a-undergo kasi siya ng physical therapy, tatlong buwan na, para makapaglakad at gumaling sa Cerebral Palsy. (maglalakad-lakad) Nakakalungkot ‘no? Kung sino pa yung mga hikaos sa buhay, sila pa ang nadadapuan ng matitinding sakit. Ganto lang yata talaga mabuhay, at bumuhay – mahal. (may emphasis sa susunod na salita) Napakamahal.
Mabuti na lang nariyan ang Nanay. Nakatutulong siya sa pag-aalaga kay Junjun. Pero di nako humihingi ng pinansyal na suporta sa kanya, umuusbong na rin kasi ang mga sakit ng katandaan niya.
(seseryoso, mangangamba) Naku, di ako pedeng madispatya dito! Pag nagkataon, di na ma-e-experience ni Junjun mag-hula hoop. (iaakto ito at ngingiti) Saka pano pag inatake siya? (matataranta) San ako kukuha ng – pano pag – pano pag matuluyan siya? (Mag-iisip) (titigas ang mukha) Hindi! Dapat maresolba ko ang kaso ni Misty! Inaamin ko rin kasi, napabayaan ko ang kaso niya. Iniisip ko kasi si Junjun, iniisip ko ang Doktor, tapos ngayon nagtataasan pa ang presyo ng bilihin. Hirap maging single mother.
May maririnig na katok. Papasok mula sa kanan si Julietta. Naka-puting polo shirt, jeans, at ballerina shoes. Kapansin-pansin ang ganda. Mapapatitig si Lucille sa kanya.
LUCILLE: Konsehala, kayo pala! Buti nakarating kayo. (ili-lead si Julietta sa sofa)
JULIETTA: (hindi uupo) May exam nga siya ngayon e, umaayaw na kanina. Napakasipag kasing bata, gusto lagi nakakasunod sa requirements. Yun, kinausap ko na lang ang teacher, naexcuse naman.
LUCILLE: Mabuti naman po. Maupo ho kayo.
JULIETTA: (uupo) Let me get this straight. (seseryoso) I am disappointed. Napakabagal ng pag-usad ng therapy. Si Misty, depressed pa rin. Madalas nakatulala. Lagi pa ring natatakot. Sangkatutak ang binabayaran ko rito, tapos ito? Pinagkakaperahan niyo na lang ba kami?
LUCILLE: (defensive, humahanap ng excuse) Maam, hindi! Sana’y maunawaan niyong hindi lahat ng kaso ay madali at mabilis lutasin. Lalo na ang kay Misty. It takes time. Kaunting pasensiya pa. Ginagawa ko naman ang makakaya ko. Kakaiba lang talaga ‘tong kaso niya.
JULIETTA: (sarkastikong gagayahin ang dalawang huling pangungusap ni Lucille) Parang di ka aware na 3 months from now, filing na ng candidacy sa SK a. Dapat nasa kondisyon si Misty pag tumakbo siyang Chair. Tipong mataas na ang social skills. (tatayo, ipakikita ang kunwang pakikipagkamay sa ibang tao) Pero sa past six sessions, little developments lang ang naobserbahan ko. (iiling, tutuwid sa pagkakaupo) Pakiusap naman. Okey lang magbayad nang malaki e, kung mabilis at mahusay ang takbo ng kaso, kaso wala pa rin e. Pag ngayon pinaikot-ikot mo na naman kami at wala kaming nahita rito, diyan, (ingunguso ang isang dingding) sa kabila, lilipat na kami.
Mangangamba si Lucille sa narinig. May maririnig na katok. Mabilis na lalapit si Lucille patungo sa kanang bahagi ng entablado. Magkasabay silang maglalakad sa gitna ni Misty. Maganda, maputing babae si Misty. Snobbish ang aura. Sesenyasan ni Lucille si Misty na maupo sa upuan sa tapat niya. Ang tingin lamang ni Misty ay diretso. Walang kaimik-imik. Badtrip.
LUCILLE: Iha! (mapapansin ang mukha ni Misty) Ganda-ganda mo, ba’t di ka ngumiti diyan?
Hindi tutugon si Misty. Mag-aalalang titingin si Julietta sa kanya.
