Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Saturday, February 26, 2011

Amphitryon ng DUP

David, Ariane Gale D. Prop. Edna Landicho

2009 63737 Pebrero 27, 2011

AMPHITRYON

Reaction Paper

Kapuri-puri ngang talaga ang dulang Amphitryon.

Wow. Ito ang nasambit ko nang nakita ko ang kama sa gitna ng entablado. Simple lang ito, subalit dahil ito ang center piece, nagbigay ito ng konotasyon na may sekswal na lapit ang dula. Mayroon ding elevated na kurbadang daanan sa paligid ng entablado. Kapag dito isinasagawa ang eksena, nabubuo sa pakiramdam ko na fantasy ang pinanunuod ko.

Nariyan din ang mga tuyong dahon na nagsilbing kabuuang disenyo ng entablado. Napakaganda ng naging epekto nito sa huling bahagi nang ito ay mailawan. Nagliwanag ito at nagkaroon ng iba’t-ibang kulay.

Kapansin-pansin ang props na gate at litson. Mahusay ang pagkakagawa ng mga ito, kaya naging makatotohanan ang kanilang itsura. Ang dalawa ay hindi lamang basta ipinakita, kundi nagamit nang maraming beses sa dula. Ang gate ay nagsilbing barikada, at maaaring naging simbolo ng dibisyon sa pagitan ng mga diyos at nilalang.

Sa kabilang banda, simple lang ang kasuotan ng mga tauhan. Sila Sosyas at Mercury ay nakapang-militar. Wala akong nakitang espesyal na pagkakaiba dito sa tunay na itsura ng unipormeng militar. Maliban sa mas pinapusyaw pa ang kulay, maaaring upang makipag-agawan ang kulat nito sa background, props, at iba pang kostyum. Ang damit naman ng bidang babae ay napakasimple lang kung iisiping siya ay isang reyna. Maaaring kaya ganoon ay upang mas mabigyang pansin ang silver na kuwintas.

Kaiba sa dulang Isang Panaginip na Fili ni Floy Quintos, walang koro dito. Hindi rin ganoon karami ang mga kanta, maliban sa mga awiting ginigitara ni Mercury. Ang mga magagaan at masarap pakinggan na kantang ito ay nakapag-establish ng klasikong pakiramdam sa kabuoan ng dula.

Nahusayan ako sa pagkaka-istruktura at sa pagkakadirek nito. Mahilig kasi ako sa maaksiyong mga palabas, at dito hindi lamang nagkaroon ng pantasiya, mayroon ding aksiyon, at sinamahan pa ng komedya. Kumbaga, all-in-one ang dulang ito!

Nagustuhan ko ang pag-alternate ng nakakatawa at seryosong mga eksena. Sa mga nakakatawang eksena, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-isip at makapag-internalize sa mga nangyayari sa kuwento. Subalit, dahil sa labis na epekto ng nakakatawang mga eksena, pakiramdam ko’y sumagadsad ang enerhiya ko sa seryosong mga eksena, at napahikab ako sa ilang bahagi.

Mahuhusay ang mga nagsipagganap. Ramdam ko ang pagsusumikap nilang gawing mas buhay ang dula. Sa pagbibitiw nila ng linya, ramdam ko na damang-dama nila ang kanilang mga role. Maliban sa babaeng bida dahil hindi ako masyadong naapektuhan ng kanyang pag-arte. Sa aking palagay, nasapawan siya ng dalawang diyos, at ng iba pang minoryang tauhan. Nakulangan ako sa bigat ng kanyang emosyon.

Sa kabilang banda, nagtagumpay ang dula sa pag-attempt na gawing mas moderno at mas malapit sa Pilipinas ang kuwento. Gumamit ito ng mga wikang balbal, kanta, pagkain, at tradisyon na nagmula o kilala sa Pilipinas. At ito sa palagay ko ay isa sa mga malalakas na puntos ng dula, dahil nakuha nila ang loob ng manonood sa pamamagitan nun. Lumakas ang reaksiyon, at nagsipalakpakan ang mga tao nang gawin nila iyon.

Nariyan ding binasag nito ang 2 dimensiyonal na panonood. Sila Sosyas at Mercury ay naghabulan sa isang eksena at dumaan sa pagitan ng mga manood. Hindi ko inasahan ang senaryong iyon kaya’t labis akong nagulat at sa parehong pagkakataon ay namangha. Naaalala kong nakahakot ng malalakas at positibong reaksiyon ang bahaging iyon.

Mayroon ding bahaging tinanong ni Amphitryon ang mga manonood kung siya nga ba si Amphithryon. Nakakatawa ang bahaging ito dahil nagkaroon ng iba’t-ibang kuwelang sagot ang mga manonood.

Sa madaling sabi, naging epektibo ang pagtatangkang gawing interaktibo ang dula.

Sa konteksto naman ng dula, ang pinakalumutang na ideya ay ang pagkakaroon ng di-pagkapantay-pantay sa lipunan. Kung higit na makapangyarihan, mas maraming magagawa at mas malaki ang impak sa tao at sa lipunan. Bilang isang diyos, minanipula ni Zeus ang mga nilalang. Nilinlang niya ang mga ito, at nagpanggap na si Amphitryon. Hindi rin siya nalayo sa ginawang pagkokontrol ni Amphitryon kay Sosyas. Nung panahong nagtatapat si Sosyas na mayroong isa pang Sosyas, nagalit si Amphitryon. Pinagalitan, tinutukan, pinalo, at pinarusahan niya si Sosyas.

Ang mga nasabing eksena ay isang manipestasyon ng realidad – ang paggamit ng mga naghaharing-uri sa kapangyarihan upang abusuhin o pagsamantalahan ang mga nasa ibaba.

Sa kabuoang puna, hindi lang ako pinahanga at pinahagikgik ng dulang ito, binigyan pa ako nito ng isang makabuluhang mensahe – na walang perpekto sa mundo. Nasa itaas man o nasa ibaba, mayaman man o mahirap, ang lahat ay nagkakamali; ang lahat ay may kani-kanilang lakas at kahinaan. Samakatuwid, ang lahat ay may pagkakataong magbago.

No comments:

Post a Comment