Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Wednesday, January 26, 2011

Good moning world,

Please be better today than yesterday and last year.

Love, Y

Later,

Please be better than yesterday.

Dear you,

You have us. So please stop worrying.

Love, Y & God

Kritik sa dalawang tula

Bulaklak sa Tabi ng Daan

Katulad ng sinasabi tungkol sa expresibong teorya, nahuli ng may-akda ang kanyang matinding pakiramdam sa sandaling nakita niya ang hubad na bulaklak sa daan. Kung iisipin, sa panahon ngayon, wala na o kakaunti na lamang ang maaaring maakit sa kagandahan ng isang nag-iisang bulaklak sa daan, subalit sa kahusayan ng may-akda’y naisulat niya pa ang damdaming pumaloob sa kanya nang nakita ang bulaklak. Kaya sa aking palagay, pumapasok ang katangiang ito ng akda sa isang katangian ng ekspresibong teorya – ang paghuli sa emosyong sumakop sa may-akda sa isang sandali.

Hindi rin pangunahing layunin ng tula ang maghatid ng mensahe, sapagkat nakapokus ito higit sa nararamdaman ng may-akda habang nakikita o pagkatapos makita ang bulaklak. Kung mayroon man akong napansing mensahe, maliit na bahagi lamang iyon mula sa ikalawang saknong.

“Ang mundo at ako’y naniniwalang

Lahat ng bagay ay may kamatayan;

Ngunit noong araw na nahuli ko

Ang maliit mong matang kumikinang –

Nalaman kong di lahat ay may katapusan.”

Ang pagkahinuha ko sa saknong na ito’y ang paniniwala ng persona’y lahat ay nawawala, subalit sa pamamagitan ng bulaklak natuklasan niyang hindi pala. Sapagkat sa kabila ng kaguluhan at kasamaan sa mundo’y may mga bagay na mananatiling buhay at hindi matutuldukan ang likas na kagandahan.

Sa aking pagsaliksik ukol sa simbolismo ng bulaklak, maaari pala itong magpatungkol sa kababaihan[i] o di kaya’y sa pag-ibig. [ii] Sa pagbabasa ng akda, tila nakita ko na maaaring pinatutungkulan ng persona sa bulaklak ay ang pag-ibig – ang pag-ibig na dahil sa mga kadiliman ng mundo’y naisasantabi ang kakayahang bumuhay ng nalalantang kaluluwa. Maaari ring tinutukoy nito ang mga babae na may kakayahang bumuhay o magpatagal ng buhay ng isang tao dahil sa pagiging mapagmahal at maalaga nila.

Sa kabilang banda, naipinta ng may-akda sa aking isipan ang imahen ng bulaklak na nag-iisa sa gitna ng daan. Ginamit niya ang imahinasyon upang maihayag ang kanyang nararamdaman hinggil sa bulaklak na ito. Maliban dito’y, kahit anong hukay ko sa maaaring implikasyon ng tula, o anumang mensahe o aral na nais iparating, ay wala akong napulot. Sapagkat higit na nagpokus ang may-akda sa pagsasalarawan ng bulaklak, at ng naging epekto ng bulaklak sa kanya, at walang ibang taong higit na pinahalagahan sa piyesang ito kundi ang may-akda mismo.

Ang mga dahilang ito ang nagpapatunay na akma ang akdang ito sa teoryang romantisismo.

Lilim

Romantisismo nga ba ang tulang ito?

Sa unang pagbasa’y nahirapan ako, sapagkat hindi ako pamilyar sa ilang salitang ginamit. Subalit hindi naman ito naging hadlang upang hindi ko mapakilos ang aking isipa’t imahinasyon.

Ang pagpili ng mga imahen sa tula ay aking ikinamangha. Karaniwang nakikita ang mga elementong ipinasok dito tulad ng mga halaman, sinag ng araw, at lilim, subalit kahanga-hanga sapagkat nakapagbigay ang may-akda ng bagong representasyon o pananaw mula sa sandaling ito. Muli niyang iginuhit ang larawan, ngunit ngayon ay sa bagong anggulo. Dahil hindi lamag basta ilinarawan ang eksena, mas naging kapanapanabik ito.

Ang nabanggit na katangian sa itaas, para sa akin, ay isang malaking sangkap kung bakit ikinatuwa ko ang pagbabasa ng tula. Iniwan akong namamangha – muli dahil sa mahusay ng paglaro ng may-akda sa kanyang imahinasyon at sa karaniwang imahen. Iniwanan din akong nag-iisip ng tula.