LUCILLE: (persuasive ang tono) Anong problema? Sabihin mo. Kasi makaaapekto yan sa therapy.
MISTY: (titingin sa tape recorder sa lamesa) Di ko alam.
LUCILLE: (mapapahiya, tatango na lang, titingin sa recorder) I assure you, confidential ang lahat. Kahit mga kapwa ko social worker dito, di pedeng marinig yan. (maghihintay ng tugon kay Misty, subalit wala kaya magpapatuloy, ngingiti na lang, at tititig sa mata ni Misty) Basta tandaan mo, kaibigan ako. Mapagkakatiwalaan at willing makinig.
JULIETTA: Typical mood niya yan. Proceed ka na.
LUCILLE: (tatango) (Kay Misty) Good thing bumalik ka, it only shows na isa kang malakas na babae, strong girl. Kasi rinerecognize mo ang need for help mula sa ibang tao. I want to thank you for that. (wala pa ring tugon si Misty) Anyway, Misty, di’ba sabi mo sa’kin, school at bahay ka lang? E ngayon, may iba ka na bang pinagkakaabalahan?
Ngingiti si Lucille. Aabangan ang reaksiyon ni Misty subalit aayos-ayusin lang ni Misty ang kanyang buhok. Nahihirapan na si Lucille. Aayusin niya ang pagkakaupo niya.
LUCILLE: May ilang bagay lang akong ika-clarify o uulitin sa pagtatanong ngayon a. (katahimikan) Alam mo ba, kapag natapos na tayo dito, makakapag-aral ka na para sa exam mo dapat ngayon. (wala pa ring tugon) Heto, (may kukunin sa kahon) tsokolate, bigay ni Dok. Wag ka raw magtitira a.
Katahimikan. Iaabot at ipapatong ni Lucille ang tsokolate sa kamay ni Misty. Kukuyumin ni Misty ang tsokolate. Gagaan ang mukha nito. Mapapansin ni Lucille, bahagyang matutuwa.
LUCILLE: Masarap yan. Sige, kainin mo, go, Stateside pa!
MISTY: (maamo) Talaga? E baka nagugutom ka a. (titignan ang tsokolate)
LUCILLE: Hindi. Kainin mo kung gusto mo habang nag-uusap tayo. (ngingiti) Nga pala, sa bahay ng Tiya mo, kumusta naman ang pakikitungo nila sa’yo?
JULIETTA: (Natatakot mapahiya, kakalabit si Misty) Hey, speak up.
MISTY: (pipiliting maganahan) Oks (itataas ang dalawang hinlalaki).
LUCILLE: Aba, (matutuwa) magaling ba mag-alaga si Tiya mo?
MISTY: Oo nga. (Iirap) Sustentuhan ka ba naman sa pag-aaral at patirahin ka sa bahay, di ka matutuwa ha? (tititigan ang tsokolate)
LUCILLE: (Maiinis sandali sa paraan ng pagsagot ni Misty, subalit matutuwa dahil nakukuha na ang loob nito) Ba’t hindi na lang doon sa Aklan?
MISTY: E di walang (isesenyas ang tatlong daliri bilang simbolo ng pera)
LUCILLE: Wala kang nakakain?
MISTY: (Hihinga nang matagal at malalim) May natitimo naman. Pero ganto? (ikukumpas ang tsokolate) Asa pa. Asin, tuyo, mga ganun lang. Wala ‘kong problema sa sikmura, kahit anong damo ipakain mo sa’kin, titimoin ko. Basta, gusto ko makapaghayskul.
LUCILLE: (matutuwa pero magpipigil) Kaya ka pumunta kay Tiya Lucille mo para sa pangarap na yan?
MISTY: (Itataas ang kanang kilay) Tapos, nagpapakaatsay din ako! (Titingin kay Julietta na umiinom ng iced tea) De, biro lang!
LUCILLE: Ano ba’ng trabaho ng magulang mo?
MISTY: (kukunot ang noo) Si nanay, nagtitinda sa palengke, naglalaba, naglalako ng kakanin. Si tatay, kartero, hardinero, basurero, kung ano-ano. Basta di sila napipirmi. Kaya lagi silang nag-aaway e. (malulungkot)
LUCILLE: Parehas pala tayo. (ngingiti nang matamlay) Ba’t nag-aaway? Dahil di sapat ang kinikita?
