KUNG PAANO NATUTONG UMAWIT SI FATIMA
Ariane Gale D. David
MGA TAUHAN
FATIMA DELA CRUZ– 19; katulong sa Mansion ng Celestino.
KOKO SANTOS– 24; pahinante sa Celestino Ice Plant.
JABBAR CELESTINO– 53; boss nila Fatima at Koko; negosyante at talent manager.
LIEZL CELESTINO – 32; anak ni Jabbar; abogada.
GRACE – 41; isa sa mga pinakamatandang katulong sa Mansion.
FELISA – 46; maraming sideline; patay na dahil sakanser sa baga.
AMA NI FATIMA – 53; lasenggo.
LILY – 43; tiyahin ni Fatima; nag-aalaga sa dalawa pang kapatid ni Fatima
CONCHANG – 25; katulong sa mansion
1. INT. HARDIN. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Nakatutok ang spotlight kay Fatima. Labis ang paghanga ng mga nakikinig sa kanya. Bawat paghinto ng awitin ay pinapalakpakan siya.
FATIMA
See me as if you never knew. Hold me so you can't let go. Just believe in me.
I will make you see. All the things that your heart needs to know...
Nagahahanda nang bumirit si Fatima. Aliw na aliw ang mga manunuod sa kilos at alindog niya. Mas lumalabas ang kagandahan niya pag namimilipit ang mukha niya sa pag-awit. Subalit may sumabay sa kanya.
MATANDANG LALAKI
I'll be waiting for you. Here inside my heart. I'm the one who wants to love you more. You will see I can give you. Everything you need. Let me be the one to love you more.
Nakilala ni Fatima ang boses. Tila nakilala rin ng mga taga-pakinig ang nagmamay-ari ng boses. Isang iglap, nagbulungan ang mga tao. Harap harapan nilang kinutya si Fatima. Hindi natin naririnig ang boses nila.
Ang kaninang maganda at buong boses ni Fatima ay unti unting magiging maliliit na iyak at paghihingal.
CUT TO
2. INT. KUWARTO NG MGA KATULONG. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Ang kamera ay naka-topview sa mukha ni Fatima. Natutulog siya’t umiiling. Bubukas ang takot na takot niyang mga mata. Sasapoin niya ang kanyang wristwatch na nakapatong sa lamesita. Maaaninag natin ang kaunting pasa at galos sa kanyang braso’t bisig.
3. INT. ISANG SILID SA MANSION NG CELESTINO. TANGHALI.
Nagpaplantsa si Fatima, tagaktak ang pawis niya. Tambak pa ang mga plantsahin niya. Papasok si Grace bitbit ang ilan pang polo’t pantalon ni Jabbar.
GRACE
Bumaba ka na’t mananghalian. Kanina ka pa nagtatrabaho. Nasa baba na ang iba nating kasamahan.
FATIMA
Mauna na ho kayo, busog pa ako.
GRACE
Mag-iisang buwan ka na dito, pero di ka pa ata namin nakasabay kumain. Kumakain ka pa ba?
Tahimik pa rin si Fatima. Lalapit si Grace sa mga natupi’t naplantsa na damit ni Fatima. Sasapoin niya ito.
GRACE
Magaling ka talagang magtrabaho. Malinis, maayos.
FATIMA (nasa isip lamang niya, voice-over)
Kelangan perpekto e, pag hindi, s’an na lang ako pupulutin?
GRACE
Siya nga pala, halos gabi gabi kang binabangungot a.
Mababagabag ang itsura ni Fatima. Didiin at bibigat ang pagplantsa niya. Pagkatapos ay ibubulsa ang pakete ng sigarilyong nakapatong sa gilid ng kabayo.
FATIMA
Sanay na po ako. Sandali, lalabas lang ako.
GRACE
Di ba yan ang ‘kinamatay ng ina mo?
FATIMA (titingnan ang pakete ng sigarilyo sa kamay)
Ganyan ko kamahal ang ina, gusto ko na siyang makasama.
4. INT. HARDIN. MANSION NG CELESTINO. HAPON.
Lilibot muna ang kamera sa hardin. Makikita rito ang iba’t ibang mamahaling bulaklak, halaman at puno. Mangingibabaw sa ihip ng hangin at bumabagsak na tubig mula sa fountain ang tinig ni Fatima. Nagdidilig siya. Ito ang pinakapaborito niyang gawaing-bahay. Sentimental siyang aawit dahil sa memory ng ina niya.
FATIMA
...There were days when the sun was so cruel, that all the tears turned to dust, and I just knew my eyes were drying up forever. I finished crying in the instant that you left...
Si Koko, pabalik na sa trak, ay mapapalinga sa loob ng hardin. Halata sa kanyang mukhang na-hihypnotize siya ng boses ng dalaga. Kaya lalapit siya kay Fatima nang tahimik.
KOKO
Bakit pag maaabutan kita, lagi ka na lang umaawit? ‘Kala mo ba di ka nakakabulabog niyan, ha?
Mapipilitang lumingon si Fatima at iismid. Padabog na lilipat s akabilang halaman at magmamadali sa pagdidilig.
FATIMA (pabulong)
Stalker, tsk!
KOKO
Anong chalk?
FATIMA (pabulong)
Stalker na nga, bingi pa.
KOKO
Magtatanim na lang ako ng kamote no, kaysa i-stalk ka no!
FATIMA
Syor, why not, tutal muka ka namang palayan e. Masukal.
KOKO
Ikaw muka kang..muka kang.. (tititigang mabuti si Fatima) kamuka mo si Celine Jon. Maliban lang sa marami siyang taga-hanga, ikaw taga-hanga mo mga cactus.
FATIMA
Utot mo. Celina Jon, Celine Di-yon kasi! Kamuka ko raw, e di mo nga kilala. Pretender!
KOKO
Parehas lang ‘yun! (patlang) ‘Wawa naman mga magulang mo. Siguro lagi mo silang nasasaktan, parang pusalian kasi bibig mo e, kung anu-anong kabalahuraan ang laman!
FATIMA (sumeryoso)
Di ko pa kailanman sinaktan ang ina ko no. Napakabuti niya sa akin. Naglako siya ng kakanin, barbeque, lugaw, abaniko, gulay, at kung ano ano para mapakain kami. Umawit siya magdamag sa mga restawran para sa ekstrang sahod. Kaya di ko masasaktan ‘yun no!