Nag-iisip dahil napansin kong napakahalaga sa tula ng mga mensaheng nais nitong iparating. Kumabaga, diskurso’t pagbibigay-aliw ang naging pokus ng akda.

Ilang puntos na nais kong linawan. Ang aking pagkaaliw ay hindi labis kumpara sa aking inaasahan. Siguro dahil sa seryoso ang pamagat at simula, at ang bandang kalagitnaan nama’y tila nagtataray at nangungumbinse, at ang panghuli’y panunumbat at pangungutya ng persona.

Kung isa nga itong tulang romantiko, bakit sa aking pakiramdam ay tila napakarami nitong nais ipahayag na mensahe? Maliban dito’y ang atmospera ng tula’y tila napakaarogante at maalam. Ang resulta tuloy naging katakot-takot ang akda dahil sa mga pambabanta nito at matapang na pagpapalakas sa loob ng uhay.

Subalit ano nga ba itong ilang mga mensaheng napulot ko sa tula?

Una, maaaring patungkol ito sa kapangyarihan ng malalakas at kawalang-pag-asa ng mahihina. Ang puno ng mangga, bilang simbolo ng malalakas na tao’t makakapangyarihan, ay nagkalat sa paligid. Gahigante ang kanilang mga negatibong impak sa mahihina’t walang laban. Winawasak nila ang buhay ng mga ito, maging ang kanilang mga panaginip at pangarap. At naiincorporate pa rin mapasahanggang ngayon ang mensaheng ito.

Ikalawa, minsang ikinonsidera ko rin ang pagiging simbolikal ng puno ng mangga. Maaari rin kasi itong kumatawan sa mga kakulangan, karanasan, at kapahamakang naranasan ng isang tao. Dahil sa labis na pagkalunod ng isang tao sa kanyang mga pagkakamali’t kasalanan, hindi na siya makabangon dahil sa “lilim” o dahil sa takot na mawalan ng kapupuntahan ang anumang gagawin niya. O dahil simpleng, napanghinaan na siya ng loob dahil sa napakaraming balakid sa kanyang mithiin.

Ikatlo’t panghuli, kung ipapasok ang piyesang Panitikan sa Kaisahan ng Bayan, maaaring maging simbolo ng uhay ang Pilipinas o mga Pilipino, na miminsan lamang maipakita ang taglay na kagalingan dahil sa pagharang ng mga mapandominang Amerikano. Maaaring makapagpukaw ang tula ng mga Pilipinong mapasahanggang ngayon ay nananatiling nakakabit sa buntot at anino ng mga Amerikano. Ang lilim naman ay maaaring kumatawan sa kapangyarihang ginagamit ng mga Amerikano sa pagsikil sa “tunay” na kalayaan ng Pilipinas. At maaari lamang malabanan ang lilim na ito kung tutubo nang lubusan ang uhay, o uusbong mula sa mga Pilipino ang kanilang mga pusong makabayan.

Sa kabuoan, tinutulak ng tula ang uhay na tumubo at lumaban, sapagkat walang karapatan ang anumang bagay na durugin ang buhay at pangarap niya. Nariyan din ang pag-aalipusta ng tula sa kawalan ng damdamin ng puno ng mangga.

Dahil nakapagbibigay ng mga makabuluhan at mabubuting mensahe ang akda, gayon ding kahit papaano’y nakapang-aaliw, sa palagay ko’y maaaring mas maging akma ito sa teoryang Pragmatiko, mga tulang nagbibigay ng aral at aliw, sa halip na Romatisismo.

Tuesday, January 11, 2011

Luzz na tologo

Good morning, world. Be good to me later. :*

Pinaglahuan Critic Review

Pinaglahuan ni Faustino Aguilar

Timeless. Ito ang pinakamahalagang katangian ng nobelang isinulat ni Faustino S. Aguilar na Pinaglahuan. Kung hindi lahat, karamihan ng mga pangyayari sa nobela ay kasalukuyan pa ring nagaganap sa Pilipinas. Ipinahihiwatig ng nobela ang mahigpit na paghawak ng mga Amerikano sa leeg ng mga Pilipino, at ang pag-inog ng mundo para sa at dahil sa salapi.

Napaka-makatotohanan at kaantig-antig ng mga eksena sa nobela; ito rin marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit ito nagawaran ng National Book Award.

Binulag ng Pag-ibig

Pag-ibig. Ito ang konseptong nagpa-galaw sa nobela.

