Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Friday, August 13, 2010

MP 177 Storyline

1. Si Stir, highschool student, ay isang rebeldeng anak at pabayang mag-aaral. Hindi siya naiintindihan ng ina niyang makitid ang pag-iisip. At kahit anong gawin, pakiramdam niya ay talo siya. Subalit may isang taong di siya iniwan sa lahat ng ito – ang Kuya Matthew niya. Nagkamali si Stir sa pag-akalang siya na ang may pinakamalaking problema sa mundo, hindi pala – nakabuntis ang Kuya Matthew niya. Sinubukan niyang magwalang-bahala, subalit di niya kayang tiisin ang nagdadalamhating kuya. Kaya’t nang handa na siyang tumulong, ay bigla namang naglayas si Matthew.

Ang pangunahing tauhan ay si Stir na siga at barumbado subalit inosente. Si Matthew, bilang pangalawang tauhan, ay mapagmahal at pasensiyoso at paminsan-minsan siya’y misyonero. Poproblemahin ni Stir ang pagmamahal at atensiyong ibinibigay ng mga magulang niya, pero higit niyang poproblemahin ang problema ng kuya niya. Ang istorya ay may temang “Pamilya lamang ang una’t huling masasandalan.” Tungkol ito sa paghahanap ng identidad at pagmamahal ng pamilya. Ang punto ng kuwento ay magiging selfless ang sinuman para sa kapamilyang nangangailangan. Pagkakaabalahan ko ito dahil gusto kong mas maunawaan ang kalagayan ng mga rebeldeng kabataan, lalo’t karamihan sa aking mga kamag-anak ay rebelde.

2. Kamamatay lamang ng ama ni Fatima, 16. Nagsimula siyang maging independent dahil tatlong maliliit na kapatid pa ang palalamunin niya. Kahit mahina ang loob, nag-apply pa rin siya bilang katulong. Nahirapan siya dahil hindi siya sanay sa gawaing-bahay. Subalit tinulungan siya ng bagong nobyong pahinante sa kanyang trabaho. Maayos na sana ang lahat nang isang araw, ginahasa siya ng among si Jabbar, may-ari ng malaking planta ng yelo. Pinagbantaan siya nitong ipakukulong ang ina dahil sa malaki ang pagkakautang nito kung hindi pumayag sa gusto. Matagal siyang naging sex slave. Hanggang sa di na niya matiis ang pang-aapi sa kanya at sa iba pang mga katulong kaya pinagplanuhan niya ang pag-murder dito. Pinagtutusok niya ang kaliwang mata, tiyan, at puso, at isinilid ang bangkay nito sa malaking freezer.

Ang pangunahing tauhan ay si Fatima, mahiyain at mahina ang loob. Poproblemahin niya ang pagiging independent, ngunit higit niyang poproblemahin ang panggagahasa sa kanya ng amo. Ang istorya ay tungkol sa pagmamahal sa pamilya, pagiging isang katulong, at pang-aabuso ng makapangyarihan. Ang tema ay umiikot sa “Kapag natulak ang tao sa kahirapan at pang-aapi, tatayo ito at lalaban.” Ang punto ng istorya ay sinumang salat sa pera, mahina ang loob, at kahit babae, lalaban basta’t inaabuso at inaapi. Pagkakaabalahan ko ito dahil sa palagay ko, isang kalokohan ang abusuhin ang mahihina at mahihirap. Nais ko ring ikuwento ang ilang kuwentong nalalaman ko ukol sa buhay-katulong.

No comments:

Post a Comment