KOKO
Sino ba naman kasing di maghihirap para buhayin ka?
Tatahimik lang si Fatima at magpapaalam na.
KOKO
Saka nga pala, sa ‘kin ka na magpaload a.
FATIMA
Bagong sideline? Pang-ilan na yan? Baka mas yumaman ka pa niyan kesa kay Boss Jabbar a.
KOKO
Alam mo naman kung bakit ako kumakayod e. Wag ka nang mainip. Pag nakaluwag ako, mag-dideyt na talaga tayo!
FATIMA
Mukha mo. Asa namang sumama ako sa uhuging tulad mo!
Iritableng maglalakad paalis si Fatima.
5. EXT. KALYE NG PAG-ASA. UMAGA.
Ang unang shot ay sa mag-amang masayang bumibili ng taho. Lilipat ang kamera kay Fatima na may bitbit na bayong, galing ng palengke, nakatitig sa mag-ama, at walang ekspresyon. Mag-zuzoom out ang kamera at makukuhanan si Fatima kasama ang mga nag-iinuman sa kanang bahagi ng kalsada. Lilipat ang tingin ni Fatima mula sa mag-ama patungo sa mga nag-iinuman. Maaagaw niya ang atensiyon ng mga ito. Titigan siya ng mga ito. Yuyuko siya. Susutsutan siya ng mga lalaki. Matatakot siya at magmamadali sa paglalakad. Maririnig niya ang tawanan ng mag-amang bumibili ng taho.
ISANG LALAKING MANGINGINUM
Ganda ganda, balik ka dito ganda!
Maririnig niya ang mga hakbang ng mga lalaki na tila hinahabol siya. Lalo siyang magmamadali.
ISA PANG LALAKING MANGINGINUM
Bilisan natin para maabutan natin si ganda!
Magdidissolve ang eksena sa kamerang nakatutok kay Fatima habang tumatakbo. Magbiblur si Fatima at lilinaw ang background niya. Malalaman nating hindi pala siya ang sinusutsutan at hinahabol ng mga lalaki. Kundi iyong batang tisay pala na kanilang linalaro.
CUT TO
6. INT. KOTSE NI LIEZL. KALYE NG PAG-ASA. UMAGA.
Ibababa ni Liezl, anak ni Jabbar, ang kanyang cellphone nang makitang kumakaripas si Fatima. Babagalan niya ang pagtakbo ng kotse’t bubusinahan niya si Fatima. Pasasakayin niya si Fatima.
LIEZL
Okay ka lang ba? Abutin mo yung tubig sa likod at inumin mo. Ano nangyari?
Makikita pa rin natin ang takot at panginginig ng katawan ni Fatima. Hihinga siya ng malalim at pakakalmahina ng sarili.
FATIMA
A, ano po, a, e, may ano, aso, ang laki po kasi, ta’s ang bilis tumakbo.
LIEZL
A so may phobia ka pala sa aso. Next time mag-ingat ka na a.
Matatahimik silang dalawa. Bubuksan ni Liezl ang stereo. Pipindutin ang CD na button at aawit ang My Heart Will Go On ni Celine Dion. Magugulat si Fatima sa awitin, sisilipin niya ang kanyang relo, at biglang magkukwento si Liezl.
LIEZL
Mom’s fave song.
Nakatingin sa malayo si Liezl habang nagmamaneho. Tila malalim ang iniisip.
FATIMA
Miss niyo na po siya.
Ngingiti si Liezl at babaan ang volume ng stereo.
LIEZL
Bata pa lang ako nung nag-divorce sila ni Dad. E since bata pa lang ako nun, wala pa akong special memories with my Mom kaya di ganun kasakit nung nalaman kong titira na siya sa States for good. But my Dad, siya ang naapektuhan ng todo. Nagsuffer talaga siya. Kaya kung medyo aware ka, maraming business si Dad. Dun niya dinivert ang attention para makalimutan si Mom. Pati na rin sakin. Kaya nang hilingin ni Dad na mag-lawyer ako, tinupad ko talaga, para di ako makadagdag sa frustrations niya.
FATIMA
Nakakalungkot naman po pala...
LIEZL
Yes, especially yung alam mo yung napapanuod mo sa films? Yung pag may family day, tapos assistant or maid lang makakapunta kasi busy or wala ang parents. Tapos malulungkot at mainggit yung batang bida. Hay. I felt it. So many times already. (mapaklang ngingiti at hahalakhak upang mapagaan ang atmosphere) Sorry a if I’m saying these things to you. I just love talking and sharing my stories to other people.
FATIMA
Ayos lang po yun, sa totoo nga po, ang galing niyo po kasi nakapagtapos kayo, at partida pa po yun, lawyer pa! Solid!
Humalakhak silang dalawa sa pagitan ng awitin ni Celine Dion. Pero mababatid natin sa pekeng halakhak ni Fatima na may kumukurot sa kanyang damdamin.
7. INT. SILID NG MGA KATULONG. GABI.
Di makatulog si Fatima. Balisa siya. Sisindihan niya ang lampara sa lamesa. Makikita natin ang anino niyang kikilos at may aabutin sa ilalim ng kama. Tututok ang kamera sa larawan ng kanyang inang si Felisa.
FATIMA (voice-over)
Nay, si Liezl, baka matulungan niya ako, pwede kaya yun? Ang galing niya, abogado, kelan ko kaya maabot ang pangarap ko, sana dumating yung panahon na yun....
Papalit sa larawan ng ina ang isang alaala ng nakalipas.
SPLIT FRAME
8. INT. PUBLIC WARD. KALIBO PUBLIC HEALTH CENTER. GABI.
Nakaratay ang ina ni Fatima. Nasa tabi niya niya si Fatima, kuyom nito ang kamay ng ina. Alam nilang maikli na lamang ang buhay ni Felisa.
FELISA (hirap na hirap)
‘Nak, ang paborito kong awit.
Palalakasin ni Fatima ang loob. Hihinga ng malalim. Subalit kahit anong pigil ay manginginig ang kanyang basag na boses. Maririnig siya ng mga tao sa paligid niya. Pagtitinginan siya, pero wala na siyang pakialam.
FATIMA
...You're here, there's nothing I fear. And I know that my heart will go on. We'll stay forever this way. You are safe in my heart, and my heart will go on and on...
