Isang Panaginip na Fili*
Ang unang nakaakit sa aking paningin ay ang napakamalikhaing disenyo ng entablado. Mayroon itong ikalawang palapag sa likurang bahagi na may tatlong malalaking butas. Paminsan-minsan ay sumusulpot ang mga tauhan sa mga butas na iyon. Minsan nama’y ang mga eksena ay nagaganap sa hagdanan paakyat sa ikalawang palapag. Nakatulong ang entablado na maiwasan ang flat na paningin ng mga manunuod. Kumbaga, nalagyan nila ng “spice” ang dating ordinaryong entablado, at ito talaga ang nakapagpahanga sa akin.
Napansin ko rin sa kauna-unahang bahagi ng dula ang makukulay at napakadetalyadong mga kasuotan ng mga tauhan. Ang kasuotan nina Basilio at Isagani na akma sa kanilang estado ng pamumuhay at sa panahon ng mga Kastila. Simple ang kasuotan nina Ibarra, Paulita, at Ben Zaib subalit iyon ang mga pinaka-napansin ko. Maging ang mga kasuotan ng mang-aawit at mananayaw ay pinag-isipan at pinaghandaang nang lubusan. Kapag nagsama-sama ang lahat ng tauhan sa gitna ng entablado, hindi masakit sa mata ang kulay at disenyo ng kanilang damit. Ang mga kulay na ito ay nakakapanghikayat sa paningin at sa damdamin.
Naging epektibo rin ang paggamit ng mga ilaw. Nabigyang pokus ang pagsasadrama ng mga tauhan. Kadalasan ay nakadaragdag pa ito sa pagpapasidhi ng mga eksena. Tila naging makatotohanan ang eksena sa loob ng Bapor Tabo dahil sa mahusay na pag-iilaw.
Nakadagdag din sa pagpapasidhi ng damdamin ang mga tunog. Naging epektibo ito dahil hindi lamang ako nasisindak, napapatigil pa ako sandali sa paghinga kapag naririnig ang malalakas at nakakapanginig na mga tunog.
Sa mga props naman, napamangha ako sa mahusay na pagkakabuo ng mamahaling lampara ni Ibarra. Tinitigan ko itong mabuti at hindi ako makapaniwalang gawa lamang ito ng mga Kawanihan ng Props at Design dahil sa labis na kagandahan nito.
Ang kakaibang musika naman ang labis na nagpataas ng aking enerhiya. Ito ang dahilan kung bakit napako ang aking atensiyon hanggang sa kadulo-dulohan ng dula. Masigla ang pagkakaawit ng mga awitin, at walang kasinghusay ang pagkakalikha ng liriko. Inulit-ulit ko pa ang pagkanta sa isang awitin kahit tapos na ang palabas. Tumatak kasi ito sa aking isipan.
Hinangaan ko rin ang paraan ng pag-arte nina Ibarra, Isagani, Maria Clara, at Huli. Kahit isang pangungusap lamang ang kanilang bitawan, nakapangingindig-balahibo na. Kahit makinig lamang ako sa kanilang mga boses at hindi na tumingin pa sa kanilang mukha, mararamdaman ko pa rin ang emosyon ng kanilang pagdrama.
Bago at kakaibang naratibo naman ang inilatag ni Floy Quintos sa dula. Linagyan niya ito ng twist. Ihinalo niya ang buhay at perspektibo ni Jose Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas.
Subalit, may mga pagkakataon sa aking panunuod na ako’y napapahikab. Maaaring dahil hindi ako isang malaking tagahanga ng mga dula, at maaaring dahil makailang beses ko nang nabasa’t napanuod ang El Filibusterismo. Kumbaga, alam na alam ko na ang mga mangyayari, kaya’t naghahanap ako ng “bagong elemento” rito.
Datapwat, nahusayan ako sa direksiyon ng mga galaw, at sa mensaheng nais iparating ng dula. Tunay na nabuhay ng dulang ito ang pagmamahal at pagsasakripisyo ni Jose Rizal sa bansang Pilipinas.
*Papel para sa Komm3 (Disyembre 29 2010)