Una, ang mundo ni Luis na umiikot dahil sa kanyang wagas na pagmamahal kay Danding at sa kanyang bayan. Ikalawa, ang mundo ni Danding na umiikot sa pagmamahal niya kay Luis at sa kanyang pamilya. Ikatlo, ang mundo ni Don Nicanor at ng kanyang mga kaibigan na umiikot sa pagmamahal sa salapi’t karangalan. Ikaapat, ang mundo ni Rojalde na umiikot sa pagmamahal sa salapi at kay Danding. Ikalima, ang pagmamahal ni Mr. Kilsberg sa kanyang sarili’t salapi. Panghuli, ang pagmamahal ng mga tauhang dukha sa kani-kanilang mga kapamilya. Ang lahat ng ito ang nagtulak sa mga tauhan sa kanilang kasalukuyang kinasasadlakan. Kung sisilipin, ang iniibig ng karamihan ay may kaugnayan sa salapi. Ang pagmamahal sa salapi ang higit na ilinarawan ni Aguilar sa nobela. Ipinahayag din niyang tila wala nang bagay o tao sa mundo ang hindi mabibili ng salapi. Kaya’t halos karamihan ay umiibig sa salapi, sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng kaligayahan at kabuhayan.

Sa kabilang banda, ang pagibig ng mga dukha sa kani-kanilang mga kapamilya ay walang kaparis. Ipinakita sa nobela na mabahiran man ng kasamaan ang kanilang pagkatao’y lalaban sila upang mapatunayang tao pa rin sila, at nagmamahal sila nang tunay. Isang halimbawa ang nakasalamuha ni Luis sa bilangguan, sa pahina 300 na pinagdamutan sa kuwarta ng kanyang panginoon.

“Ako po, aniya, ay pumatay, ngunit ang pinatay ko’y isang mayamang sagana sa lahat ng bagay na nang dulugan ko’t hingan ng kaunting maipapakain sa aking mga anak ay minura pa ako’t tinampalasan... Sa bulsa niya’y naririnig kong lumalagusaw ang salapi na pinakakalansing pa mandin samantalang aking pinagmamakaawaan. Ang tinig na malumbay ng nagugutom kong bunso at tila narinig kong nagsasabing, ‘Tatay, kanin, kanin,’ at ako’y di nakatiis... at halos walang kamalayan sa ginawa na nakita ko na lamang na tigmak sa dugo ang hawak kong patalim... Ako’y dinakip at hinatulang bitayin...”

Ang pangyayaring ito ay isang masaklap na kabalintunaan sa kabila ng matinding pagkayod ng mga mahihirap sa buong araw. Wala pa rin silang sapat na makain at maipakain sa kanilang pamilya. Wala pa ring saysay ang buong araw nilang pananahimik sa mga matatalas na pag-uutos at pagmumura ng kanilang mga panginoon. Wala pa ring saysay ang buong araw nilang pagtitiis na hindi ngumuya ng kahit anong pagkain upang maibigay ang kikitaing pera sa kani-kanilang pamilyang nagugutom na’t may mga sakit. Wala pa ring saysay ang buong buhay nilang pagkayod dahil ni minsa’y hindi sila nadikitan ng pag-unlad. Wala pa ring saysay ang pag-alok nila sa mundo ng kanilang mga isipan, katawan, kakayahan, kagalingan, at kaluluwa, dahil malutong ang pagsampal sa kanila ng mundo na ang tanging magpapainog dito higit sa anuman ay ang salapi. Wala nang makatutumbas pa sa kapangyarihang maidudulot ng salapi.

Higit na luminaw ang pinag-ugatan ng mga nangyayari sa lipunan sa pahina 299 hanggang 300 mula sa salaysay na ito.

“Sa pitong buwang pagkapiit niya ay nakadama ng sarisaring hirap, nakapagsapalad ng mga damdaming api, nakapakibuhay sa mga taong wala nang paniwala, at doon niya napagtitibay na lalo na ang madalas ipagkasala ng tao ay ang kaalanganan sa kalagayan, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay, at ang mga pagkagipit na bunga ng masasamang palakad sa pamumuhay...”

Ipinahiwatig sa bahaging ito ang pagguho ng sense of moral values ng mga taong nakasinghot ng tagumpay dahil sa salapi. Halos lahat ng makapangyarihan at mayayaman ay nakontrol na ng kanilang mga salapi, na maski kakapiranggot na awa’y hindi na nila maibigay sa mga taong nagugutom, maysakit, o mamamatay na.