Nang makita ni Fatima na taimtim na pipikit si Felisa, ngumiti na lamang ito.
CUT TO
8-A. INT. TANGGAPAN. KALIBO PUBLIC HEALTH CENTER. GABI.
Ilang oras matapos, may inabot sa kanyang isang liham ang isang nars. Nakuha raw niya ito sa ilalim ng unan ni Felisa. Binuksan niya ito. Nung una’y nag-atubili dahil hindi sulat-kamay ng ina ang nakasulat dun.
FELISA (voice over)
Fatima, wag ka mawawalan ng pag-asa. Sasamahan kita sa pagtupad sa ambisyun mong maging singer. Alagaan mo ang mga kapatid mo’t ama. Umiirog sa imong lubos, Felisa.
Sa kabila ng blangkong ekspresyon ng mukha ni Fatima, ipinangako niya sa sariling gagawin ang lahat para maaalagaang mabuti ang mga kapatid at matupad ang kanyang pangarap.
9. EXT. LABAS NG MANSION. GABI.
Naka-upo si Koko sa gilid ng kalsada. Sinesecure niya ang dala niyang puto at RC laban sa pusang umaaligid sa tabi niya. Hinimas himas niya ang likod ng pusa na nagpakalma sa kaninang aligagang pusa. Bumukas ang gate, tumayo siya’t nag-ayos ng t-shirt. Basa pa ang buhok ni Fatima.
KOKO
O, paborito mo.
Tinanggap ni Fatima ang pagkain. Lumapit ang pusa sa kanya at hinagod ang pisngi nito sa kanyang paa. Kikilabutan si Fatima. Sinigawan niya ang pusa’t pinalayas.
KOKO
Huy, chill ka lang, pusa lang yan...
FATIMA
Ang lakas kasi ng loob idikit ang balat sa ‘kin e.
Hinagod ni Koko ang likod ni Fatima bilang senyales na pinakakalma niya ito.
FATIMA
Isa ka pa e (lumayo sa lalaki) teka ba’t andito ka ha?
KOKO
Wala masama bang mamiss ka?
Tititig lang nang masama si Fatima kay Koko. Pero mapapansin nating may pinipigil siya sa emosyon niya. Pinipigilan niyang kiligin.
KOKO
Taray mo talaga forevs! Siya nga pala ba’t mo ko hinahanap kanina?
FATIMA
(mawawala) ‘Yung ano, (mag-iisip) may alam ka pa bang sideline?
KOKO
Ikaw? Si Fatima Dela Cruz? Naghahanap ng sideline?
FATIMA
Oo e, basta wag yung Avon Avon o yung tipong kakausap ako sa maraming tao.
KOKO
Nagpapatawa ka ba? (hahalakhak) Oo nga nagpapatawa ka.. Baka lang talagang makahanap ka ng ganun. Baka lang talaga (halakhak)
Mapuputol ang halakhak ni Koko nang muling bumukas ang gate. Hinihingal na lalabas si Conchang bitbit ang bagong impakeng mga kagamita’t supot. Magulo ang buhok nito at nababalot ng takot ang mukha. Tutulungan siya ni Koko sa mga bagahe.
FATIMA
Ate, anong, bakit?
CONCHANG
Ano kasi e, may emergency sa, uhm, pamilya, kelangan ko agad maka-uwi, ayun, a, se, una na ako senyo.
FATIMA
Naku, gabing gabi na, ipagpabukas mo na lang kaya?
CONCHANG
Hindi!
FATIMA
(Nagulat) A a, ganun po ba, sige ingat po.
Mabilis na mabilis ang mga hakbang ni Conchang palayo sa mansion. Ang nangyari ay ikinakunot ng noo n Fatima at ikinakamot ng ulo ni Koko.
10. INT. KUWARTO NI JABBAR. UMAGA.
Nakapokus ang kamera sa salamin, naroon ang repleksiyon ni Liezl. Nasa likod niya umiikot at tarantang naglalakad si Jabbar.
LIEZL
Bakit kailangang gan’to pa, Dad? Why don’t you find a stable partner na lang?
JABBAR
You know I can’t and I don’t want to!
Tatalikod sa kanyang ama si Liezl. Mapapatigil sandali.
LIEZL
Pero bakit, bakit, bakit.. Fuck! Pa’no ka nga pala makakahanap, e fuck, ito rin ang mismong dahilan ba’t nakipagdivorce sa’yo si Mom! Ang hirap sa ‘yo, you feel you’re in control of other peoples’ lives. You feel na kaya mo silang imanipulate e! Kaya pati si Mom, (patlang) fuck naman Dad o.
JABBAR
Hindi ako ganun sayo.
LIEZL
O yes? Oh okay. Thanks for reminding me. I almost forgot, lawyer nga pala ako. I can go against you Dad, but I can’t, and I won’t, kasi mahal kita e.
JABBAR
I love you too, my daughter.
LIEZL
Dad, alam mo kung gano kasakit sa ‘king lumabag sa batas, lumabag sa nagpapatakbo ng buhay ko, Dad. Pero tinutuloy mo pa rin ang ginagawa mo. What... Look, how about those innocent people? Nanahimik sila, nagtatrabaho lang sila for the lives of their family, kumakayod sila Dad! Imagine, Dad, maglalayas sila dito at di makakain ang pamilya nila dahil sa ‘yo? How can you take it ha?
Lalayo si Jabbar sa kanya, tatalikod, at tatakpan ang tainga, at uupo sa kama.
JABBAR
Okay, shut up now.
LIEZL
My God, paulit ulit na lang Dad. Napapagod na ako. Di ko sila kamag-anak pero at least kahit papa’no tinuturing ko naman silang mga tao. But you! Look at you, bakit mo tatanggalan ng virginity ang mga kawawang katulong, Dad?
11. INT. DINING AREA. TANGHALI.
Pagsasamahin ni Liezl ang mga kubyertos at mabilis na kukunin ang hand bag at tatayo. Tatayo rin si Jabbar, yayakapin ang anak at hahalikan sa pisngi. Malamig na lalakad paalis si Liezl.
Papasok si Fatima at mai-engrose sa nakita. Pagtataasan siya ng balahibo. Pero nang makita niya si Jabbar ay ngingitian niya ito. Badtrip man si Jabbar nang panahong ‘yon, di nakalagpas sa kanyang paningin ang malalaking dibdib ni Fatima.
