Rinequire ng prof ko. Sinulat ko. Pinost ko.

Sunday, July 4, 2010

Isang Malamig na Gabi

Di ako sanay tumingin sa kalangitan. Di naman dahil takot ako sa kadiliman o nababahala ako sa mga aparisyon, ayoko lang talaga ng ambience sa gabi.

Hep, wait a minute, may mga gumagapang na ipis. Hindi lang sila dalawa, tatlo, apat, kundi anim! Kung bakit ba linikha pa sila ng Diyos. Kung tutuusi’y wala namang silbi sa mundo. Pero matagal-tagal ko na ring ipinagpapasalamat na ganyan lamang sila kaliliit. Di ko kasi maisip ang gagawin pag magkasinglaki at magkasukat sila ng higanteng daga, ‘yung ina ng mga daga, ‘yung mataba at malaman. Paano na lang pag lumipad sila? E di dapat meron kaming higanteng tsinelas at dalawang lata ng Baygon para lang mapatay sila. Gross.

Gabi nga pala, at malamig ang klima. Kung paanong ikinatutuwa ng mga ipis ang ganitong panahon, ay siya namang ikinalulumbay ko.

Hindi ko kailanman ikinalugod ang malamig at maginaw na gabi. Maliban sa nagsusulputan ang mga kontrabidang ipis at madalas akong pinupulikat, sa mga panahong ito’y, bigla na lamang akong binabalot ng kalungkutan.

Pag sobrang lamig kasi, yakap yakap ko ang sarili, at hinihimas-himas ang mga bisig at palad. Ako’y nagpapainit. Subalit, pag yakap ko ang sarili’y, pakiramdam ko mag-isa lamang ako. Pakiramdam ko, walang gustong tumabi sa akin o makipag-usap, kaya lalo akong giniginaw, kaya umabot sa puntong sarili ko na lamang ang kayakap ko.

Ito ang dahilan kung bakit ako napalapit sa aking ama. Ipinararamdam niya kasi sa aking hindi ako nag-iisa, lalo na sa isang malamig na gabi. Ipinagtitimpla niya ako ng mainit na gatas para mabawasan ang ginaw ko, pinapalo niya ang mga ipis para di na ako matakot pa, minamasahe niya ang pinupulikat kong binti at kalauna’y gumagaling naman, at ang pinakamahalaga’y kinakausap niya ako na para kaming simpleng magkaibigan lamang. May bonus pang matagal at mahigpit na yakap.

Walang gabing nabigo siyang pangatawanan ang pagiging isang ama sa akin.

Subalit, isa siyang OFW. At sa isang taong pagkawala niya ay halos isang buong taon ko ring kayakap ang aking sarili, nang mag-isa.

Hulyo 4, 2010

No comments:

Post a Comment