MISTY: (matagal na itataas ang kanang kilay) Tapos minsan uuwi pa ng lasing ang Tatay. Mahuhuling magnanakaw sila Kuya Kaloy. (patlang) Sumusugal lang sila Kuya Teban sa kanto sa halip na magtrabaho. (patlang, sarkastiko) Nako, ang saya-saya lagi sa bahay! (pipiliting ngumiti) Agawan ng palitaw, o anumang matira sa paglalako ni Nanay. (ngingiti, subalit kabado na). Masarap kasi e!
LUCILLE: Sandali lang ha, pero maaari bang ipakita mo sa’kin ulit kung anong ginawa sa’yo ng tatay mo? Nung gabing nalasing siya nun?
MISTY: (maiinis) Na naman? Natutuwa ka ba kapag pinagagawa mo yan?
LUCILLE: (aabutin ang kamay ni Misty, pipisilin ito) Kailangan ‘to.
MISTY: Gusto mo na lang akong saktan no?
LUCILLE: Di naman sa ganun. Di ba gusto mong maibalik ang mga kaibigan mo? At di ba gusto mo ring masuportahan ang tiyahin mo sa adhikain niya? (ngingiti) kaya sige na i-share mo na.
Uneasy na kikilos si Misty. Ipapatong niya ang dalawang braso sa sandalan ng upuan. Titingin sa sahig, saka magpapaikot-ikot ang mata, nag-iisip. Pipitik-pitik ang mga daliri niya tila inaantay ang utak na sabihin ang mensahe sa kanya. Tatayo. Titingin si Misty kay Julietta. Nakakunot ang noo.
LUCILLE: (pasuyo) Sige lang, malapit naman na tayo matapos. (magpapatuloy kahit makikita ang kabigatan sa itsura ni Misty). Hinawakan ka ba niya? O may pinapanood sa’yo? Wag ka matakot, andito ako para tulungan ka. Sabihin mo lang lahat-lahat.
MISTY: (aayusing muli ang buhok at hihinga nang malalim) Lagi akong hinahawakan nun ni Tatay. Sa buhok, sa likod. Minamasahe pa nga ako. (Iiling, diring-diri ang itsura) Basta, yun na yun! Ayoko na!
Tutungo lamang si Lucille sa kanya kahit nangangamba na baka umalis na ito. Hahawakan ni Julietta ang buhok ng pamangkin. Tatayo si Lucille at magtutungo sa bookshelf. Kukunin ang isang lalaking at isang babaeng manikang nakahubad.
JULIETTA: Sige, sundin mo na siya. It might be harsh, pero para sa’yo rin ito.
LUCILLE: Alam ko ang pakiramdam mo. Yung tipong pag nagkuwento ka, andun ka ulit sa panahong yun. Kung natatakot ka sa magiging reaksiyon ko, dahil baka pandirihan kita, namin, wag! Sobra-sobrang naiintindihan kita.
MISTY: Wala kang alam! Wala! Di mo ‘ko, di niyo ko maiintindihan!
LUCILLE: (kalmado) Meron. Madami. (tatayo) Kaya kita tinutulungan ngayon ay dahil dati rin akong incest victim.
Magugulat ang dalawa. Hindi makapaniwala. Mapapainom si Julietta ng iced tea. Kakapain ni Misty ang dibdib. Magpapatuloy si Lucille.
LUCILLE: Pero tinatawag ko na ang sarili kong Incest survivor. At napakasarap nun sa pakiramdam.
JULIETTA: Pano nangyari?
LUCILLE: Pinili kong basagin ang shell ko. Pinili kong makawala mula sa pagkakabihag ng nakaraan. Pinili kong makalabas sa madilim na kuweba. Kaya ikaw Misty, ikuwento mo lang yan. Isipin mong naniniwala kami sa’yo at naiintindihan ka namin.