12. INT. DINING AREA. HAPON.
Tatawagin ni Jabbar lahat ng kasambahay sa mansion at pakakainin ng dala niyang pizza’t spaghetti.
JABBAR
Sige pakabusog kayo, wag kayo mahiya a.
GRACE
Ano pong okasyon, sir?
JABBAR
Wala naman gusto ko lang kayong mapasaya. (ngingiti)
INTERCUT BACK
13. INT. MUSIC ROOM. MANSION NG CELESTINO. HAPON.
Lilibot ang kamera sa loob ng silid. Madadaanan nito ang apat na electric guitar, amplifiers, modern-type piano, cheetah-colored drum set, speakers, mikropono at mga koleksiyong album, CD at DVD ni Jabbar.
Makikita na natin ngayon si Fatima na maingat na pinupunasan ang malaking framed album.
INTERCUT BACK TO
12B. INT. DINING AREA. MANSION NG CELESTINO. HAPON.
Masayang masayang kumakain ang mga kasambahay. Magpapaalam na si Jabbar at papanhik.
GRACE ATBP KATULONG
Naku, maraming salamat po, Sir!
14. INT. HALLWAY NG IKALAWANG PALAPAG. MANSION NG CELESTINO. HAPON.
Matitigilan sa paglalakad si Jabbar. Maririnig niya ang isang nakapagandang tinig na tila naghi-hypnotize sa kanya.
FATIMA
...Sometimes i get lonely, and all i gotta do is to think of you, you captured something inside of me, you make all of my dreams come true...
Susundan ni Jabbar ang tinig.
15. INT. MUSIC ROOM. MANSION NG CELESTINO. HAPON.
Ihihilig ni Jabbar ang tainga sa pinto ng silid. Bago matapos ang awitin, bubukas angpinto at lalabas si Fatima. Maa-out of balance si Jabbar, at ibabalik rin niya agad ang poise matapos bumalik sa ulirat.
JABBAR
I-ikaw? Ikaw ‘yung umaawit?
FATIMA?
Po?
JABBAR
Ikaw nga? Oo ikaw nga, panong, sandali, bumalik ka sa loob ng silid.
FATIMA
Ha, e marami pa ho akong gagawin.
JABBAR
Bilis bilis! (sabay maingat na itutulak si Fatima patungo sa loob ng silid)
FATIMA
Pi-pero, sir! Sir!
16. INT. KUWARTO NG MGA KATULONG. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Hindi makakatulog si Fatima. Pero hindi tulad ng dati na balisa at tulala, ngayon ay malaki ang ngiti niya sa mukha. Kukunin niya ang larawan ng ina at kakausapin niya ito sa isipan.
FATIMA (voice-over)
Nay, grabe ganda nitong MP4! Hulog ng langit si Boss! Tas alam mo Nay, pinuri niya tinig ko, ‘yung parang sinasabi mo dati, yung parang pang-sirena raw. Maganda raw Nay tinig ko e, tas ano, talent manager pala siya! Tutulungan raw niya ako, grabe ano kaya yun, basta kung ano yun, di ko pa alam, basta ma, wag niyo ko pabayaan a?
Tatanggalin niya ang earphones sa tainga at ipapataong sa lamesita. Hahalikan ang larawan ng ina.
INTERCUT WITH
17. EXT. LABAS NG CELESTINO ICE PLANT. GABI.
Bibilangin ni Koko ang naipon niyang pera. Makikita natin ang pag-aalala sa mukha niya. Susuklayin niya ng kamay niya ang kanyang buhok. Mapapakibit-balikat na lamang siya.
18. MONTAGE.
Makikita ang iba’t ibang images ng pagliligawan nila Fatima at Koko: Nagdadala ang lalaki ng puto’t dinuguan sa mansion, mamimitas si Koko ng bulaklak sa hardin at ilalagay sa tainga ni Fatima, babasain ni Fatima ng tubig si Koko, magbabike silang dalawa sa labas ng mansion, sabay silang nagbubuga ng hugis pusong usok mula sa sigarilyo, magkukurutan at magkikilitian, magkokodakan, at iba pa.
19. EXT. KARAOKEHAN. HAPON.
Sa wakas, nailabas na rin ni Koko si Fatima. Matapos nilang kumain sa isang bar at restawran, dinala ni Koko si Fatima sa malapit na karaokehan, iyong maliit lang at makapagsosolo sila.
KOKO
Di pa rin ako makapaniwala nagdidate na tayo, parang panaginip.
FATIMA
Panaginip pa rin ba ‘to?
Hahalikan ni Fatima ang noo, pisngi at leeg ni Koko. Biglang mapapaawit si Koko.
KOKO
Kung ikaw ay isang panaginip, ohhh, ayoko nang magising....
FATIMA
Baduy mo, Ko. Sandali nauuhaw ako, anong gusto mo?
KOKO
Ako na ako na.
FATIMA
Minsan lang kita pagsilbihan, kaya maupo ka diyan.
CUT TO
Pagbalik ni Fatima inaawit na ni Koko ang Unchained Melody. Masayang-masaya ang tinig ni Koko. Paulit-ulit niyang binibigkas sa mga pauses ang...
KOKO
Mahal na mahal kita Fatima.
Pero si Fatima ay natigilan sa awitin. Nalaglag ang bitbit niyang baso. Nabasag ito. Lumapit si Koko sa kanya. Nakita nito ang mga bubog sa sahig.
KOKO
Ayos ka lang?
FATIMA
Bakit ‘yan ang kinakanta mo?
KOKO
E bakit hindi? Isa yan sa paborito ko.
FATIMA
Ampot, anong kinaganda niyan?
KOKO
Naku teka, dumudugo ang braso mo!
FATIMA
Dugo? Saan? Matagal na naghilom ang mga sugat ko. Bakit may bumabalik?
KOKO
Sandali relaks. Bago lang yan. Baka dahil sa nabasag na baso.
Hihilain ni Koko ang braso ni Fatima, sisipsipin niya ang sumisirit na dugo. Kakawala si Fatima sa pagsisipsip ni Koko.
FATIMA
Sanay ako sa dugo, pabayaan mo ako. Ah, ah! Aray!
Nakapokus ang kamera kay Fatima at sa problemado niyang mukha.
