Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Thursday, August 5, 2010

Kapag May Nagmumura

Nag-iinit ang aking mga tainga pag nakaririnig ako ng mura.

Naglalaro pa lamang ako ng Lego at jackstones, wala nang humpay sa pagpapa-alala ang aking Ama na umiwas ako sa mga taong nagmumura. Dahil pag na-engganyo ako’y siguradong magiging bisyo ko ito. Masama raw iyon. Kesyo di maganda pakinggan lalo pa’t babae ako, at baka raw masumbatan siyang di marunong magpalaki ng anak.

Kaya lumaki akong naniniwalang walang saysay ang pagmumura dahil ekspresiyon lamang ito at masama sa pandinig. Nakasasakit pa nga ito ng damdamin, at minsa’y nakasisira ng relasyon. Ginagawa ito kadalasan upang makiuso, at upang matatakan ng imaheng astigin o Diyos-Diyosan at walang kinatatakutan.

Kung di dahil sa aking ama, di ko madidiskubreng bababa ang pagtingin ng ibang tao sa akin pag ako’y nagmura. Paniguradong babawiin nila ang first impression na ako’y pormal, kagalang-galang, at may pinag-aralang tao, pag narinig nilang mabagsik pala ang aking dila.

Kaya pag nakaririnig ako ng mura, kumukulo ang aking dugo at nagkukumawala ang aking mga litid sa inis at silakbo. Totoo pa lang naka-aakit sampalin ang mga taong nagmumura. Lalo kung ang dahilan ng kanilang pagmumura ay dahil lamang sa nakaligtaang bolpen, nabaling kuko, biglang pagbagsak ng ulan, pagdaan ng tsiks na naka-shorts at razerback, paglabas sa TV screen ni Coco Martin, o ang paglitaw ng utong ni Anne Curtis.

Subalit, unti-unting naglaho itong nakasusuyang imahe ng pagmumura nang magsimula akong magdalaga – maraming salamat sa aking butihing Ina.

Kung di sana sa tuwing lalagapak sa sahig ang kanyang N70, o madudukutan siya ng mamahaling pitaka, o mapagagalitan siya ng boss dahil sa di natapos na gawain, o mabubuwisit siya sa mga katulong na pulos tsismisan at Wowowee ang inaatupag, o pag hating-gabi na umuuwi ang pangalawa kong kapatid dahil sa inuman, o pag said na ang padala ng ama at kinakapos na ang pangmatrikula, o pag namimiss lang niya ang kanyang asawa, aba, marahil di ko natanim sa isipan ang matatalim at malulutong niyang PUTANG-INA!

At di ko rin sana maaalalang binabastos at inaalipusta ko ang sariling Ina sa tuwing naririnig ko ang sariling magmura – nang dahil na rin sa kapabayaan niya.

No comments:

Post a Comment