MISTY: Umintindi? Walang marunong nun. Ni makinig nga, wala e! (padabog na uupo)
Padabog ding kukunin ni Misty ang mga manika. Ang lalaking manika ay pinisil niya. Iuusog ni Lucille ang maliit na lamesa sa gitna nila. Ililipat ang iced tea sa sahig, malapit kay Julietta. Ang lamesa ang magsisilbing patungan ni Misty ng mga manika.
Dahan-dahan, kontroladong sinunod ni Misty ang pakiusap. Ipapatong niya ang dalawang manika sa lamesa, saka ilalagay ang mukha ng lalaking manika sa leeg ng babae. Bibitiwan niya ang mga manika. Tititigan iyon nila Lucille at Julietta.
LUCILLE: (kabado sa kalalabasan) Go, iha.
Magtatangka muli si Misty na hawakan ang manika. Titigil sandali. Pipikit ito’t susubukan muli. Maiaangat niya ang lalaking manika. Tititigan niya muna ito nang masama, saka bibilis ang paghinga niya. Ipahahalik niya ang lalaking manika sa leeg, paikot sa suso, sa tiyan, sa pusod, hanggang umabot sa puke ng babae.
Hahawakan ni Lucille ang mga palad ni Misty. Yayakapin ni Julietta si Misty. Maya-maya’y ichecheck niya ang folder sa lamesa. Magbabasa-basa. Mapapakunot ito ng noo.
LUCILLE: (bubulong sa sarili) Bakit ibang bersiyon na naman ang kinukuwento niya? Kakaiba talaga tong kasong ‘to.
Sa pagtayo ni Julietta, matatabig niya ang baso. Magugulat si Misty, mapapatayo, at tatakbo patungo kay Lucille.
JULIETTA: I’m sorry. Tatawag ako ng maglilinis. (lalabas)
LUCILLE: (sa Misty) Napakabilis mong nakatakbo sa’kin. Iba talaga pag normal ang mga paa ano? Sana makatakbo rin papunta sa’kin si Junjun. Oo, pag nagka-wheelchair na siya. (babalik sa ulirat, marirealize na nabastos niya si Misty dahil sa hindi niya rito pagpokus)
Kumakapit na si Misty kay Lucille. Nanginginig. Yayakap si Misty kay Lucille. Magugulat si Lucille. Mag-aalangan kung yayakapin din si Misty. Unti-unting yayakap si Lucille.
MISTY: (malambing) Ate Lucille, ang sarap mo yakapin. Parang si Nanay. Pedeng ganto muna tayo? (hihigpitan pa ang yakap) Yung nanay ko, seksi, mapula ang labi, maganda! Tapos lagi wala sa bahay kasi masipag. Masarap ding magluto, tulad ko raw sabi ni Tay. (matatawa)
LUCILLE: Sige lang (ngingiti) parehas pala ng sinabi ang mga ama natin sa’tin. Apir nga tayo diyan, soul mates yata tayo e. (matatawa)
Bibitiw sa pagkakayakap si Misty. Masaya ang awra niya ngayon. Hindi rin pasosyal. Kukunin niya ang papel sa lamesa, idrodrowing niya ang pamilya niya. Ngingiti-ngiti mag-isa si Misty. Matutuwa si Lucille sa attitude ni Misty. Muling yayakap si Misty kay Lucille. Aakalain niyang si Lucille ang nanay niya. Muling magugulat si Lucille, subalit yayakap na lang.
MISTY: Nanay, mahal kita.
Subalit bigla-bigla na lamang magagalit si Misty kay Lucille. Itutulak niya ito papalayo.
MISTY: (pasigaw) Hindi! Di ko siya katulad! Mabait ako, masunurin. Siya, masahol pa sa hayop! Di siya marunong makinig. Sinabi ko ang ginawa ni Itay sa'kin, pero sabi niya tumahimik daw ako, at magdamit na lang nang maayos. Ang landi ko raw kasi! (sa odyens) Malandi ba talaga ako? Ha? Akala ko ba pamilya kami, e ba’t mas mahal ni Nanay si Tatay kesa sa'kin? (patlang) Paglaki ko, di ko siya tutularan!
LUCILLE: Humulos-dili ka, Iha. Walang mangyayari pag nagpadala ka sa emosyon. (yayakapin si Misty)
MISTY: Ano bang ibang magagawa ko, bukod sa magalit? Wala di ba! Wala!
