Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Wednesday, January 26, 2011

Kritik sa dalawang tula

Bulaklak sa Tabi ng Daan

Katulad ng sinasabi tungkol sa expresibong teorya, nahuli ng may-akda ang kanyang matinding pakiramdam sa sandaling nakita niya ang hubad na bulaklak sa daan. Kung iisipin, sa panahon ngayon, wala na o kakaunti na lamang ang maaaring maakit sa kagandahan ng isang nag-iisang bulaklak sa daan, subalit sa kahusayan ng may-akda’y naisulat niya pa ang damdaming pumaloob sa kanya nang nakita ang bulaklak. Kaya sa aking palagay, pumapasok ang katangiang ito ng akda sa isang katangian ng ekspresibong teorya – ang paghuli sa emosyong sumakop sa may-akda sa isang sandali.

Hindi rin pangunahing layunin ng tula ang maghatid ng mensahe, sapagkat nakapokus ito higit sa nararamdaman ng may-akda habang nakikita o pagkatapos makita ang bulaklak. Kung mayroon man akong napansing mensahe, maliit na bahagi lamang iyon mula sa ikalawang saknong.

“Ang mundo at ako’y naniniwalang

Lahat ng bagay ay may kamatayan;

Ngunit noong araw na nahuli ko

Ang maliit mong matang kumikinang –

Nalaman kong di lahat ay may katapusan.”

Ang pagkahinuha ko sa saknong na ito’y ang paniniwala ng persona’y lahat ay nawawala, subalit sa pamamagitan ng bulaklak natuklasan niyang hindi pala. Sapagkat sa kabila ng kaguluhan at kasamaan sa mundo’y may mga bagay na mananatiling buhay at hindi matutuldukan ang likas na kagandahan.

Sa aking pagsaliksik ukol sa simbolismo ng bulaklak, maaari pala itong magpatungkol sa kababaihan[i] o di kaya’y sa pag-ibig. [ii] Sa pagbabasa ng akda, tila nakita ko na maaaring pinatutungkulan ng persona sa bulaklak ay ang pag-ibig – ang pag-ibig na dahil sa mga kadiliman ng mundo’y naisasantabi ang kakayahang bumuhay ng nalalantang kaluluwa. Maaari ring tinutukoy nito ang mga babae na may kakayahang bumuhay o magpatagal ng buhay ng isang tao dahil sa pagiging mapagmahal at maalaga nila.

Sa kabilang banda, naipinta ng may-akda sa aking isipan ang imahen ng bulaklak na nag-iisa sa gitna ng daan. Ginamit niya ang imahinasyon upang maihayag ang kanyang nararamdaman hinggil sa bulaklak na ito. Maliban dito’y, kahit anong hukay ko sa maaaring implikasyon ng tula, o anumang mensahe o aral na nais iparating, ay wala akong napulot. Sapagkat higit na nagpokus ang may-akda sa pagsasalarawan ng bulaklak, at ng naging epekto ng bulaklak sa kanya, at walang ibang taong higit na pinahalagahan sa piyesang ito kundi ang may-akda mismo.

Ang mga dahilang ito ang nagpapatunay na akma ang akdang ito sa teoryang romantisismo.

Lilim

Romantisismo nga ba ang tulang ito?

Sa unang pagbasa’y nahirapan ako, sapagkat hindi ako pamilyar sa ilang salitang ginamit. Subalit hindi naman ito naging hadlang upang hindi ko mapakilos ang aking isipa’t imahinasyon.

Ang pagpili ng mga imahen sa tula ay aking ikinamangha. Karaniwang nakikita ang mga elementong ipinasok dito tulad ng mga halaman, sinag ng araw, at lilim, subalit kahanga-hanga sapagkat nakapagbigay ang may-akda ng bagong representasyon o pananaw mula sa sandaling ito. Muli niyang iginuhit ang larawan, ngunit ngayon ay sa bagong anggulo. Dahil hindi lamag basta ilinarawan ang eksena, mas naging kapanapanabik ito.