FATIMA
Patayin mo na ‘yung kanta, pakiusap naman o. Pakiusap.
KOKO
Sandali ito na. (titigil ang musika) Teka, ano bang nangyayari?
FATIMA
(magsasawalang-kibo) Yosi, meron ka pa?
Kakapain ni Koko ang bulsa. Iiling ito kay Fatima. Kakapain din ni Fatima ang bulsa, ilalabas ang walang lamang pakete ng yosi.
FATIMA
Puta, ano bang buhay to, lagi na lang ba akong putang-inang mamalasin?
Uupo si Fatima. Ipapatong ang mukha sa dalawang palad. Magtataka’t mag-aalala si Koko sa inaasta ng dalaga.
KOKO
Sandali gusto mo bang kumain ulit, o baka gusto mo ng alak, gusto mo bang umawit?
FATIMA
‘Yung kanina mong inaawit, paboritong awitin yan ng Tatay, tangina lang, ang galing ng kapalaran, kasi yan din ang umaawit nung una niya akong ginahasa. Naaalala ko, naka-high note pa siya nung inaawit niya yun, habang pinapasok ako, ako sigaw ng sigaw, siya sayang saya sa ginagawa niya. Parang kabayo siya, ako kuting, walang kalaban laban.
Magigitla si Koko sa narinig. Mapapa-upo siya sa upuan sa tapat ni Fatima.
KOKO
Tatay mo? Gi-ginahasa ka?
FATIMA
Pero wala e, alam mo yun, nung panahong yun, nararamdaman ko lang na mahal ako ng Tatay pag, pag nasa kama... kami. Basta alam ko pagmamahal yung pag minamasahe niya ako sa likod at puwit, pag sinasapo niya suso ko, pag hinihilod niya ang binti ko, pag hinahagod ang puke ko, pag pinapasukan niya ng bote, lapis at kung anu-ano ang puke ko. Kaya pinabayaan ko siya. Tutal lagi naman siyang wala sa bahay at naglalasing. Inisip kong yun ang trip ng Tatay na bonding kasi yung iba kong kaibigan grabe ang oras sa kanila ng tatay nila e.
KOKO
Pota.
Ngingiti si Fatima. Makikita natin sa aura niyang ayaw na niyang umiyak, marahil pagod na siya at wala na siyang mailuluha pa.
FATIMA
Ano, pero mas nakakatakot ang tatay pag lasing, nananakit siya. Amoy na amoy ko ang alak sa kapaligiran nun, di ko naman alam na mas malakas ang tatay pag ganun ang amoy niya, kaya, kahit ano, nagpumiglas ako, wala, wala talaga akong nagawa. Gusto ko man siyang labanan, anong magagawa ko, pitong taong gulang lang ako nun?
KOKO
Pito?
FATIMA
Oo. Wala nang mas hahayop sa kanya, paulit ulit niya akong ginahasa, sinabi pang papatayin ang ina ko pag umamin ako sa kahit kanino, takot na takot ako nun, ramdam kong ako lang mag-isa ang humaharap sa pinakamalaking delubyo ng mundo, kaya matapos nun, lumiit ang katawan ko, di na ako nagkakakain, di na rin ako pumapasok sa eskuwela, wala e, di ko kinaya ang kahihiyan, kaya kahit pagkanta sa entablado di ko magawa, ang pakiramdam ko kasi pagbubulungan nila ako at pandidiriian.
Nakatingin pa rin si Koko kay Fatima. Gulat at kino-compose ang sarili sa mga nalaman.
KOKO
Ang-ang ina mo? Nasan siya nun?
Mapapansin nating medyo humupa ang tensiyon sa mukha ni Fatima.
FATIMA
Kumakayod. Pero di ko siya masisisi, di niya rin nalaman. Kasi nung balak ko nang sabihin, na-diagnose ang kanser niya sa baga, tapos malala na raw ito, e ayoko namang ako pa ang alalahanin niya gayong mamamatay na nga siya. Di ba sabi ko sa ‘yo di nagkulang ang nanay ko sa pagmamahal at pag-aaruga sa ‘kin? Kaya pinili ko na lang na magsaya kami sa mga nalalabi niyang oras.
KOKO
Kanino ka humingi ng tulong, kung gayon?
FATIMA
Kay Tiya Lily. Kapatid siya ni Nanay. Sa kanya hinabilin ng Nanay ang dalawa ko pang kapatid. Napakabuti niya di niya ako pinabayaan. Tinanong din niya ako dati kung gusto kong sampahan ng kaso ang ama ko. Pinipilit pa nga ako e. Sabi ko, para san pa? Di na mababalik ang pagiging birhen ko.
KOKO
Nasan na ang ama mo ngayon?
FATIMA
Taga-siga na ng apoy sa impiyerno.
Yayakapin ni Koko nang mahigpit si Fatima.
FATIMA
Kaya nga sinusubukan kong ibalik ang sarili ko. Nawala ako sa mundo, Koko. Napag-iwanan ako ng panahon. Nakalimutan ko ang lahat lahat. Naging manhid ako. Kaya nga gusto kong maging isang mang-aawit, para kahit ninakaw na ng ama ko ang lahat lahat sa ‘kin, may maipagmamalaki pa rin ako at mapapaligaya ko rin ang ina ko.
Mas hihigpitan ni Koko ang pagyakap kay Fatima. Buong puso, buong pagmamahal niya itong yayakapin. Di niya ito bibitiwan. Dun lang magsisimulang magsisink-in kay Koko kung bakit madalas mag-isa si Fatima, bakit hindi nakakakain nang mabuti, kung bakit mailap at tila hirap makihalubiloat magtiwala sa kapwa, at kung bakit laging binabangungot.
Hahalikan ni Koko ang buhok ni Fatima.
FATIMA (pabulong)
Please. Wag muna tayong uuwi a.
KOKO
Pero, san kita, a, sige sige.
20. INT. CELESTINO ICE PLANT. GABI.
Papasok sila Koko at Fatima sa ice plant ng mga Celestino. Umuusok ang loob ng planta dahil sa sobrang lamig pero pinagpapawisan pa rin silang dalawa.
Dinala ni Koko si Fatima sa dulong bahagi. Pina-upo niya sandali. May kinuhang ice pick si Koko mula sa kanyang bag.
KOKO
Ito dapat regalo ko sa ‘yo para sa una nating date.