LUCILLE: Wala kang madaling pagdadaan pag nagahasa ka. Lifetime process ang pagpapagaling dito. Ako nga, nagsampa ng kaso laban sa nang-abuso sa’kin. Na-release ang warrant of arrest. Pero walang nangyari.
MISTY: Dapat makaalis ako agad dito. Dun sa malayo. Dun sa ligtas. Pero, san ba may ligtas na lugar? E sa sarili ko ngang bahay naga... (patlang) Parang lahat, ano, kagubatan. (matatawa) Kala mo tahimik, payapa, masarap. Pero di pala! Nagkalat ang mababangis na hayop! Kahit umiyak ka’t magmakaawa, paulit-ulit ka pa ring sasaktan at lalapain.
LUCILLE: Totoo. (hahaplusin ang buhok ni Misty) Pero kung tatakas ka nang ganun-ganun na lang, di ka makapaghihiganti sa kanila. Di mo maipaghihiganti ang sarili mo. Kung patuloy kang mananahimik, patuloy kang nagpapagahasa. Patuloy mong pinadadami ang mga hayop na tulad nila!
MISTY: (bibitiw mula sa pagkakayakap ni Lucille, kunot-noo) Ano?
LUCILLE: Ibig kong sabihin, lumaban ka. Kung ngayon e walang-wala ka na, ibigay mo lang lahat ng makakaya mo. Lahat-lahat. Tutulungan kita. Naniniwala ‘kong kakayanin mo e.(ngingiti) Kung ako nga kinaya ko, pano ka pa? E strong girl ka diba!
MISTY: (makakalma nang kaunti) Talaga?
LUCILLE: (tatango) Kung di man tayo manalo, ang importante, lumaban ka. (patlang, mapapareminisce) Ang mahirap lang sa sistema natin, e napakabulok. Biktima ka na nga ng pang-aabuso, lalo ka pang binibiktima ng sarili mong justice system (tatayo, buntong-hininga) Naalala ko nung nagsampa ako ng kaso nang walang suporta kay Mama. Masakit kumilos pag lahat ng tao, lalo na ang sarili mong pamilya, kontra sa ginagawa mo. Ang nag-assist sa’kin ay isang social worker. Kaya minsan, nakakawalang-gana talaga. Nagpunta ako sa City Hall, sa legal counsellor, attorney’s office, kung saan-saan. Tuwang-tuwa ako nun, na-release na ang warrant! Dadakpin na lang ang maysala, (pagdidikitin ang dalawang pulso kunwa’y nakaposas, ngingiti) naiisip kong mabubulok na sa piitan ang hayop na yun!
MISTY: Wow.
LUCILLE: Pero, sumuko ako.
MISTY: O ba’t naman? (matatawa) ‘Ta mo! Wala kang laban sa mga yun (matatawa ulit) Kahit anong tapang-tapangan mo, wala! Kung ako sa’yo, tatakas na lang ako, dun dun sa malayong-malayo, sa lugar na walang mga hayop. (matatawa)
LUCILLE: Putragis na mga pulis. Iimbestigahan pa raw nila ang mga papeles! (titigas ang mukha) Pero ang mahalaga, pinaglaban ko’ng karapatan ko. Sa pagdaan ko sa bawat proseso ng pagsampa, nadungisan ko na rin ang pagkatao ng Papa ko! Sapat ng makita ko siyang hiyang-hiya.
Babalik si Julietta. Hindi siya makikita at maririnig ng dalawa.
MISTY: (magbabago ang mood) A, basta! Aalis na ‘ko. Pagod na ‘ko sa kakaisip sa mga problema! Ikaw, wala kang kuwenta! A hindi, walang kuwenta ang lahat (exaggerated na gagawa ng malaking bilog gamit ang dalawang braso) ng tao sa mundo! (matatawa)
LUCILLE: (magpipigil) Wag kang umalis! Mas okay ka dito.
MISTY: Wag mo nga ‘kong diktahan! Sino ka ba? Di nga kita kaano-ano e!
LUCILLE: (mapipikon) Di kita diniktahan. Sana lang makipagtulungan ka. Pareho naman tayong magbebenefit dito e. Saka, alam kong gusto mo ring maging malaya mula sa nakalipas.