Ang pinakamagandang halimbawa ay si Mr. Kilsberg, isang mangangalakal na gahaman sa mga natatanggap niyang grasya. Dahil sa kanyang takot na maubos ang lahat ng kanyang pinaghirapang kuwarta, agad-agad siyang napaikot ng tusong si Rojalde ukol sa kaulolan na pinaggagawa diumano ni Luis. Ipinakita kung paanong ang kanyang isipan ay unti-unting napurol ng dahil sa kasakiman at kasamaan, na nag-ugat sa labis na pagmamahal sa salapi. Binulag nito ang tamang pag-iisip ni Mr. Kilsberg, na kahit maliit na halagang hinihingi ng mga nagugutom na empleyado ay hindi niya maibigay. Hindi na niya matrato bilang mga tao ang kanyang mga tauhan.

Ang mga katulad ni Mr. Kilsberg ay unti-unting binulag ng kanilang lunggati na maparami ang kanilang salapi, dahil sa kanilang palagay, kung kakaunti ang kanilang salapi’y maliit lamang din ang kanilang dangal at pangalan. Iyon ang ipinakita ng katauhan ni Don Nicanor na dahil sa kahihiyang idudulot ng hindi pagpapakasal ni Danding ay masasadlak ang kanyang pangalan sa putik. Kaya sa halip na unahin ang pamilya’y nagpaalipin siya sa utang niya kay Rojalde. Inuna niyang inisip ang kahihinatnan niya bago ang kaligayahan ng nag-iisang anak. Natakot siyang bumaba ang pagtingin at respeto sa kaniya ng kaniyang mga kababayan.

Nariyan din ang pagmamahal ni Rojalde kay Danding at sa kanyang salapi. Isang malaking parikala ang ipinakita ni Aguilar sa bahagi kung saan nagpapagawa ng magarbong bahay si Rojalde para kay Danding, habang ang mga taong nagsisilbi sa kanya ay hindi niya mabahaginan ng maayos na tirahan. Dahil sa pagpapakasasa ni Rojalde sa pansariling kaligayahan ay hindi na niya makuhang isipin pa ang mga taong nagpapakahirap magsilbi sa kanya araw-araw. Hindi niya mabigyan ng maayos na tahanan si Matandang Simo at sapat na makakain si Roman.

Kung ilalagay sa kasalukuyang panahon, totoo ngang nagaganap pa ang ganito sa lipunan ng mga nakatataas na uri ng tao. Sa halip na ipamahagi sa mga mahihirap ang sobra-sobrang biyaya, palalaguin nila ito sa pamamagitan ng mga negosyo’t pasugalan. Paminsan-minsan upang makamit ang hinahangad na mataas na karangalan, respeto, at pangalan sa lipunan.

Ang mga nabanggit ay ilan sa mga kadahilanan kung bakit si Luis ay hindi nabigyan ng pagkakataong mapatunayan ang kanyang pagmamahal kay Danding at sa bayan. Tila sinimbolo ni Luis ang bansang Pilipinas sa istorya na dahil sa kawalan ng kapangyariha’t lakas ay humantong sa isang mundog lahat ay huwad. Katulad ng pagbihag ng Amerika sa Pilinas, salat din sa pera si Luis kaya madali siyang nabihag at napasunod ng mga naghaharing-uri. Subalit sa kabila noon ay mayroon pang tsansa para sa pagbabago, iyon ay ang ulilang anak ni Luis, at ang mga Pilipinong ipapanganak pa lamang. Sila ang maaaring magdala sa Pilipinas sa tunay na kalayaang nais makamtan.

Huwad na Kalayaan

Malaya na diumano ang Pilipinas. Ito ang ipinalalaganap at sinusubukang maipadama ng mga Amerikano sa mga Pilipino sa nobela. Simula nang mapalaya diumano nila ang Pilipinas mula sa mga malulupit na kamay ng Espanya, tunay na diumanong makakamit ng Pilipinas ang minimithing pagkakakilanlan at kalayaan.

Subalit ang ipinahiwatig sa nobela ay kabaliktaran ng inaasahan. Unang-una itong ipinakita sa pagpupulong ng bayan na ginanap sa Cervantes. Nauna nang pinayagan ng may-ari ng teatro na matuloy ang pagpupulong, subalit dahil sa takot na masangkot sa anumang gulo, binawi niya ang ang desisyon ng pagpapahiram sa Dulaang Opera.