Inabot niya ang may kalumaan nang ice pick, pero mukhang mamahalin.
KOKO
Di mo naman magagamit yan palagi e, pero sobrang mahalaga lang niyan sa ‘kin dahil regalo pa sa ‘kin yan ni Boss Jabbar nung naawardan akong Employee of the Month.
Tinanggap ni Fatima. Ngumiti siya at yinakap si Koko.
FATIMA
Salamat, wag mo ko iiwan ha? Di ko makakaya.
KOKO
Di kailanman.
Matagal din silang matatahimik at magyayakapan.
FATIMA
Ramdam kong secure ako pag kasama kita.
KOKO
Galit ka pa ba? Gamitin mo na yan.
FATIMA
Ha?
KOKO
Ganito o.
Kukunin ni Koko ang icepick mula kay Fatima. Matapos nun ay magtitibag siya ng malaking bloke ng yelo. Matatalsikan si Fatima nang maliliit na yelo. Naramdaman ni Fatima na interesting ang ginagawa ng lalaki.
Sinubukan niya agad ito, at mariin niyang sasaksakin ang higanteng yelo.
21. INT. KUWARTO NG MGA KATULONG. GABI.
Nakapokus ang kamera sa tulalang si Fatima. Magzu-zoom out ang kamera at makikita nag buo niyang katawan na nanginginig.
22. INT. MUSIC ROOM. TANGHALI.
Tumutugtog si Jabbar gamit ang red na electric guitar. Kakaiba ang aura niya. May kakatok sa pinto.
FATIMA
Sir, ipinatawag niyo raw po ako?
JABBAR
Pumasok ka dito, iha.
Papasok si Fatima. Ma-aamaze siya sa itsura ng Boss niya. Tila nasa mid-20’s lang ito, at sobrang fresh ng itsura. Di niya napigilang mapalunok.
JABBAR
Naggaamit mo ba ang MP4? Ibigay mo sa ‘kin mamaya, dadownloadan ko pa ng mga music.
FATIMA
A sige po, salamat po sir, salamat po talaga.
JABBAR
Oh I remember, magpaganda ka mamaya, semi-formal I guess, may pupuntahan tayo.
23. INT. SALA. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Una nating makikita ang mga katulong sa kusina, sinisilip si Fatima na kakaiba ang itsura at postura. Nagtitsismisan sila. Makikita sa mga mata nila ang inggit.
Susunod nating makikita si Jabbar, naka-blue and red polo, bumababa ng hagdan, at mapapatitig kay Fatima.
Susunod nating makikita si Fatima. Ngingiti. Aangat ang likas na kagandahan. Hindi makapal ang make-up. Nakalugay ang itim na buhok. Nakasuot ng puting sleeveless na kumikinang at naka-jeans. Simple lang pero may dating.
24. INT. BAR AND RESTAWRAN. GABI.
Nagpunta sila Jabbar sa bar and restawran ng isang kaibigan sa Malate. Sosyal ang bar. May bilyaran ito sa kabilang gilid at may banda sa harapan.
May dumating sa table nila Jabbar na isang lalaking naka-polong itim, may itsura at tindig. Di malaman ni Fatima pero parang kinakabahan siya sa titigan ng dalawang lalaki.
LALAKI
Siya ba yun, Bar?
JABBAR
Oo, Neil, siya nga.
Lalong kakabahan si Fatima.
CUT TO
Makikita na lang ni Fatima ang sarili na umaawit sa harap ng bar.
FATIMA
You with the sad eyes, don't be discouraged, oh I realize...
Nung una’y mahina ang kanyang boses, pero nang makita niya ang affirmation ni Jabbar at ni Neil, pati nang mga gitarista sa tabi niya, ay tataas ang confidence niya at magsisimulang magpalakpakan at maghiyawan ang mga tao.
JABBAR
(sumesenyas ng palakpak)
FATIMA
I see your true colors, and that’s why I love you, so don’t be afraid to let them show your true colors, true colors are beautiful like a rainbow.
Mabubuhay ang kaninang mga bored na customers.
CUSTOMERS
More! More! More!
25. INT. MUSIC ROOM. HAPON
Kinabukan, matapos nilang magtungo s abar ay fresh na fresh na umaawit si Fatima. Si Jabbar ang tumutugtog ng beatbox para sa kanya. Titigil sila sandali at magpapahinga. Iaabot ni Fatima ang inumin kay Jabbar.
JABBAR
May nagsabi na ba sa ‘yong kaboses mo ang dati kong asawa?
FATIMA
Po?
JABBAR
Naaalala ko nga siya sa ‘yo e. Di ko alam, pero nahuhusayan talaga ako sa ‘yo. Gusto kitang alagaan at lalo pang hasain. Kaya wag mo kong bibiguin ha?
FATIMA
Opo naman! Maraming salamat po!
JABBAR (pabulong)
Gusto ko rin kasi bumawi kay Liezl.
FATIMA
Po?
JABBAR
A sabi ko, matagal tagal ko nang di nakikita si Liezl, namimiss ko na siya. Tara magsimula na ulit tayo.
26. MONTAGE
Different scenes ng rehearsals nila: nakatayo si Fatima sa upuan umaawit at naggigitara si Jabbar, nasa tapat ng matangkad na mikropono si Fatima at tinuturuan siya ng breathing exercises ni Jabbar, aawit habang sumasayaw si Fatima habang nakatingin sa kanya si Jabbar. Sa lahat ng ito, makikita nating masaya si Fatima, gayon din si Jabbar. Pero ang mga titig ni Jabbar ay tila hinuhubaran nito si Fatima.
27. EXT. LABAS NG MANSION. GABI.
Habang kumakain ng puto, panay ang kuwento ni Fatima tungkol sa rehearsals nila ni Jabbar. Kahit bakas sa ilalim ng mata nito ang pagod at puyat, halatang masaya siya.
FATIMA
Grabe Koko, kanina naman siya nag-piano para sa ‘kin tapos ako yung umawit. Ang galing galing niya kasi, basta, tapos di lang pala dapat laging mataas ang boses, first time ko yung kanina, yung tuturuan ako ng mga bagong teknik sa pag-awit, feeling ko tulad na ako ng mga sikat na singer, grabe dami ko natutunan sa kanya.
Ngingitian siya ni Koko. At mapapansin nating nagpapanggap lang siyang masaya. Susuklayin ng mga kamay niya ang kanyang buhok.
