Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Sunday, October 17, 2010

Cool Water

Kapag naaamoy ko ang Cool Water, nananariwa ang galit ko sa aking kapatid.

Kailanman ay hindi kami naging malapit ng aking kapatid. Madalas naming pag-awayan ang paggamit niya ng aking mga damit; mga personal na kagamitan tulad ng laptop, kamera at account sa Facebook; pagkain niya sa mga tsitsirya ko kahit mayroon naman siyang sarili.

Walang problema sa akin kung nais niyang makigamit, ang tanging hiling ko lang ay magkaroon siya ng respeto. Paulit-ulit na lang kasi, simula noong mga bata pa lamang kami’y nakagawian na niyang gumamit ng mga bagay nang hindi nagpapaalam sa may-ari. Minsan, makikita ko na lamang iyon na ubos na, pudpod na, may mantsa na, sira na, wala na.

Ganoon nga ang nangyari sa Cool Water, isang pabango na iniregalo sa akin ni Mama noong nasa ikatlong taon ako sa mataas na paaralan.

Dahil masinop akong tao, itinatago ko muna ang mga mahahalagang gamit at saka ko gagamitin sa panahon ng pangangailangan. Itinago ko sa kabinet ang Cool Water, sa pag-aakalang ligtas na iyon mula sa malilikot na kamay ng aking kapatid.

Subalit, nagkamali ako.

Isang araw, napansin kong bukas ang bag ng kapatid ko. Nasilip ko doon ang kulay asul na babasaging pabango. Kinalog ko iyon, at halos dalawang kutsara na lamang ang laman.

Nagalit ako. Hindi lang siguro dahil sa ginawa ng kapatid ko, kundi dahil isang mahalagang regalo ang pabangong iyon, at minsan lamang ako mabiyayaan ng regalo dahil sa mataas na grado. Ang bastos ng kapatid ko. Parang napunit ang puso ko.

Umiyak ako.

Sinigawan, pinagalitan ko siya. Hindi pa ako nakuntento, sinampal ko siya’t pinagmumura. Naisip kong, karapat-dapat lamang iyon sa mga magnanakaw na tulad niya.

Simula noon, nagkaroon ng malaking lamat ang aming relasyon. Kapag nangangailangan siya ng tulong sa mga proyekto’t gawaing pampaaralan, hindi ko siya pinapansin, hindi ko siya tinutulungan. Hindi ko siya kinakausap, maliban ‘pag nandiyan ang aking mga magulang. Naging malamig ang pakikitungo ko sa kanya. Hindi ko na siya tinuring na kapatid.

Hanggang sa dumating ang araw ng aking pagtatapos sa mataas na paaralan. Nandoon ang aking kapatid. Katulad ng nakagawian, hindi ko siya pinapansin, kahit panay ang ngiti niya sa akin.

Hanggang sa makauwi na kami, binuksan ko ang kabinet ko’t may nakitang malaking pulang kahon. Tinignan ko ang kard, at nakasulat doon ang sumusunod.

“Sorry Ate. Mahal na mahal kita. I miss you :(”

Binuksan ko ang kahon, at nakita ko ang isang set (limang piraso) ng Cool Water.

Parang bumalik sa akin ang mga sigaw, mura at sampal na binigay ko dati sa aking kapatid.

1 comment:

  1. Casino Resort Spa & Spa Casino Jobs, Employment in NV - KSR
    › app › details › app › details Casino 진주 출장마사지 Resort Spa & Spa 천안 출장안마 offers 익산 출장마사지 an exciting experience where 안성 출장마사지 guests can stay and play in a variety of live casino 태백 출장마사지 and poker games. Come experience all of the

    ReplyDelete