MISTY: Gusto ko man o hindi, di na mahalaga. Tapos na yun. Hahayaan ko na! (galit) Saka, diba gusto mo ‘kong magtagal dito dahil sa pera? Masahol pa kayo sa mga magulang ko! Biktima na nga ako, binibiktima niyo pa ako! Pare-pareho kayo -
LUCILLE: (pasigaw) Aba! Ano bang gusto mo ha? Kaw na nga ang tinutulungan, ‘kaw pa may ganang mag-inarte! Tinutulungan kita dahil (mapapaisip) -
JULIETTA: Wag mo siyang pagtaasan! Empleyado ka lang dito. Galangin mo kami, lalo na si Misty, kami pa rin ang mas mahalaga.
LUCILLE: (magugulat) Madam! Hi-hindi po, kasi kanina po ano e -
JULIETTA: (kay Misty) ayos ka lang ba? Mukhang na-sstress ka na rito. Gusto mo pa bang ituloy?
Iiling si Misty. Matataranta si Lucille.
JULIETTA: Tara na. Dahan-dahan lang a. (aalalayan si Misty, pinaiiwas sa bubog)
LUCILLE: (nasa likod ng dalawa, mabilis ang pagsasalita) Maam, wait lang po! Pero hindi pa tapos. Nakapag-open up na si Misty ngayon, sayang naman po ang nasimulan nang kaso! Di pa ho natin nagagawa ang actual treatment. Tsaka, (babalik sa normal ang pananalita) kailangan ko pong masuportahan ang anak ko, si Junjun! Maam, sige na ho, huy Misty. (naglalakad na ang dalawa, hindi siya pinapansin) Maam, sige na.
JULIETTA: Baka gusto mo kaming samahan? Dadaan kami sa head office. Ipapahinto ko na ang sessions. Salamat sa tulong mo.
LUCILLE: Maam, maawa na kayo. Pag natanggal ako, di ko na mabibili ang wheel chair para sa anak ko. May Cerebral palsy siya Maam, pag natapos ngayon ‘tong sesyon, siguradong susunod na ako sa listahan ng mga mapapaalis!
Mapapahinto si Julietta sa narinig. Makikita sa itsurang naapektuhan. Pero dahil pursigidong makalabas si Misty, sumunod na rin siya. At nawala ang dalawa sa entablado.
LUCILLE: (nagtitimpi ang boses) Tang-ina. Bakit ganun biktima rin naman ako. Biktima kaming lahat. Pero ba’t parang si Junjun ang pinakakawawa? Wala naman siyang kasalanan. Ang gusto lang niya makalakad. Kasalanan to ng tatay ko, kung di niya ako binuntis ng ganun kaaga, 18 years old? Diyos me! Di sana nakakahinga pa ako nang maluwan – punyetang mga tao! Kahit saan na lang ba ako magtungo, masasaktan at masasaktan ako? Wala bang lugar na ligtas ako sa pananakit ng iba?
Maririnig ang tunog ng pintuan. Maglalakad papasok si Misty, friendly na ang awra kasama nito si Julietta. Magugulat si Lucille.
JULIETTA: Nagpupumilit bumalik. May sasabihin lang daw.
MISTY: (friendly ang tono) Nakalimutan kong mag-thank you. Kasi napalakas mo ang loob ko. Nakalimutan kong i-share sayo na bumalik na ‘ko sa volleyball team. Kahit hindi pa ‘ko pinapansin ng mga teammates, ayos lang, ang importante, nagkalakas-loob na ‘ko. Totoo pala ang sinabi mo nung unang beses kong pumunta dito. (magiging pormal ang tinig; gagayahin si Lucille, magpapalakad-lakad) Isa akong kaibigan. Magtiwala ka sa’kin. Mauunawaan kita. Tutulungan kita. (babalik ang tinig) Alam mo ba pagtapos gawin yun sakin ng tatay, walang gustong kumausap sa’kin. Lahat sila diring-diri sa’kin. Pero ikaw, pinagtiyagaan mo ‘ko, (matatawa) at nagtiwala ka. Tama di’ba?