Ang nabanggit na katangian sa itaas, para sa akin, ay isang malaking sangkap kung bakit ikinatuwa ko ang pagbabasa ng tula. Iniwan akong namamangha – muli dahil sa mahusay ng paglaro ng may-akda sa kanyang imahinasyon at sa karaniwang imahen. Iniwanan din akong nag-iisip ng tula.

Nag-iisip dahil napansin kong napakahalaga sa tula ng mga mensaheng nais nitong iparating. Kumabaga, diskurso’t pagbibigay-aliw ang naging pokus ng akda.

Ilang puntos na nais kong linawan. Ang aking pagkaaliw ay hindi labis kumpara sa aking inaasahan. Siguro dahil sa seryoso ang pamagat at simula, at ang bandang kalagitnaan nama’y tila nagtataray at nangungumbinse, at ang panghuli’y panunumbat at pangungutya ng persona.

Kung isa nga itong tulang romantiko, bakit sa aking pakiramdam ay tila napakarami nitong nais ipahayag na mensahe? Maliban dito’y ang atmospera ng tula’y tila napakaarogante at maalam. Ang resulta tuloy naging katakot-takot ang akda dahil sa mga pambabanta nito at matapang na pagpapalakas sa loob ng uhay.

Subalit ano nga ba itong ilang mga mensaheng napulot ko sa tula?

Una, maaaring patungkol ito sa kapangyarihan ng malalakas at kawalang-pag-asa ng mahihina. Ang puno ng mangga, bilang simbolo ng malalakas na tao’t makakapangyarihan, ay nagkalat sa paligid. Gahigante ang kanilang mga negatibong impak sa mahihina’t walang laban. Winawasak nila ang buhay ng mga ito, maging ang kanilang mga panaginip at pangarap. At naiincorporate pa rin mapasahanggang ngayon ang mensaheng ito.

Ikalawa, minsang ikinonsidera ko rin ang pagiging simbolikal ng puno ng mangga. Maaari rin kasi itong kumatawan sa mga kakulangan, karanasan, at kapahamakang naranasan ng isang tao. Dahil sa labis na pagkalunod ng isang tao sa kanyang mga pagkakamali’t kasalanan, hindi na siya makabangon dahil sa “lilim” o dahil sa takot na mawalan ng kapupuntahan ang anumang gagawin niya. O dahil simpleng, napanghinaan na siya ng loob dahil sa napakaraming balakid sa kanyang mithiin.

Ikatlo’t panghuli, kung ipapasok ang piyesang Panitikan sa Kaisahan ng Bayan, maaaring maging simbolo ng uhay ang Pilipinas o mga Pilipino, na miminsan lamang maipakita ang taglay na kagalingan dahil sa pagharang ng mga mapandominang Amerikano. Maaaring makapagpukaw ang tula ng mga Pilipinong mapasahanggang ngayon ay nananatiling nakakabit sa buntot at anino ng mga Amerikano. Ang lilim naman ay maaaring kumatawan sa kapangyarihang ginagamit ng mga Amerikano sa pagsikil sa “tunay” na kalayaan ng Pilipinas. At maaari lamang malabanan ang lilim na ito kung tutubo nang lubusan ang uhay, o uusbong mula sa mga Pilipino ang kanilang mga pusong makabayan.

Sa kabuoan, tinutulak ng tula ang uhay na tumubo at lumaban, sapagkat walang karapatan ang anumang bagay na durugin ang buhay at pangarap niya. Nariyan din ang pag-aalipusta ng tula sa kawalan ng damdamin ng puno ng mangga.

Dahil nakapagbibigay ng mga makabuluhan at mabubuting mensahe ang akda, gayon ding kahit papaano’y nakapang-aaliw, sa palagay ko’y maaaring mas maging akma ito sa teoryang Pragmatiko, mga tulang nagbibigay ng aral at aliw, sa halip na Romatisismo.

No comments:

Post a Comment