Ang mga deboto’t madasalin,
nakikipag-unahan sa pagsindi ng kandila.
Pikit-mata, yukod-ulong, kuyom ang sari-saring kulay na rosaryo,
uusad nang paluhod sa kahoy na pasilyo,
taas-noong isasabit ang puting sampagita sa leeg ng mga iniidolo.
Ngunit sa di inaasahang pananalanta ng kaaway na bagyo,
kanilang hinihiling ay kaligtasan sa mga apektado,
pagbibigay-puri sa mga natamasang milagro,
paghihingi ng kapatawaran sa pang-aabuso,
oo na, lalao’t sisiklab din ang tinatagong uyam at siphayo.
Lalo na sa mga inakalang Poon ay hindi magiging tuso
at patuloy sa pagiging pasensiyoso,
ipinatong na lamang nila ang mga puting sampagita
sa tabi ng labi ng mga kaanak.
Sa panahong ito na kandila ng mga deboto’y di na hihigit
pa sa sukat ng hintuturo,
mata’y di na maipikit sa labis na pagluha nito.
Iyong mga dating nananalangin nang paluhod,
ngayo’y ganap na ang paglakad gamit ang tuhod.
Dapat pa raw bang sindihan ng kandila
ang altar na nagmimilagro,
kung katumbas nito’y pandesal nila
sa agahan, tanghalian at hapunan?
December 2009
No comments:
Post a Comment