KOKO
Masayang masaya ako para sayo Fatima. E kailan kaya ulit kita makakasama nang matagal?
FATIMA
Naku di ko pa alam, pag di nagset si Boss ng rehearsal, pero muka pa ring imposible, saka busy ngayon malapit na kaarawan ni Maam Liezl, saka maraming beses naman tayo pwede magsama e, itong rehearsals di ko alam kung hanggang kailan lang. Kaya lulubos lubosin ko lang.
28. INT. KUSINA. HAPON.
Humahangos ang lahat ng kasambahay. Ayos dito, ligpit doon. Bitbit ni Fatima ang mga mantel para sa mga lamesa. Lalapit sa kanya si Grace may dalang isang tray ng baso.
GRACE
Kunin mo sa kanang bulsa, para sa ‘yo.
Dudukutin ni Fatima ang puting sobre at babasahin ang address ng liham.
FATIMA (voice-over)
1870 Martyrs St., Nawasa, Kalibo, Aklan. Liham mula kay Anti.
Maya maya ay uutusan siya ni Liezl na kunin ang mga plorera’t bulaklak sa hardin. Kaya di niya agad mababasa ang liham.
CUT TO
Pagbalik ni Fatima sa kusina, inabutan siya ni Liezl ng malaking kahon. Magtataka si Fatima pagbukas ng kahon. Naglalaman ito ng simpleng cocktail tube dress. Silver ang kulay at may malaking ribbon sa harapan. Sa ilalim ng kahon ay may nakasingit na silver wedge shoes.
LIEZL
Isuot mo mamaya. Around 8 oclock ka magpiperform ha. Regalo mo na sa’kin, please? (ngingiti)
Nagulat si Fatima sa narinig.
FATIMA
A-ako po? Kakanta? Sa harap po ng mga bisita niyo? A, e, ano, uhm, sigurado po ba kayo?
LIEZL
Very much. Besides, I’ve heard your voice in one of your rehearsals. I really love your voice, not because kaboses mo si Mom, but because you sing from the heart.
Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Fatima na kahit papaano’y may humahanga pa pala sa kanya at may napapasaya pa pala ang tinig niya. Di napigilan ni Fatima na ma-excite.
29. INT. LIKOD NG HARDIN. GABI.
Pinapractice ni Fatima ang aawitin niya. Kinukumpas kumpas niya ang kamay para mahuli ang tono. Nang maipatong niya ang kamay sa bulsa, may nakapa siyang humps doon. Naalala niya ang sulat.
TIYA NI FATIMA (voice-over)
Fatima, dumating ang ama mo rito sa amin. Naka-inom. Nagwala. Pilit na kinuha ang mga kapatid mo. Di ko binibigay pero tinutukan kaming lahat ng patalim. Patawarin mo kami iha, nasindak kami sa kanya. Di namin alam ang gagawin. Wag ka munang uuwi rito, hindi makabubuti para sa kaligtasan mo. Muli akong liliham. Mag-iingat ka palagi. Tiya Lily.
FATIMA (sa hangin)
Hayop. Bakit kailangang lagi mong sirain ang buhay ko at ng mga kapatid ko? Bakit di mo na lang...bakit di mo na lang kitilin ang sarili mo?
Nararamdaman ni Fatima ang pag-iinit ng damdamin niya. Pero pinigil niya ang sarili.
FATIMA
Hindi. Hindi pwede ngayon. Paghahandaan ko ang pagbubukas ng aking singing career kaya hindi ako dapat magpaapekto sa kanya. Hanggang dito ba naman sa Maynila, dinedemonyo pa rin niya ako.
Maglalakad lakad si Fatima. Sa di kalayuan ay tila makikita niya ang figure ng isang pamilyar na lalaki. Nakatalikod ito sa kanya sa di kalayuan. Nakaputing t-shirt. Nakita ni Fatima ang pagsuklay niya ng buhok kaya nakumpirma niya.
FATIMA
Si Koko!
Ilang metro ang layo niya kay Koko. Pero may makikita siyang mga brasong papatong sa lalaki, mula sa harap. Maya maya’y makikita niya ang ulo ng lalaki na bababa nang kaunti at pipihit sa kaliwa. Makikita niya ang pagtulak at pag-atras ng ulo ni Koko. Agad siyang magtatago at muling sisilip. Magugulat siya sa makikita.
FATIMA
Grace?
Tatakbo na paalis si Fatima. Makikita natin ang mangyayari kanila Koko at Grace.
Lalayo si Koko mula kay Grace. Galit ang itsura nito.
KOKO
Alam ko malaki ang problema mo ngayon, pero ano ka ba? Ba’t mo ginawa yun? Alam mong kami ni Fatima e!
GRACE
Gusto nga kasi kita, di mo ba nakikita, ha?
KOKO
Si Fatima lang ang laman ng puso ko.
Maglalakad na rin paalis si Koko.
30. INT. HARDIN. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Mula sa spotlight, lilibutin ng kamera ang set-up ng hardin ng Celestino. Magara ang flower arrangement, marami at masasarap ang pagkaing inihanda ng catering service, nagkalat ang mga matitipunong lalaki na nakaputi na nagsisilbi sa mga bisita, malakas rin ang pagbagsak ng tubig mula sa fountain sa gitna ng hardin.
Tututok naman ang kamera sa mga bisita. Nagkalat sila sa hardin, kanya kanyang mingle sa ibang tao. May mga sikat na lawyer, politicians, businessmen at iba pa. Magagara ang suot nila. Kumikinang ang mga alahas.
Susunod na tututok ang kamera sa backdrop ng stage, punumpuno ito ng palamuti. Mula sa naririnig nating halakhak ng mga bisita, unti-unting lalakas ang background music. Boses ni Fatima ang maririnig nating umaawit .
FATIMA
See me as if you never knew. Hold me so you can't let go. Just believe in me.
I will make you see. All the things that your heart needs to know...
Makikita natin ang pinaka-unang eksena, iyong napanaginipan ni Fatima. Katulad ng sa panaginip, mataas na paghanga at pagkaaliw ang mararamdaman ng mga taga-pakinig. Pinapalakpakan siya sa bawat pause ng kanta. Naaaliw ang mga tagapakinig sa pagkilos ng kanyang katawan at mga kamay. Sa malayuan, masasabihang may star quality ang dalaga.