Hahawakan ni Misty ang palad ni Lucille. Matutuwa si Lucille, subalit nalilito.
LUCILLE: (di malaman ang isasagot) Pinagtiyagaan? Ha? A. (mapipilitan) Oo, a oo naman! Teka, ikaw ba yan, Misty? Ba’t parang may mali. Sandali.
MISTY: Onaman!
Magtutungo si Lucille sa bookshef. Kukunin ang folder. Magbabasa saglit. Ichecheck ang ilang libro sa bookshelf.
LUCILLE: Pabag-bago ang mga detalye ng kuwento. Paminsan-minsan ang postura niya ay pormal, minsan naman ay hindi. Minsan magiliw siyang kausap, malambing, minsan naman mataray, walang modo. Parang may dalawang pagkatao. (Biglang manlalaki ang mata at isasarado ang isang libro) Maam! Si Misty, baka may Dissociative Personality Disorder siya, o yung Multiple Personality Disorder.
JULIETTA: (taranta) Ano? Hindi baliw ang pamangkin ko!
LUCILLE: Hindi ho! Maaaring epekto ito ng matinding trauma na dinanas niya noong bata siya. Maaaring sobrang lala ng trauma na’to, at paulit-ulit ang naging pisikal, sekswal, at emosyonal na pang-aabuso, kaya si Misty ay nawawalan ng koneksiyon sa mga pag-iisip, sa alaala, sa emosyon, at ang mismong sense of identity, nawawala sa kanya. (patlang, iiling) Kaya pala hindi ko maresolba ang kasong ito.
JULIETTA: Ano nang mangyayari?
LUCILLE: Dapat mailipat siya agad sa isang Psychiatric Center. Ang isang social worker na tulad ko’y hindi equipped i-handle ang ganyang sakit. (lalapit sa telepono) Paki-assist po si Misty Makuha. Rm 301.
MISTY: Ha? (magtatampo) Pinagtatabuyan mo na ako?
LUCILLE: Hindi. Hangad ko ang kagalingan mo. Dito di ka lubusang gagaling. Ngayon kailangan mo nang umalis, magiging kumplikado ang mga susunod mong therapy. Kailangan mong magpagaling –
MISTY: Lahat na lang ba kayo? Wala na bang taong matitira para mahalin ako nang totoo? Akala ko ba magkaibigan tayo? Sabi mo, naniniwala ka sa akin, sabi mo, magtutulungan tayo. Tayo?!
LUCILLE: (magugulat) I care for you, Misty. Pero not all the time, nasa tabi mo ang mga taong minamahal mo. Kelangang tulungan mo rin ang sarili mo.
JULIETTA: You mean, mas malala ang kalagayan niya ngayon? Dahil may sayad na? E ba’t ngayon mo lang ‘to nalaman! Napakalapit na ng filing ng candidacy, pa’no na lang ang kikitain namin, uhm, I meant –
Lalapit si Misty sa lugar kung saan nabasag ang bubog. Dadampot ng isang piraso. Sasaktan ang sarili. Mapapasigaw si Lucille.
LUCILLE: Misty! (tatakbo sa bookshelf para kunin ang first aid kit)
JULIETTA: Ba’t mo ginawa yan, anong – pansamantalang pagkamanhid lang yan! Di ka pa rin makakatakas sa problema mo!
MISTY: (habang sumisirit ang dugo, hirap magsalita) Wala kayong pinagkaiba kay Inay at Itay! Pinaasa niyo ‘kong lahat! (patlang, mapapangiwi) A-aray ko. Ikaw Tiya, ang gusto mo lang makuha ang gusto mo. Pakiramdam ko tuloy, ginagamit mo na lang ako. Ikaw Lucille! Sabi mo kaibigan mo ‘ko, pero ipagtatabuyan mo rin pala ako! Lagi na lang ba akong magiging biktima? (mangiyak-ngiyak na, mapapaluhod) Kailan ko matatawag ang sarili ko na survivor? Kahit sang lugar ba ako magpunta lalapain ako ng mga tulad niyong walang puso? Tama na, please lang.
Magugulat si Julietta at Lucille sa narinig. Darating ang ilang attendant at isang janitor.
JULIETTA: Stop talking non-sense!
