Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Monday, July 19, 2010

Ang MP 177, Ang Aking Degree, at Ako

Sa tuwing inililipat ko ang pahina ng Philippine Literature: An Anthology, Taludtod at Talinghaga, at Sintang Malapit Sintang Malayo, ako’y nababagabag , mabigat ang aking pakiramdam.

Kailanma’y, di ko inakalang mapapadpad ako sa SMPF. Di rin, ni minsan, sumagi sa isipan kong tahakin ang propesyong kuwentista o makata.

Noong una, tawang-tawa ako, sapagkat simula pagkabata’y isinaksak ko na sa aking diwa na di ako makapagsusulat, at magsusulat ng kahit anong malikhaing akda. Di kasi ako imaginative at descriptive. Straight forward ako. Ayoko ng paligoy-ligoy. Lalo pa’t hindi ako magaling magkuwento. Kaya tuwing nagsasalaysay ako ng sobrang nakatatawang pangyayari, di humahalakhak ang mga kausap ko, sabay itatanong nila sa huli, bakit ang corny na nung ako ang nagkuwento.

Sa kabilang banda, kinuha ko ang MP 177 dahil required ito sa curriculum. Di ko nga alam na pagsulat pala ito ng iskrip, basta ang naaalala ko, inenlist ko agad ito sapagkat nakita kong magiging propesor ko ang awtor ng Sandaang Damit.

Sa mga nakalipas na pagpupulong, pinilit kong dumalo sa takdang oras. Sabado kasi ang aking nakalaang panahon para sa organisasyon sa labas ng unibersidad, ang Youth for Christ.

Madalas man akong mahuli sa klase, iba-ibang mahahalagang bagay ang naituro ng kurso sa akin. Ngayon, nagbubuklat na ako ng pahayagan na dati’y pinaka-kinatatamaran ko. Simula nang pahapyaw kong nababasa ang mga balita, tila may isang bagong pinto akong naaninag. At nahinto ako at napamura. Ang lagim na pala ng Pilipinas. Maya-maya ang pagsulpot ng mga kaso ng patayan, nakawan, pananamantala at sakuna.

Simula nito’y, nais ko ng makapagsulat ng kuwento tungkol sa patayan, barilan, saksakan, katayan at iba pa. Kakaiba man at tila masama ang mga temang ito sa mata ng ibang tao, malaki ang paghanga ko sa mga awtor ng ganito, sapagkat matatag ang loob nilang sunggaban ang malagim na reyalidad ng mundo. Gusto ko ring makisunggab.

Subalit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mga binitawang salita ng guro noong Hunyo 19, “Nandiyan ka na sa kurso mo, edi panindigan mo! At least, kahit di mo gusto ‘yan, mag-excel ka man lang sa transcript, masasabi mong nanalo ka rin sa isang aspekto ng buhay mo.” Parang ganito ‘yon, di ko lang lubos na maaalala. Sa huli, inamin ko ring tama ang guro, tamang manindigan ako. Tutal, para sa akin naman ito.

Kaya kahit patuloy pa rin ang pag-inog at pagsiksik ng mga katagang “Di ka makasusulat ng anumang malikhaing akda, Yane” sa diwa ko, unti-unti ko ng tinatanggap na isa akong manunulat. Aba, sino bang hindi? Noon pa ma’y, ako na ang manunulat, direktor, bida at kontrabida ng buhay ko.

No comments:

Post a Comment