Subalit sa bandang dulo ng kanta, may maririnig si Fatima (at maririnig din natin) na mga boses na sasabay sa kanyang umawit. Hindi ito maririnig ng mga bisita. Si Fatima lamang ang makaririnig, at mababahala.
BOSES NG AMA NI FATIMA
I'll be waiting for you. Here inside my heart. I'm the one who wants to love you more...
BOSES NI KOKO
You will see I can give you. Everything you need. Let me be the one to love you more...
Sandaling matitigilan si Fatima. Mag-iiba ang boses niya. Mapupuno ito ng galit at tensiyon, makikita sa emosyon niyang nais na niyang umiyak. Pipigilan niya ang luha sa pagbagsak, pero mahahalata ito sa boses niya sapagkat nanginginig na ito.
Magsisimulang magbulungan at magtinginan ang mga bisita. Lalo siyang panghihinaan ng loob sa nakitang pagtawa ng ilang mga bisita.
31. INT. IKALAWANG PALAPAG. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Susundan ni Jabbar ang pumapanhik na si Fatima. Mauupo rin siya sa hallway.
JABBAR
Iha, anong nangyari? Bakit, ba’t ganun?
FATIMA
(sa pagitan ng iyak) Wa-wala ho.
JABBAR
May problema ka. Pwede mong sabihin sa ‘kin para mas gumaan ang pakiramdam mo.
FATIMA
Ano po, sa pamilya at sa puso.
JABBAR
Puso?
Tutungo si Fatima at mapapalakas ang paghikbi. Ilalabas ni Jabbar ang panyo niya at iooffer kay Fatima. May ilan pang sasabihin si Fatima ngunit di na iyon maririnig ni Jabbar, pagkat nakatitig na ito sa malulusog na dibdib ni Fatima na nahulma ng tube niyang cocktail dress.
JABBAR
A, ano, iha, pumasok muna tayo sa silid ko, doon ka muna magpahinga. Pagod ka na siguro.
INTERCUT WITH
30-A. INT. HARDIN. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Kanina pa magpapaikot ikot si Koko. Tutungo siya ng likod ng hardin, fountain, gate, likod ng stage, at sa buong mansion. Halos mabunggo na niya ang mga bisita, pero patuloy pa rin siya sa paghahanap sa dalaga.
32. INT. SILID NI JABBAR. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Yayakapin ni Jabbar si Fatima.
JABBAR
Wag ka nang umiyak, iha.
Magalang at dahan dahang kakawala sa pagkayakap si Fatima. Mapapansin ni Jabbar ang pagtanggi niyang ito, na lalong ikina-boost ng ego niya.
Magpapatugtog nang malakas si Jabbar sa kuwarto. Ikakandado niya ang kuwarto. Matataranta si Fatima.
FATIMA
A, sir, salamat po, bababa na po ako, baka tambak na po ang gawain sa ibaba.
Subalit tititigan lamang siya ni Jabbar, mula ulo hanggang paa. Kakagatin pa ni Jabbar ang kanyang ibabang labi. Titigil ang tingin niya sa dibdib ng dalaga. Maya maya ay bababa ang paningin niya sa ibaba nito.
Nagbubutil na ang pawis ni Fatima. Mas mabilis ang pagtibok ng puso niya ngayon kaysa kanina sa stage.
Hahawakan siya sa balikat ni Jabbar. Mapapakislot siya.
FATIMA
Sir, bakit po? Mauuna na po talaga ako. Kumakapal na ang tao. Kakailangangin na po nila ng tulong ko.
JABBAR
They shall take care of themselves. I shall take care of you. (hahalik sa noo ng dalaga)
FATIMA
Ah! Sir!
Magtatangka si Fatima na mabuksan ang pinto, subalit mahahatak siya pabalik ni Jabbar. Sasampalin niya ang lalaki. Tatambulin niya ang mukha nito subalit matutulak siya nito sa kama. Doon siya ihihiga at papatungan ni Jabbar. Itataas ng lalaki ang mga braso ng dalaga, at hahalikan nito ang kanyang braso, kilikili, leeg, dibdib nang maraming beses.
Magtatangka pa ring sumipa si Fatima subalit iipitin ni Jabbar ang kanyang katawan.
INTERCUT WITH
30-B. INT. HARDIN. MANSION NG CELESTINO. GABI.
Sesenyas ang host ng party na awitan na nila ang birthday girl.
LAHAT
Happy birthday to you, happy birthday to you! Happy birthday.
Sandaling magdidim ang spotlights. Sabay sabay matitigilan sa pagkilos sila Koko, Grace at Liezl. Sandaling mababahala ang mga mukha nila, na tila may nais ipakita o iparinig sa kanila ang kanilang utak.
FATIMA (voice – over)
Sir, wag po! Aaahhhhh! Maawa na po kayo sa ‘kin, masakit po, Sir, aaaah! Tulong! Tulong!
Subalit di nila maririnig ang tinig ni Fatima, dahil na rin sa lakas ng musika sa loob ng kuwarto ni Jabbar at sa lakas ng kantahan sa hardin. Kaya babalewalain nila iyon at pagkatapos ay sasabay na rin sa awitin.
LAHAT
Happy birthday happy birthday! Happy birthday Liezl!
Habang nakiki-awit si Koko, ilalabas niya mula sa kanyang bulsa ang isang maliit na kahon. Sisilipin niya ang laman nito, isang silver na kuwintas.
KOKO (pabulong)
Pag nakita kita ngayong gabi, di na kita pakakawalan pa.
EPILOGUE
Maririnig natin ang bida. Matigas ang tinig nito.
FATIMA
Maraming salamat sa ‘yo
Ang susunod na makikita natin ay ang mga kamay niya na gagapang saloob ng bulsa ng damit. Ilalabas niya ang icepick na iniregalo ni Koko – may mantsa ng dugo.
REQUIRED SCENES
1. Silent Scenes
Sec. 2 page 2
Sec. 11 page 10
Sec. 17 page 13
Sec. 21 page 18
Sec. 23 page 19
2. Confrontation scenes
Sec. 1 page 1-2
Sec. 19 page 13-17
Sec. 30 page 24-25
Sec. 32 page 26
3. Sequences with a long dialogue
Sec. 6 page 5-6
Sec. 19 page 13-17