LUCILLE: Hindi sa ganun! Kaibigan mo akong talaga! (tatakpan ang bibig)
Aalalayan ng mga attendant si Misty. Mabilis siyang maglalakad palabas ng entablado, kahit hirap. Susunod din si Julietta. Kahit anong gawing paghabol ni Lucille, hindi siya makakaalis sa kinatatayuan. Maiiwan si Lucille sa entablado. Nakatulala. Magiging asul ang ilaw.
LUCILLE: (malungkot ang tono, guilty) Sinaktan niya ang sarili niya, da-dahil sa kin! Napakasama ko. Kung kailan kinailangan niya ng tunay na karamay at kaibigan – tangna, kaibigan? Kailan ko ba siya tinuring na ganun? E kaso nga lang ang tingin ko sa kanya! Lintek na. (tarantang magpapalakad-lakad) Ni hindi ko rin siya nabigyan ng sapat na atensiyon at pagmamahal. Masyado akong nabulag ng pangangailangan ko sa pera, at sa pressure dito! Napabayaan ko si Misty, ang isang batang biktima na hangad lang ay ganap na pagbabago sa buhay niya. Kailangan niya ng tapat na magkakalinga sa kanya, pero tangna, di ko pa naibigay!
Magliliwanag ang ilaw. Papasok ang doktor. Titingin sa paligid. Makikita ang bubog. Iiling-iling, pagkuwa’y ngingisi-ngisi, at ngingiti nang matalim kay Lucille.
DOKTOR: Husay-husayan mo naman sa susunod ang mga kaso. O kung may susunod ka pang kaso. (tatawa) Naresolba mo ba siya?
LUCILLE: Naresolba? Di siya simpleng kaso, Dok! Tao siya! (patlang, mapapatulala) Magkaibigan na nga kami e, tinuring na niya ako, at di ko namalayan.
DOKTOR: (di papansinin si Luciile. Kukunin ang folder, babasahin) Buti natukoy mo ang totoong sakit. Husay-husayan mo na sa susunod!
LUCILLE: (maglalakad-lakad, nagdadrama) Talagang huhusayan! Lalo pang magpopokus. Dapat mas maging confident ako sa kakayahan ko. (hahawakan ang manikang babae) Kasi ang tulad niya’y napaka-vulnerable. Hindi ko nakita ang maliit na enthusiasm na nadedevelop sa kanya, hindi ko nakita ang koneksiyong hinihingi niya sa’kin - ang sincere na pagkakaibigan. Dahil nabulag ako, Dok! Napakarami ko na palang nasayang na pagkakataon, at nasirang mga pangarap sa pagpapabaya ko sa mga pasyente ko. Ganto pala kahalaga ang trabaho ko.
DOKTOR: (patuloy na babasahin ang folder, parang di narinig ang sinabi ni Lucille) Yea umm by the way, ang breakdown of payments nila Konsehala, nasan na? (mabilis na iiiscan ang folder) Parang wala rito e.
LUCILLE: (magagalit) Punyeta! Nakakasuka na, Dok! Kawawa na ang mga pasyente! Mga punyeta kayo! (malulungkot) Simula ngayon, sasabihin ko sa kanila ang mga alternatibong paraan sa pagpapagaling at kung san nakabibili ng mga murang medisina!
DOKTOR: (galit, nagpipigil pa rin) Fuck, minumura mo ako? People’s money is our bloodlife. Kung di mo matanggap ang kalakaran dito, you’re free to go. (ituturo ang pinto) Go!
LUCILLE: (sandaling mangangamba) Mapaalis man ako dito, o hindi, maninilbihan pa rin ako sa mga pasyente ko! Ang pera niyo? Di yan ang bubuhay sa’kin at sa anak ko, maaari pa rin akong lumapit sa mga ahensiya ng gobyerno para humingi ng donor at pinasyal na suporta para matugunan ang therapies ng anak ko! Basta habang naririto ako, ipaglalaban ko ang mga pasyente! Bibigyan ko sila ng ligtas na tahanan, sa piling ko.
Matitigil sa posisyon ang doktor at si Lucille. Magiging asul ang ilaw. Magdidilim ang paligid.
#