Ang pangyayaring ito’y isang manipestasyon ng huwad na kalayaang mayroon ang Pilipinas mapasa-hanggang ngayon. Oo nga at binigyan tayo ng demokrasya sa malayang pagpapahayag, pagtitipon, pakikisangkot, at iba pa, subalit kapag umabot sa puntong makahahadlang na tayo sa mga plano ng gobyerno, ipatitigil na nila ito. Sa kasalukuyan ay nagaganap din ito, halimbawa ang pagbobomba ng tubig sa mga raliyestang diumano’y nakahahadlang sa maayos na daloy ng trapiko, o dili kaya’y ang pagbibigay ng death threats sa mga mamamahayag na ginagawa ang kanilang katungkulan. Sa madaling sabi, maaari lamang magsalita nang walang nakaririnig, o gumawa ng aksiyon nang walang nakakakita, dahil buhay ang kapalit ng paglaban sa gobyerno.

Samakatuwid, kalayaang huwad lamang ang ihinandog ng Amerikano sa mga Pilipino.

Personal na Karanasan

Ang aking personal na karanasan naman sa pagbabasa ng nobela ay medyo mahirap marahil dahil sa wikang ginamit na may katandaan at kalayuan sa aking kinalakhang wika. Maliban doon ay ikinatuwa’t ikinalungkot ko ang pagiging mabulaklakin manunulat ni Aguilar. Ikinalungkot dahil paminsan-minsan ay dahil sa labis na pagpapaliwanag ay nababagot akong ipagpatuloy ang talata dahil tila nakuha ko na ang kabuoan ng mensaheng nais niyang iparating. Ikinatuwa ko naman dahil nabigyan niya ako ng inspirasyon o bagong teknik sa pagsusulat. Ang pinakahinangaan kong bahagi ay noong ilarawan niya ang kahabag-habag na nararamdaman ni Danding dahil sa pilit na pagpapakasal nito noong nasa tahanan sila, at noong ilinararawan ang simbahang dapat ay may kabaong. Nabigyan ng mas malalim na pagpapalawig ang emosyon ng mga babae; mas naging katakot-takot at kapani-paniwala ito. Dumadagdag din sa pagpapatindi ng naratibo ang pagpili ni Aguilar ng mga salita na dahil sa tugma ay nagkakaroon ng tunog ng tulad sa balagtasan.

Maliban dito, piksiyonal man, kapansin-pansing pinaghandaan ang akda. Gamay ng may-akda ang pasikot-sikot sa mundo ng mga nakatataas at nakababang uri sa lipunan noong panahon ng mga Amerikano.

Nakahahanga kung paanong sa mga simpleng detalye ay naipakikita’t naipalalabas niya ang tunay na pag-uugali at estado ng mga Amerikano sa Pilipinas. Halimbawa riyan ang initan at bangayan ng Amerikano’t Ilustrado sa isang bar. Maiksing bahagi iyon na nagpapahiwatig sa mga mambabasa na hindi porket may kayamanan ang isang Pilipino ay tunay na siyang malaya’t makapaghahari. Sapagkat mayroon pa ring sasanggalang sa kanilang mga hangarin at kalayaan, at iyon ay ang mga mapanikil na Amerikano.

Nakitaan ko rin ng mataas na pagtingin ang akda para sa mga kababaihan. Ipinakita nito na hindi lamang ang mga kalalakihan ang maaaring makatulong sa pagbabago. Maging mga kababaihan, na hindi lamang madalas mapansin noon dahil sa kanilang pagiging tahimik at mahiyain, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga susunod na henerasyon ay magiging malaking instrumento para sa pagbabago.

Ang kabuoan ng akda ni Aguilar ay kinakitaan ko ng panghihikayat sa lahat ng klase ng tao sa lipunan na maghimagsik at lumaban para sa karapata’t kalayaan. Ito ang klase ng pagkakaisa na hindi sinisilip ang uri at kasarian ng tao. Babae man o lalaki, mayaman o mahirap ay hindi inaalintana ng paghihimagsika na ito sapagkat ang tanging kahingian ay ang kanilang pagka-Filipino. Ipinahihiwatig ni Aguilar na bawat Pilipino ay may magagawa para sa pagbabago. Tulad ng walis tingting na kailanman ay hindi mabubuo kung hindi magsisimula sa isa hanggang sa ito’y dumami’t lumakas. Kung paano muling makatatayo ang Pilipinas ay nasa kamay ng lahat ng Pilipino.

Ang nobelang ito ay siguradong makapaga-alab at makapagpapalakas pa sa damdamig makabayan at makapagpapamulat ng mga pusong-tulog ng samabayanang Pilipino. Sa palagay ko’y dito pumapasok ang kahalagahan ng panitikan bilang instrumento ng kaisahan sa bayan. Sa palagay ko rin, may kapangyarihan ang Pinaglahuan na mabigkis ang liping matagal na panahon nang pinaghiwa-hiwalay ng mga malulupit na dayuhan.